Library
Araw ng Sabbath


“Araw ng Sabbath,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

dalagita sa simbahan

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Araw ng Sabbath

“Alalahanin mo ang araw ng Sabbath, upang ingatan itong banal” (Exodo 20:8)

Ano para sa iyo ang araw ng Sabbath? Kapag hinangad mong igalang ang Sabbath ayon sa paraan ng Panginoon, makikita mo na ang Sabbath ay isang kasiyahan (tingnan sa Isaias 58:13–14). Ang pagsamba sa Diyos kasama ang iba sa Simbahan, pagtanggap ng sakramento, at pagpapanatiling banal ng araw na ito sa tahanan ay magdudulot ng espirituwal na lakas sa iyong buhay at mas maglalapit sa iyo sa Diyos. Ang paglalaan ng isang araw bawat linggo para magpahinga mula sa pagtatrabaho at paglilibang ay isang paraan na maipapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos at ang hangarin nating sundin Siya at tuparin ang ating mga tipan. Ipinaliwang ni Pangulong M. Russell Ballard. “Ang kapangyarihan ng araw ng Sabbath ay para maranasan sa simbahan at sa tahanan ang tuwa, galak, at init ng madama ang Espiritu ng Panginoon nang walang gambala.”1

Ano ang Araw ng Sabbath?

Ang Sabbath ay banal na araw na itinalaga ng Diyos para sa atin na magpahinga mula sa ating mga gawain at sambahin Siya. Kasunod ng Paglikha ng daigdig, binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw at kanyang ginawang banal (tingnan sa Genesis 2:2–3). Iniutos ng Diyos sa mga Israelita na “Alalahanin … ang araw ng Sabbath, upang ingatan itong banal” (Exodo 20:8). Matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, sinimulan ng Kanyang mga disipulo ang pagdiriwang ng Sabbath sa araw ng Linggo, o sa unang araw ng sanlinggo, (tingnan sa Marcos 16:2; Mga Gawa 20:7; 1 Corinto 16:1–2). Sa mga huling araw, pinanibago ng Diyos ang Kanyang utos na panatilihing banal ang araw ng Sabbath (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:9–13; 68:29).

Buod ng paksa: Araw ng Sabbath

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Pagsamba sa Diyos Ama, Sakramento, Pag-aayuno, Pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo

Bahagi 1

Ang Iyong Paggalang sa Araw ng Sabbath ay Tanda ng Iyong Katapatan sa Diyos

kongregasyon

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Paano ba natin ginagawang banal ang araw Sabbath? Noong ako ay bata pa, pinag-aralan ko ang listahan na ginawa ng ibang tao tungkol sa bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath. Kalaunan ko lang natutuhan mula sa mga banal na kasulatan na ang aking kilos at pag-uugali sa Sabbath ay dapat na maging tanda sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit [tingnan sa Exodo 31:13]. Dahil sa pagkaunawang iyon, hindi ko na kailangan ng mga listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin. Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang aking sarili, ‘Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?’ Sa tanong na iyon naging napakalinaw sa akin ang mga dapat piliin sa araw ng Sabbath.”2 Anong uri ng tanda ang ibinibigay sa Diyos ng iyong ginagawa sa araw ng Sabbath?

Mga bagay na pag-iisipan

  • Panoorin ang video ni Elder Jeffrey R. Holland, “Upon My Holy Day—Rest and Renewal” (1:26). Hinihikayat tayo ni Elder Holland na gawin ang mga bagay sa araw ng Sabbath na naiiba sa ginagawa natin sa ibang mga araw. Anong mga impresyon ang natanggap mo tungkol sa paggalang sa araw ng Sabbath at pagpapanatiling banal nito?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Iginalang ni Jesucristo ang Araw ng Sabbath

pinapagaling ni Jesucristo ang isang lalaking bulag

Sa panahon ng Bagong Tipan, ang mga hindi awtorisadong regulasyon at tradisyon ay sinimulang isagawa sa kultura ng mga Judio tungkol sa dapat gawin at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath.4 Madalas batikusin si Jesus ng mga pinuno ng relihiyon noong Kanyang panahon tungkol sa kung paano Niya at ng Kanyang mga disipulo pinananatiling banal ang araw ng Sabbath. Itinuro ni Jesus na “ang Sabbath ay ginawa para sa tao” at Siya ay “Panginoon maging ng Sabbath” (Marcos 2:27, 28). Upang gunitain ang araw na nabuhay na mag-uli ang Panginoon, ang pagpapanatiling banal sa Sabbath ay ginawa sa unang araw ng linggo ng mga disipulo ni Jesucristo (tingnan sa Marcos 16:2; Mga Gawa 20:7; 1 Corinto 16:1–2).

Bilang mahalagang bahagi ng ating paggalang sa araw ng Sabbath, tumatangap tayo ng sakramento bilang pag-alaala sa nagbabayad-salang sakripisyo, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo. Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, nakikipagtipan tayo na tataglayin natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, susundin ang Kanyang mga kautusan, at lagi Siyang aalalahanin. Kapalit nito, ipinapangako sa atin ng Diyos na mapapasaatin ang Banal na Espiritu upang makasama natin sa tuwina. Kapag nasasaatin ang Espiritu napapabanal at napapatawad tayo sa ating mga kasalanan. Nangangahulugan din ito na lagi tayong sasamahan at papatnubayan ng Espiritu Santo. Ang araw ng Sabbath ay isang pagkakataon para pagnilayan ang mga pagpapalang natanggap mo bilang tagasunod ni Jesucristo.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang mga sumusunod na salaysay tungkol sa paggalang ng Tagapagligtas sa araw ng Sabbath: Juan 5:2–15; Lucas 13:11–17; 14:1–6. Paano pinagpala ang mga tao sa mga salaysay na ito ng paglilingkod ng Tagapagligtas? Sa isa pang talata, sinabi ni Jesus, “Matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath” (Mateo 12:12). Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “gumawa ng mabuti” sa araw ng Sabbath?

    Paano mo matutularan ang halimbawa ni Jesus sa paglilingkod sa iba sa araw ng Sabbath?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Bilang isang grupo, panoorin ang video na “Gratitude on the Sabbath Day” (3:39). Pag-usapan ang mga paraan na maipapakita natin ang ating pagpapahalaga at pasasalamat kay Jesucristo sa araw ng Sabbath. Ano ang kaugnayan ng pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath at pasasalamat sa mga pagpapala ng Diyos?

Alamin ang iba pa

Bahagi 3

Ang Pagpapanatiling Banal ng Araw ng Sabbath ay Tumutulong sa Atin na Manatiling “Walang Bahid-dungis mula sa Sanlibutan”

pamilya na nagbabasa

Itinuro ng Panginoon, “At upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, kayo ay magtungo sa palanginan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw” (Doktrina at mga Tipan 59:9). Kabilang sa ating pagsamba kasama ng iba sa araw ng Sabbath ang hindi lamang pagtanggap ng sakramento kundi pagdarasal din, pagkanta ng mga himno, pagbibigay at pagtanggap ng mga basbas ng priesthood, pagbabahagi ng patotoo, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at paglilingkod.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang pakikibahagi sa sacrament meeting ay isang makabuluhang paraan para maisentro ang iyong buhay kay Jesucristo at madagdagan ang espirituwal na lakas. Kapag tayo ay espirituwal na malakas, mas handa tayong iwasan at paglabanan ang tukso. Paano nakatulong sa iyo ang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath at pakikibahagi sa sacrament meeting sa pagsisikap mong maging “walang bahid-dungis mula sa sanlibutan”?

  • Basahing muli ang mensahe ng Panginoon tungkol sa araw ng Sabbath na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 59:9–15. Hinggil sa mga talatang ito, ibinahagi ni Pangulong M. Russell Ballard, “Pansinin ang mahahalagang salita sa paghahayag na ito: kagalakan, kagalakan, pasasalamat, maligayang mga puso, masayang puso, at maligayang mukha. Para sa akin ang paggalang sa araw ng Sabbath ay dapat maghatid ng ngiti sa ating mga mukha.”5 Kailan mo naranasan ang ganitong mga uri ng damdamin sa araw ng Sabbath? Ano ang magagawa mo para maging masayang karanasan ang pagsamba mo sa araw ng Sabbath?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Panoorin ang video na “Is There a Place for Me?” (3:59). Pag-usapan ang kahalagahan ng pagtulong sa iba na madama na kabilang sila sa kanilang kongregasyon sa simbahan. Paano napag-iibayo ng pagsisikap mong tulungan ang iba na madamang kabilang sila ang sariling nadarama mo sa pagsamba sa araw ng sabbath?

Alamin ang iba pa