Library
Sakramento


“Sakramento,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

si Jesucristo na pinangangasiwaan ang sakramento kasama ang Kanyang mga disipulo

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Sakramento

Isang sagradong ordenansa para mas mapalapit tayo kay Jesucristo

Ano ang kahulugan sa iyo ng sakramento? Ang pakikibahagi sa sagradong ordenansang ito bawat linggo ay maaaring maging napakahalagang espirituwal na bahagi ng iyong buhay kapag hinangad mong maunawaan ang kahulugan nito. Bago ang Pagpapako sa Kanya sa Krus, tinipon ni Jesus ang Kanyang mga disipulo para kumain upang ipagdiwang ang Paskua. Alam Niya na magwawakas na ang Kanyang buhay sa mundo at lilisanin Niya ang Kanyang mga disipulo. Gusto Niya na maalaala nila ang Kanyang mga turo. Sa tagpong iyan, nagbigay si Jesus ng tinapay at alak sa Kanyang mga disipulo, ipinapaliwanag na dapat silang makibahagi sa pag-alaala sa Kanyang katawan at dugo.

Ang mga pagsisikap mong pag-aralan ang kahulugan at layunin ng sakramento ay makatutulong sa iyo na makadama ng matinding pasasalamat para sa lahat ng ginawa Niya para sa iyo.

Ano ang Sakramento?

Ang sakramento ay isang ordenansa ng priesthood kung saan tinatanggap ng mga miyembro ng Simbahan ang tinapay at tubig bilang pag-alaala sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Ang pinagputul-putol na tinapay ay nagpapaalala sa Kanyang katawan at Kanyang pisikal na pagdurusa. Ang tubig ay sumasagisag sa dugo ni Jesus, na nabuhos sa matinding pagdurusa at pighati. Kapag karapat-dapat tayong tumanggap ng sakramento, pinaninibago natin ang ating mga tipan sa Panginoon, pinananatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan, at muli tayong nangangakong susundin si Jesucristo.

Overview ng paksa: Sakramento

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral: Jesucristo, Mortal na Ministeryo ni Jesucristo, Pagbabayad-sala ni Jesucristo, Mga Tipan at mga Ordenansa, Araw ng Sabbath

Bahagi 1

Ang Sakramento ay Tumutulong sa Iyo na Maalaala si Jesucristo

mga miyembro ng kongregasyon na tumatanggap ng sacrament tray

Isang araw matapos Niyang mahimalang mapakain ang 5,000, nangaral si Jesus at itinuro na “ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at siya’y muli kong bubuhayin sa huling araw” (Juan 6:54). Sa panahong iyon, nagulumihanan marahil sa mga salitang ito ang Kanyang mga disipulo. Gayunman, ang kahulugan nito ay mas nilinaw kalaunan nang ituro ng Panginoon ang sakramento sa Kanyang mga disipulo noong Huling Hapunan.

Bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, mayroon kang pagkakataong makibahagi nang lingguhan sa ordenansa ng sakramento. Ang pagtanggap ng tinapay at tubig ay tumutulong sa iyo na maalaala ang laman at dugo ni Jesucristo, na lubos Niyang ibinigay para sa lahat ng anak ng Diyos.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang mga salaysay sa banal na kasulatan tungkol sa pagtuturo ni Jesucristo ng ordenansa ng sakramento sa Kanyang mga disipulo sa Jerusalem (tingnan sa Mateo 26:26–28; Marcos 14:22–24; Lucas 22:19–20) at sa mga Nephita (tingnan sa 3 Nephi 18:1–11). Ano ang natutuhan mo mula sa mga talata mula sa banal na kasulatan na ito tungkol sa sakramento? Maaari ding makatulong na basahin ang mga salaysay na matatagpuan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 26:22, 24–25 (sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia) at Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 14:20–25 (sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia).

  • Basahin ang Moises 5:4–8. Noong unang panahon, iniutos ng Diyos sa Kanyang mga anak na mag-alay ng hain na hayop na kahalintulad ng sakripisyo ni Jesucristo—ang Kordero ng Diyos. Paano natutupad ng sakramento ngayon ang layuning katulad ng sa mga pag-aalay ng hain noong panahon ng Lumang Tipan? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 59:9–12.)

  • Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na hindi mahalaga kung ano ang kinakain o iniinom natin para sa sakramento basta’t naaalaala natin ang layunin ng paggawa nito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:1–2). Isipin kung bakit ang ginagamit natin bilang mga sagisag ng sakramento ay hindi kasinghalaga ng ipinapaalala sa atin ng mga sagisag na iyon.

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Magkakasamang panoorin ang video na “Sacrament” (2:59) o “Always Remember Him” (5:27). Maaari ninyong talakayin kung paano makaiimpluwensya sa inyong nadarama at ginagawa ang mga pagsisikap ninyong alalahanin si Jesucristo at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ano ang magagawa ninyo para mas makatuon kay Jesucristo sa oras ng sacrament meeting at kapag tumatanggap ng sakramento?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ang Karapat-dapat na Paghahanda para sa Sakramento ay Naghahatid ng mga Pagpapala

piraso ng tinapay at maliit na baso ng tubig

Kung minsan nauupo ka lang sa oras ng sakramento, nalilimutang tunay na tanggapin at maranasan ang sagradong ordenansang ito ayon sa nilayon ng Panginoon. Ngunit ang mga pagsisikap mong maghanda at maging karapat-dapat para sa pagtanggap ng sakramento ay magpapamarapat sa iyo para sa saganang mga pagpapala.

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar: “Ang ordenansa ng sakramento ay isang banal at paulit-ulit na paanyayang magsisi nang taos at espirituwal na mapanibago. Ang pakikibahagi ng sakramento, kung tutuusin, ay hindi [nagpapatawad] ng mga kasalanan. Ngunit kapag naghanda tayo nang seryoso at nakibahagi sa banal na ordenansang ito nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, ang pangako ay mapapasaatin sa tuwina ang Espiritu ng Panginoon. At sa palagiang patnubay ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo, mapapanatili natin sa tuwina ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.”1

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang 1 Corinto 11:23–29. Ano ang ibig sabihin ng “siyasatin ang [iyong] sarili” kapag tumatanggap ng sakramento? Bakit mahalagang maghandang tumanggap ng sakramento nang karapat-dapat?

  • Pakinggan o basahin ang mga titik ng isang himno sa sakramento, tulad ng “May Luntiang Burol” o “Aba Naming Kahilingan.”2 Paano makapagpapalalim ng inyong pasasalamat para sa ordenansa ng sakramento ang pagninilay sa mensaheng matatagpunan sa himno ng sakramento?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Basahin ang mga panalangin sa sakramento, na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 20:75–79. Anyayahan ang ilan sa iyong grupo na alamin ang ipinangako natin kapag tumatanggap tayo ng sakramento habang inaalam ng iba ang ipinangako ng Panginoon na gagawin bilang kapalit nito. Maaari mo ring ipabasa sa grupo ang Doktrina at mga Tipan 20:37 at talakayin ang mga pagkakatulad ng mga pangakong ginawa sa oras ng sakramento at sa tipan sa binyag.

Alamin ang iba pa

Iba pang mga Sanggunian tungkol sa Sakramento