Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 2–8: “Alalahanin ang Panginoon.” Helaman 7–12


“Setyembre 2–8: ‘Alalahanin ang Panginoon.’ Helaman 7–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)

“Setyembre 2–8. Helaman 7–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)

si Nephi na nagdarasal sa isang tore sa halamanan

Larawan ni Nephi na nasa isang tore sa halamanan, na iginuhit ni Jerry Thompson

Setyembre 2–8: “Alalahanin ang Panginoon”

Helaman 7–12

Hinimok ng ama ni Nephi na si Helaman ang kanyang mga anak na “[tandaan, tandaan].” Gusto niyang tandaan nila ang kanilang mga ninuno, tandaan ang mga salita ng mga propeta, at higit sa lahat ay tandaan ang “ating Manunubos, na si Cristo” (tingnan sa Helaman 5:5–14). Malinaw na natandaan nga ito ni Nephi dahil ito rin ang mensahe na ipinahayag niya “nang walang kapaguran” sa mga tao makalipas ang ilang taon (Helaman 10:4). “Paanong nakalimutan ninyo ang inyong Diyos?” tanong niya (Helaman 7:20). Lahat ng pagsisikap ni Nephi—pangangaral, pagdarasal, paggawa ng mga himala, at paghiling sa Diyos sa panahon ng taggutom—ay mga pagtatangkang tulungan ang mga tao na bumaling sa Diyos at alalahanin Siya. Sa maraming paraan, ang paglimot sa Diyos ay mas malaking problema kaysa hindi pagkakilala sa Kanya. At madali Siyang makalimutan kapag ang ating isipan ay naliligalig ng “mga walang kabuluhang bagay ng daigdig na ito” at napalalabo ng kasalanan (Helaman 7:21; tingnan din sa Helaman 12:2). Ngunit, tulad ng makikita sa ministeryo ni Nephi, kailanma’y hindi pa huli ang lahat para makaalala at “bumaling … sa Panginoon ninyong Diyos” (Helaman 7:17).

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

Helaman 7–11

seminary icon
Ipinapahayag ng mga propeta ang kalooban ng Diyos sa mga tao.

Ang Helaman 7–11 ay partikular na magandang lugar para malaman kung ano ang ginagawa ng mga propeta. Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, pansinin ang mga ikinilos, inisip, at pakikipag-ugnayan ni Nephi sa Panginoon. Paano ipinauunawa sa iyo ng ministeryo ni Nephi ang papel na ginagampanan ng mga propeta? Narito ang ilang halimbawa. Ano pa ang nakikita mo?

Batay sa nabasa mo, paano mo ilalarawan kung ano ang propeta at ano ang ginagawa niya? Isiping sumulat ng isang maikling kahulugan. Pagkatapos ay tingnan kung ano ang idaragdag mo sa iyong kahulugan matapos basahin ang entry para sa “Propeta” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Gospel Library) o “Sundin ang Buhay na Propeta” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 171–79).

Napansin mo ba kung gaano katapang si Nephi sa Helaman 7:11–29? Sa palagay mo, bakit kailangang magsalita ang mga propeta nang may katapangan kung minsan na gaya ni Nephi? Isiping maghanap ng mga sagot sa bahaging may pamagat na “Huwag Kayong Mabibigla” sa mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Ang Propeta ng Diyos” (Liahona, Mayo 2018, 26).

Nasasaisip ang lahat ng katotohanang ito, pagnilayan kung paano ka napagpala ng Panginoon sa pamamagitan ng ministeryo ng Kanyang mga propeta. Ano ang naituro Niya sa iyo kamakailan sa pamamagitan ng ating buhay na propeta? Ano ang ginagawa mo para mapakinggan at masunod ang tagubilin ng Panginoon?

Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Mga Propeta,” Gospel Library.

Helaman 9; 10:1, 12–15

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay kailangang hindi lamang sa mga palatandaan at himala nakasalig.

Kung sapat ang mga tanda o himala para baguhin ang puso ng isang tao, napabalik-loob na sana ang lahat ng mga Nephita sa pamamagitan ng kahanga-hangang mga palatandaang ibinigay ni Nephi sa Helaman 9. Pero hindi iyon nangyari. Pansinin ang iba’t ibang paraan na tumugon ang mga tao sa himala sa Helaman 9–10. Halimbawa, maaari mong ikumpara ang mga tugon ng limang lalaki at ng mga punong hukom sa Helaman 9:1–20 (tingnan din sa Helaman 9:39–41; 10:12–15). Ano ang matututuhan mo mula sa mga karanasang ito kung paano patatatagin ang iyong pananampalataya kay Jesucristo?

Tingnan din sa 3 Nephi 1:22; 2:1–2.

Helaman 10:1–12

Ang Panginoon ay nagbibigay ng kapangyarihan sa mga naghahangad sa Kanyang kalooban at nagsisikap na sumunod sa Kanyang mga utos.

Habang pinag-aaralan mo ang Helaman 10:1–12, pansinin ang ginawa ni Nephi para matamo ang tiwala ng Panginoon. Paano ipinamalas ni Nephi na hinangad niya ang kalooban ng Panginoon sa halip na ang kanyang sariling kalooban? Ano ang hinihikayat ng karanasan ni Nephi na gawin mo?

Helaman 10:2–4

Ang pagninilay sa salita ng Diyos ay nag-aanyaya ng paghahayag.

Kung nadarama mo na ikaw ay inaapi, balisa, o nalilito, baka may matutuhan kang mahalagang aral mula sa halimbawa ni Nephi sa Helaman 10:2–4. Ano ang ginawa niya nang makadama siya ng “[p]anlulumo”? (talata 3).

Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring, “Kapag nagbubulay-bulay tayo, nag-aanyaya tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu” (“Maglingkod nang May Espiritu,” Liahona, Nob. 2010, 60). Paano mo makakagawian ang pagbubulay-bulay?

Helaman 12

Nais ng Panginoon na alalahanin ko Siya.

Paano mo naaalala ang mahalagang impormasyon—tulad ng kaarawan ng isang kapamilya o impormasyon para sa isang pagsusulit? Paano ito natutulad sa pagsisikap na kailangan sa “pag-alaala sa Panginoon”? (Helaman 12:5). Paano ito naiiba?

Inilarawan sa Helaman 12 ang ilang bagay na nagiging dahilan para malimutan ng mga tao ang Panginoon. Marahil ay maaari mong ilista ang mga ito at pagnilayan kung maaari ka bang mailayo ng mga ito mula sa Kanya. Ano ang tumutulong sa iyo na alalahanin si Jesucristo? Ano ang mga pagbabagong nahihikayat kang gawin batay sa natutuhan mo?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79; “Mapitagan at Aba,” Mga Himno, blg. 109.

Gumamit ng mga object lesson. Madalas na iugnay ng Tagapagligtas ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa araw-araw na mga bagay na pamilyar sa mga tao. Kapag nag-aaral o nagtuturo tungkol sa Helaman 12:1–6, maaari mong ikumpara “ang kahinaan … ng [mga] tao” sa paraan ng pagsisikap nating bumalanse sa isang paa. Paano tayo mananatiling matatag sa espirituwal na paraan?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Helaman 7:20–21

Nais ng Panginoon na alalahanin ko Siya.

  • Para makapagsimula ng pag-uusap tungkol sa pag-alaala sa Panginoon, maaari mong ikuwento sa iyong mga anak ang isang pagkakataon na nalimutan mo ang isang bagay. Hayaan silang magbahagi ng sarili nilang mga karanasan na katulad nito. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Helaman 7:20–21 at tanungin ang iyong mga anak kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng malimutan ang Diyos. Maaari sigurong magdrowing ang iyong mga anak ng mga bagay na maaaring maging dahilan para malimutan natin ang Panginoon at gamitin ang kanilang mga drowing para takpan ang isang larawan ni Jesus. Pagkatapos ay maaari silang mag-isip ng mga bagay na magagawa nila para maalaala Siya. Habang ibinabahagi nila ang kanilang mga iniisip, isa-isang alisin ang mga drowing hanggang sa lumabas ang larawan ng Tagapagligtas.

Helaman 8:13–23

Ang mga propeta ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo.

  • Tulungan ang iyong mga anak na saliksikin ang Helaman 8:13–23 para maghanap ng mga pangalan ng mga propetang nagturo tungkol kay Jesucristo. Maaari siguro silang magpasa-pasa ng larawan ni Jesus tuwing makakahanap sila ng isa. Ano ang naituro ng ating buhay na propeta tungkol sa Tagapagligtas?

  • Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga propeta, tulad ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59). Maaari siguro kayong pumili ng inyong mga anak ng isang mahalagang parirala mula sa awitin at isulat ang isang salita mula sa parirala sa bawat isa sa ilang papel na mga bakas ng paa. Pagkatapos ay maaari mong ilapag sa sahig ang mga bakas ng paa papunta sa isang larawan ng Tagapagligtas, at maaaring sundan ng iyong mga anak ang mga bakas ng paa papunta sa larawan. Paano tayo naakay ng pagsunod sa propeta patungo kay Jesucristo?

Helaman 10:1–4

Ang pagbubulay-bulay sa mga salita ng Diyos ay nag-aanyaya ng paghahayag.

  • Para maipaunawa sa iyong mga anak ang ibig sabihin ng magbulay-bulay, maaari ninyong sama-samang basahin ang “Pagbulay-bulay” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Gospel Library). Ano ang ilang iba pang salita na katulad ng pagbulay-bulay? Marahil ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Helaman 10:1–3 at palitan ang salitang nagbubulay-bulay ng iba pang mga salitang iyon. Kausapin ang iyong mga anak tungkol sa mga paraan para magawang bahagi ng pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan ang pagbubulay-bulay.

Helaman 10:11–12

Susundin ko ang Ama sa Langit.

  • Sinunod ni Nephi ang Ama sa Langit kahit nangahulugan iyon ng paggawa ng isang mahirap na bagay. Para sa halimbawa nito, maaari ninyong basahin ng iyong mga anak ang Helaman 10:2, 11–12. Maaari sigurong iakto ng iyong mga anak ang ginawa ni Nephi—lumakad papunta sa isang panig ng silid (na parang pauwi sila), huminto, pumihit, at lumakad papunta sa kabilang panig ng silid (na parang pabalik sila para turuan ang mga tao). Ano ang ilang bagay na nais ng Ama sa Langit na gawin natin?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

natuklasan na si Seantum ang mamamatay-tao

Sa pamamagitan ng kaloob na propesiya, nalutas ni Nephi ang pagpaslang sa punong hukom.

© The Book of Mormon for Young Readers, Seantum—The Murderer Is Discovered [Seantum—Natuklasan ang Mamamatay-Tao], ni Briana Shawcroft; hindi maaaring kopyahin