“Hulyo 29–Agosto 4: ‘Umasa sa Diyos at Mabuhay.’ Alma 36–38,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Hulyo 29–Agosto 4. Alma 36–38,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Hulyo 29–Agosto 4: “Umasa sa Diyos at Mabuhay”
Alma 36–38
Nang makita ni Alma ang kasamaan sa paligid niya, nakadama siya ng matinding “kalungkutan,” “paghihirap,” at “pagdurusa ng kaluluwa” (Alma 8:14). “Ang … kasamaan sa mga taong ito,” sabi niya tungkol sa mga Zoramita, “ay sumusugat sa aking kaluluwa” (Alma 31:30). Gayon din ang nadama niya pagkauwi niya mula sa kanyang misyon sa mga Zoramita—napuna niya na ang puso ng mga tao ay “nagsimulang maging matitigas, at na nagsimula silang magdamdam dahil sa kahigpitan ng salita,” at dahil dito ay “labis na nalungkot” ang kanyang puso (Alma 35:15). Ano ang ginawa ni Alma tungkol sa kanyang nakita at nadama? Hindi lamang siya nadismaya o naging negatibo sa kalagayan ng mundo. Sa halip, “kanyang pinapangyaring sama-samang tipunin ang kanyang mga anak” at tinuruan sila ng “mga bagay na nauukol sa kabutihan” (Alma 35:16). Itinuro niya sa kanila na “walang ibang daan o pamamaraan upang maligtas ang tao, tanging kay at sa pamamagitan ni Cristo. … Masdan, siya ang salita ng katotohanan at kabutihan” (Alma 38:9).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Maaari akong isilang sa Diyos.
Ang ilan sa atin ay magkakaroon ng mga karanasan na kasing tindi ng pagbabalik-loob ni Alma. Ngunit lahat ay kailangang “isilang sa Diyos,” bagama’t karaniwang nangyayari ito nang paunti-unti (Alma 36:23; 38:6). Habang binabasa mo ang Alma 36, pag-isipan kung ano ang ibig sabihin ng isilang sa Diyos. Halimbawa, sa proseso ng maisilang sa Diyos, ano ang pakiramdam mo tungkol sa kasalanan? tungkol kay Jesucristo? Paano naaapektuhan ng pagsilang sa Diyos ang ginagawa mo bilang tugon sa sarili mong mga pagkakamali? Anong iba pang mga pagbabago ang nagaganap sa iyong mga paniniwala at kilos? Pagnilayan kung paano mo nararanasan ang mga pagbabagong ito.
Tingnan din sa Mosias 5:7; 27:25–26; Alma 5:14; 22:15; Helaman 3:35; “Ang Nakababatang Alma ay Nagbalik-loob sa Panginoon” (video), Gospel Library.
Pinapalitan ni Jesucristo ng kagalakan ang kalungkutan.
Kung minsa’y natatakot magsisi ang mga tao dahil ang tingin nila sa pagsisisi ay isang masakit na parusa para sa kasalanan. Ano sa palagay mo ang sasabihin ni Alma tungkol diyan? Para malaman, maaari mong ikumpara ang buhay ni Alma noong bago siya nagsisi (tingnan sa Alma 36:6–17) sa paglalarawan niya sa kanyang sarili matapos siyang magsisi (tingnan sa mga talata 18–27). Ayon sa Alma 36:17–18, paano natanggap ni Alma ang kapatawarang ito?
Tingnan din sa Matthew S. Holland, “Ang Walang Katulad na Kaloob ng Anak,” Liahona, Nob. 2020, 45–47.
Naingatan ang mga banal na kasulatan “para sa isang matalinong layunin.”
Isipin ang himala at pagpapala na mapasaatin ang mga banal na kasulatan ngayon! Habang binabasa mo ang Alma 37, hanapin ang mga pagpapalang nagmumula sa pagkakaroon ng mga banal na kasulatan (tingnan, halimbawa, sa mga talata 7–10, 18–19, 44–45).
Sa Alma 37:38–47, ikinumpara ni Alma “ang salita ni Cristo” sa Liahona. Habang pinagninilayan mo ang pagkukumparang ito, pagnilayan ang mga paraan na naranasan mo ang himala at kapangyarihan ng mga turo ni Cristo “sa araw-araw” (Alma 37:40).
Tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2010, 32–35; “Habang Aking Binabasa,” Mga Himno, blg. 176; “Nagpatotoo si Alma sa Kanyang Anak na si Helaman” (video), Gospel Library.
“Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.”
Kung minsa’y maaari nating madama na parang napakalaki at napakakumplikado ng mga problema natin kung kaya kailangang malaki at kumplikado rin ang mga solusyon. Pero hindi laging ganoon ang paraan ng Panginoon. Habang binabasa mo ang Alma 37:1–14, isipin kung ano ang hinahangaan mo kung paano Niya ginagawa ang Kanyang gawain. Pagkatapos ay maaari mong pagnilayan at itala ang mga paraan na nakita mo ang alituntuning ito sa buhay mo.
Kung ituturo mo ang alituntuning ito sa isang tao, anong mga halimbawa mula sa kalikasan o pang-araw-araw na buhay ang gagamitin mo para ilarawan ito? Maaari ka ring makakita ng ilan sa mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Maliliit at mga Karaniwang Bagay,” (Liahona, Mayo 2018, 89–92).
Ano ang ilang maliliit at karaniwang bagay na mas naglalapit sa iyo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Kadalasan, ang ating “maliliit at karaniwang” pagpapasiya ay gumagawa ng malalaking kaibhan sa ating buhay. Isiping pumili ng isang paksa mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili at tanungin ang sarili mo ng mga bagay na tulad nito: Paano nakakaapekto sa akin at sa mga tao sa paligid ko ang aking mga pagpapasiya tungkol dito? Anong maliliit at mga karaniwang pagbabago ang magagawa ko na hahantong sa higit na kapayapaan at kaligayahan?
Tingnan din sa Michael A. Dunn, “Isang Porsyento na Mas Mahusay,” Liahona, Nob. 2021, 106–8; Mga Paksa ng Ebanghelyo “Kalayaang Pumili,” Gospel Library.
“Makipagsanggunian sa Panginoon.”
Sa Alma 37:35–37, hanapin ang mga paanyaya ni Alma sa kanyang anak na si Helaman. Alin sa mga paanyayang ito ang nahihikayat kang gawin? Halimbawa, maaari mong pagnilayan ang ibig sabihin ng “makipagsanggunian sa Panginoon” (talata 37). Paano mo nasubukang gawin ito? Paano Ka Niya napatnubayan sa kabutihan?
Ang pagbabahagi ng aking patotoo tungkol kay Jesucristo ay maaaring magpalakas sa mga taong mahal ko.
Ang mga salita ni Alma sa kanyang anak na si Siblon ay nagbibigay ng mabuting halimbawa kung paano palakasin at hikayatin ang mga taong mahal natin na ipamuhay ang ebanghelyo. Ang pag-aaral ng Alma 38 ay maaaring magbigay sa iyo ng ilang ideya sa pagtulong sa mga kapamilya at kaibigan na makahugot ng lakas kay Jesucristo. Isulat ang makikita mo.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Ang pagsisisi ay naghahatid sa akin ng galak kay Jesucristo.
-
Para maipaunawa sa iyong mga anak na ang pagsisisi ay naghahatid ng galak, maaari mo silang bigyan ng isang pirasong papel na may masayang mukha sa isang harap at malungkot na mukha sa likod. Hilingin sa kanila na makinig habang binabasa o ibinubuod mo ang Alma 36:13, 17–20 at itaas ang isa sa mga mukha para ipakita kung ano ang nadarama ni Alma. Maaaring isulat ng nakatatandang mga bata ang mga salita o pariralang naglalarawan ng nadama niya. Ano ang nagpalungkot kay Alma, at ano ang nagpagalak sa kanya? Pagkatapos ay maaari mong sabihin sa kanila ang kagalakan na nadarama mo kapag nagsisisi ka.
“Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.”
-
Maaaring masiyahan ang iyong mga anak sa paghahanap ng maliliit na bagay na dahilan para mangyari ang malalaking bagay. Ang mga bagay na tulad ng baterya, susi ng kotse, o kahit isang laruan na nakakaaliw sa kanila ay maaaring maging mga halimbawa. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Alma 37:6–7 at mag-isip ng ilang maliliit o karaniwang bagay na nais ipagawa sa atin ng Diyos. Anong malalaking bagay ang maaaring mangyari kapag sinusunod natin ang maliliit o mga simpleng kautusang ito?
-
Maaari ding subukan ng iyong mga anak ang tulad nito: simulang punuin ng tubig ang isang tasa, sa paisa-isang patak. Paano ito nauugnay sa Alma 37:6–7? Pagkatapos ay maaari mong banggitin kung paanong ang “maliliit at mga karaniwang bagay,” tulad ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw, ay parang mga patak ng tubig sa isang tasa.
-
Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga paraan para makapagsagawa sila ng malalaking bagay sa tahanan, paaralan, o simbahan. Inilalarawan din ng awiting “‘Magbigay,’ Wika ng Munting Sapa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 116) ang alituntuning ito.
Matutulungan ako ng mga banal na kasulatan araw-araw.
-
Paano mo maaaring tulungan ang iyong mga anak na magkaroon ng pagmamahal sa salita ng Diyos, tulad ng ginawa ni Alma para kay Helaman? Isiping pakitaan sila ng isang larawan ng Liahona (tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 68) o anyayahan silang idrowing iyon habang ibinabahagi nila ang kanilang nalalaman tungkol doon (tingnan sa Alma 37:38–47; 1 Nephi 16:10, 28–29). Paano naging katulad ng Liahona ang mga banal na kasulatan?