Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 9–15: “Masayang Balita ng Malaking Kagalakan.” Helaman 13–16


“Setyembre 9–15: ‘Masayang Balita ng Malaking Kagalakan.’ Helaman 13–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)

“Setyembre 9–15. Helaman 13–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)

si Samuel na Lamanita na nagtuturo sa ibabaw ng pader

Samuel the Lamanite on the Wall [Si Samuel na Lamanita sa Ibabaw ng Pader], ni Arnold Friberg

Setyembre 9–15: “Masayang Balita ng Malaking Kagalakan”

Helaman 13–16

Nang unang subukan ni Samuel na Lamanita na ibahagi ang “masayang balita” sa Zarahemla (Helaman 13:7), tinanggihan siya at itinaboy ng mga Nephita na matitigas ang puso. Maaari mong sabihin na parang pinaligiran nila ng pader na hindi matatagos ang kanilang puso na humadlang sa kanila na tanggapin ang mensahe ni Samuel. Naunawaan ni Samuel ang kahalagahan ng mensaheng ibinigay niya at nagpakita siya ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagsunod sa utos ng Diyos “na siya ay muling magbalik, at magpropesiya” (Helaman 13:3). Tulad ni Samuel, lahat tayo ay may nakakaharap na mga pader habang ating “[inihahanda] ang daan ng Panginoon” (Helaman 14:9) at sinisikap na sundin ang Kanyang mga propeta. At tulad ni Samuel, pinatototohanan din natin si Jesucristo, “na tiyak na paparito,” at inaanyayahan ang lahat na “[ma]niwala sa kanyang pangalan” (Helaman 13:6; 14:13). Hindi lahat ay makikinig, at maaaring aktibo tayong kalabanin ng ilan. Ngunit nasusumpungan ng mga naniniwala sa mensaheng ito nang may pananampalataya kay Cristo na ito ay tunay na isang mensahe ng “masayang balita ng malaking kagalakan” (Helaman 16:14).

18:28

Si Samuel na Lamanita ay Nagpropesiya tungkol kay Jesucristo | Helaman 13 – 16; 3 Nephi 1

Si Samuel na Lamanita ay nagpropesiya ng pagdating ni Cristo na ikinagalit ng mga Nephita. Nang atakihin siya, pinrotektahan siya ng Panginoon at hindi tinamaan.

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

Helaman 13

Nagbababala ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.

Sa mga banal na kasulatan, ikinukumpara ang mga propeta kung minsan sa mga bantay sa pader o tore na nagbababala sa parating na panganib (tingnan sa Isaias 62:6; Ezekiel 33:1–7). Habang pinag-aaralan mo ang mga salita ni Samuel sa Helaman 13, isipin kung paano siya katulad ng isang bantay para sa iyo. Ano ang sinabi niya na tila may kaugnayan sa ating panahon? (tingnan lalo na sa mga talata 8, 21–22, 26–29, 31, at 38). Halimbawa, ano ang itinuro ni Samuel tungkol sa pagsisisi? tungkol sa pagpapakumbaba at yaman? tungkol sa paghahanap ng kaligayahan “sa paggawa ng kasamaan”?

Maaari mo ring saliksikin ang mga mensahe sa huling kumperensya para sa katulad na mga babala na naibigay ng Panginoon sa pamamagitan ng mga makabagong propeta. Ano ang nahihikayat kang gawin tungkol sa mga babalang ito?

Maghanap ng mga pattern. Ang pattern ay isang plano o modelong magagamit bilang gabay sa pagsasakatuparan ng isang gawain. Sa mga banal na kasulatan, nakakakita tayo ng mga pattern na nagpapakita kung paano isinasakatuparan ng Panginoon ang Kanyang gawain, tulad ng pagsusugo sa Kanyang mga lingkod para balaan ang mga tao.

pamilyang nanonood ng pangkalahatang kumperensya

Kapag nakikinig tayo sa mga propeta, ituturo nila si Jesucristo

Helaman 13–15

seminary icon
Inaanyayahan ako ng Diyos na magsisi.

Ang mga babala ni Samuel tungkol sa mga kahatulan ng Diyos ay palaging may kasamang maawaing paanyaya na magsisi. Hanapin ang mga paanyayang ito sa buong Helaman 13–15 (tingnan lalo na sa Helaman 13:6–11; 14:15–19; 15:7–8). Ano ang matututuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa pagsisisi? Ang tingin ng ilang tao sa pagsisisi ay isang malupit na kaparusahan—isang bagay na dapat iwasan. Sa palagay mo, paano ninais ni Samuel na ituring ng mga Nephita ang pagsisisi?

Para palalimin mo ang iyong pag-aaral, maaari mong basahin ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging mas Mahusay” (Liahona, Mayo 2019, 67). Paano ang depinisyon niya tungkol sa pagsisisi? Anong mga pagpapala ng taos-pusong pagsisisi ang makikita mo sa kanyang mensahe? Maaari ka ring maghanap ng partikular na mga bagay na sinabi ng propeta na baguhin natin. Ano ang sinasabi sa iyo ng Espiritu Santo na kailangan mong baguhin? Isiping isulat ang personal na paghahayag na natatanggap mo.

Paano naiiba ang pagsisisi sa pagbabago lamang ng iyong pag-uugali? Bakit mahalagang tanggapin ang paanyaya ng Diyos na magsisi? Habang pinagninilayan mo ito, isiping kantahin o pakinggan ang isang himnong nagpapahayag ng paanyayang ito, tulad ng “Banayad ang Utos ng Diyos” (Mga Himno, blg. 73).

Tingnan din sa “Tutulungan Kayo ni Jesucristo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili, 6–9; “Pagsisisi: Isang Pagpiling Puno ng Kagalakan,” (video), Gospel Library; Mga Paksa ng Ebanghelyo “Pagsisisi,” Gospel Library.

18:28

Si Samuel na Lamanita ay Nagpropesiya tungkol kay Jesucristo | Helaman 13 – 16; 3 Nephi 1

Si Samuel na Lamanita ay nagpropesiya ng pagdating ni Cristo na ikinagalit ng mga Nephita. Nang atakihin siya, pinrotektahan siya ng Panginoon at hindi tinamaan.

Helaman 14; 16:13–23

Nagpadala ng mga palatandaan at kababalaghan ang Diyos para patotohanan ang pagsilang at kamatayan ng Tagapagligtas.

Sa Helaman 14, ipinaliwanag ni Samuel na naglaan ang Panginoon ng mga palatandaan ng pagsilang at kamatayan ng Tagapagligtas upang “malaman [ng mga tao] … ang kanyang pagparito” at “maniwala sa kanyang pangalan” (Helaman 14:12). Habang pinag-aaralan mo ang Helaman 14, pansinin ang mga palatandaan ng pagsilang ng Tagapagligtas sa mga talata 1–8 at ang mga palatandaan ng Kanyang kamatayan sa mga talata 20–28. Sa palagay mo, bakit magiging epektibong mga paraan ang mga palatandaang ito para ipahiwatig ang pagsilang at kamatayan ni Jesucristo?

Ang iba pang mas personal at di-gaanong dramatikong mga palatandaan ay makakatulong sa iyo na “maniwala sa [pangalan ng Tagapagligtas].” Ano ang nagawa Niya para mapalakas ang iyong paniniwala sa Kanya?

Anong babala ang ibinigay tungkol sa mga palatandaan sa Helaman 16:13–23? Paano mo maiiwasan ang saloobin ng mga tao na inilarawan sa mga talatang ito?

Tingnan din sa Alma 30:43–52; Ronald A. Rasband, “Sa Banal na Plano,” Liahona, Nob. 2017, 55–57.

Helaman 15:3

Ang pagpaparusa mula sa Panginoon ay tanda ng Kanyang pagmamahal.

Maraming malulupit na parusa sa mga salita ni Samuel, ngunit nagbibigay sa atin ng kakaibang pananaw ang Helaman 15:3 tungkol sa pagpaparusa ng Panginoon. Paano maaaring maging tanda ng pagmamahal ng Panginoon ang Kanyang pagpaparusa? Anong katibayan ang nakikita ninyo tungkol sa pagmamahal at awa ng Panginoon sa mga propesiya at babala ni Samuel?

Isiping pag-aralan ang mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Ang Lahat Kong Iniibig ay Aking Sinasaway at Pinarurusahan” (Liahona, Mayo 2011, 97–100), na inaalam ang tatlong layunin ng pagpaparusa ng langit. Kailan mo nakitang kumilos ang Diyos sa mga paraang ito sa buhay mo?

Helaman 16

Itinuturo ako ng mga propeta kay Jesucristo.

Sa Helaman 16, ano ang matututuhan mo mula sa mga taong tumanggap sa mga turo ni Samuel? Ano ang natututuhan mo mula sa mga taong hindi tumanggap sa kanya? Pag-isipan kung paano nakatulong sa iyo ang pagsunod sa mga buhay na propeta para mas mapalapit ka kay Jesucristo.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Helaman 13:2–5

Maaaring mangusap sa akin ang Diyos sa puso ko.

  • Paano mo maituturo sa iyong mga anak na maaaring mangusap ang Diyos sa ating puso, tulad ng ginawa Niya para kay Samuel? Marahil ay maaari mong hilingin sa kanila na ipakita sa iyo ang iba’t ibang paraan ng pakikipag-ugnayan nang walang mga salita (tulad ng mga galaw o ekspresyon ng mukha). Maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa iba’t ibang paraan na nakikipag-ugnayan sa atin ang Ama sa Langit. Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari ninyong tingnan ng inyong mga anak ang larawan ni Samuel na Lamanita (may dalawa sa outline na ito) at basahin ang Helaman 13:2–5 habang pinakikinggan ng inyong mga anak kung paano sinabi ng Diyos kay Samuel kung ano ang sasabihin.

  • Marami sa atin—lalo na ang mga bata—ang nangangailangan ng tulong para matutong pansinin kung paano at kailan nangungusap sa atin ang Diyos. Maaari kang magkuwento sa iyong mga anak tungkol sa isang pagkakataon na tinulungan ka ng Espiritu Santo na malaman sa puso mo ang nais ng Diyos na gawin o sabihin mo. Ipaliwanag kung paano mo nalaman na nakikipag-usap sa iyo ang Diyos. Marahil ay maaari ding magbahagi ang inyong mga anak ng anumang mga karanasan nila na katulad nito.

Helaman 14:2–7, 20–25

Ang mga propeta ay nagtuturo tungkol kay Jesucristo.

  • Ang sama-samang pagkanta ng “Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon” (Aklat ng mga Awit Pambata, 62–63) ay maaaring magandang paraan para ituro sa iyong mga anak ang itinuro ni Samuel tungkol kay Jesucristo. Ang isa pa ay ang pagbabahagi ng “Kabanata 40: Nagkuwento si Samuel na Lamanita Tungkol kay Jesucristo” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 111–13). Ano ang itinuro ni Samuel tungkol sa Tagapagligtas? Marahil ay maaari mo ring ibahagi ang itinuturo ng mga makabagong propeta tungkol sa Kanya. Paano pinalalakas ng kanilang mga salita ang ating pananampalataya sa Kanya?

Helaman 16:1–6

Ako ay pinagpapala kapag sumusunod ako sa propeta.

  • Maaari mong patatagin ang tiwala ng iyong mga anak sa propeta sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng mga halimbawa ng mga taong matatapat. Ang ilan sa mga ito ay matatagpuan sa Helaman 16:1, 5. Habang nagbabasa ka, maaaring tumayo ang iyong mga anak kapag narinig nila ang isang bagay na ginawa ng mga tao nang maniwala sila sa mga salita ni Samuel. Pagkatapos, habang binabasa mo ang mga talata 2 at 6, maaaring umupo ang iyong mga anak kapag narinig nila ang isang bagay na ginawa ng mga tao nang hindi sila naniwala. Paano natin maipapakita na naniniwala tayo sa mga salita ng buhay na propeta? Sabihin sa mga bata kung paano ka pinagpapala kapag sinusunod mo ang payo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

Samuel na Lamanita

Samuel the Lamanite [Samuel na Lamanita], ni Lester Yocum.