Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 22–28: “Itanim Ninyo ang Salitang Ito sa Inyong mga Puso.” Alma 32–35


“Hulyo 22–28: ‘Itanim Ninyo ang Salitang Ito sa Inyong mga Puso.’ Alma 32–35,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)

“Hulyo 22–28. Alma 32–35,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)

binhi sa kamay ng bata

Hulyo 22–28: “Itanim Ninyo ang Salitang Ito sa Inyong mga Puso”

Alma 32–35

Para sa mga Zoramita, ang panalangin ay binubuo ng pagtayo kung saan makikita ng lahat at mauulit ang mga salitang hungkag at hindi taos-puso. Ang mga Zoramita ay walang pananampalataya kay Jesucristo—itinanggi pa nga nila ang Kanyang pag-iral—at inusig ang mga maralita (tingnan sa Alma 31:9–25). Sa kabilang dako, itinuro nina Alma at Amulek na ang panalangin ay higit na may kinalaman sa nangyayari sa ating puso kaysa sa ipinapakita natin sa madla. At kung hindi ito nagpapakita ng habag sa mga taong nangangailangan, ang ating panalangin ay “walang kabuluhan, at wala[ng pakinabang]” (Alma 34:28). Ang pinakamahalaga, nagdarasal tayo dahil nananampalataya tayo kay Jesucristo, na nag-aalok ng pagtubos sa pamamagitan ng Kanyang “walang katapusan at walang hanggang hain” (Alma 34:10). Ang gayong pananampalataya, paliwanag ni Alma, ay nagsisimula sa pagpapakumbaba at sa “nais[ing] maniwala” (Alma 32:27). Sa paglipas ng panahon, sa patuloy na pangangalaga, nag-uugat ang salita ng Diyos sa ating puso hanggang sa ito ay maging “isang punungkahoy na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan” (Alma 32:41).

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Alma 32:17–43

Nananampalataya ako kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtatanim at pag-aalaga ng Kanyang salita sa puso ko.

Habang binabasa mo ang Alma 32:17–43, pansinin ang mga salita at pariralang nagpapaunawa sa iyo kung paano manampalataya kay Jesucristo. Ano ang matututuhan mo kung ano ang pananampalataya at ano ang hindi pananampalataya?

Ang isa pang paraan ng pag-aaral ng Alma 32 ay magdrowing ng mga larawang kumakatawan sa iba’t ibang yugto ng paglago ng isang binhi. Pagkatapos ay sulatan ng mga salita mula sa Alma 32:28–43 ang bawat larawan na nagpapaunawa sa iyo kung paano itanim at alagaan ang salita ng Diyos sa puso mo.

Tingnan sa Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 101–4.

Alma 32:26–43

Maaari akong makaalam para sa aking sarili.

Sa mga Zoramita na hindi pa nakatitiyak sa patotoo ni Alma tungkol kay Cristo, nagmungkahi si Alma ng “isang pagsubok” (tingnan sa Alma 32:26). Ang mga pagsubok ay nangangailangan ng hangarin, pag-uusisa, pagkilos, at kahit kaunting pananampalataya—at maaaring humantong ang mga ito sa magagandang pagtuklas! Pag-isipan ang mga pagsubok o eksperimento na nakita mo o nalahukan mo. Ayon sa Alma 32:26–36, anong uri ng pagsubok ang maaaring humantong sa pananampalataya kay Jesucristo?

Paano mo “nasubukan” ang salita ng Diyos at nalaman na “ang salita ay mabuti”? (Alma 32:28).

11:17

Mga Haligi at Sinag

Itinuro sa atin ni Elder Dushku na bibihira ang mga kagila-gilalas na espirituwal na karanasan at kadalasang nagbibigay ang Panginoon ng paisa-isang sinag ng liwanag.

Alma 33:2–11; 34:17–29

Maaari kong sambahin ang Diyos sa panalangin, kahit kailan at kahit saan.

Ang payo nina Alma at Amulek tungkol sa pagsamba at panalangin ay para itama ang partikular na mga maling pagkaunawa ng mga Zoramita. Isiping ilista ang mga iyon (tingnan sa Alma 31:13–23). Sa tabi ng listahang iyon, maaari mong ilista ang mga katotohanan tungkol sa panalangin sa Alma 33:2–11 at 34:17–29. Paano maaapektuhan ng mga bagay na natututuhan mo mula sa mga talatang ito ang paraan ng iyong pagdarasal at pagsamba?

Maaari ka ring makakita ng mga kabatiran mula sa isang himno tungkol sa panalangin, tulad ng “Sintang Oras ng Dalangin” (Mga Himno, blg. 84).

Alma 34:9–16

seminary icon
Kailangan ko si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.

Pansinin kung ilang beses ginamit ni Amulek ang mga salitang walang katapusan at walang hanggan para ilarawan ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas sa Alma 34:9–14. Bakit mahalagang malaman na ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay walang katapusan at walang hanggan? Maghanap ng mga salita at parirala sa mga talatang ito na naglalarawan din sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas: Mga Hebreo 10:10; 2 Nephi 9:21; Mosias 3:13.

Kahit alam natin na ang kapangyarihan ni Jesus na magligtas ay walang katapusan at walang hanggan, maaari tayong mag-alinlangan kung minsan na angkop ito sa atin—o sa isang taong nagkasala sa atin. Nagsalita minsan si Elder David A. Bednar tungkol sa mga tao na “tila may pananampalataya … sa Tagapagligtas, ngunit hindi sila naniniwala na ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala ay matatanggap nila” (“Kung Ako’y Nangakilala Ninyo,” Liahona, Nob. 2016, 104). Ano ang maaaring maglayo sa atin mula sa lubos na pagtanggap ng kapangyarihan ng Tagapagligtas? Pagnilayan kung paano mo malalaman na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay walang katapusan at walang hanggan.

Para mapagnilayan kung gaano mo kailangan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, maaaring makatulong na mag-isip ng isang bagay na kailangan mo araw-araw. Itanong sa iyong sarili, “Ano kaya ang magiging buhay ko kung wala ito?” Pagkatapos, habang pinag-aaralan mo ang Alma 34:9–16, pagnilayan kung ano ang magiging buhay mo kung wala si Jesucristo. Maaari kang maghanap ng iba pang mga kabatiran sa 2 Nephi 9:7–9. Paano mo ibubuod ang Alma 34:9–10 sa isang pangungusap?

Tingnan din sa Michael John U. Teh, “Ang Ating Personal na Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2021, 99–101; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Gospel Library.

Alma 34:30–41

“Ngayon na ang panahon at ang araw ng inyong kaligtasan.”

Isipin na kunwari ay gusto mong makilahok sa isang marathon o sa isang musikal na pagtatanghal. Ano ang mangyayari kung naghintay ka hanggang sa araw ng kaganapan para maghanda? Paano nauugnay ang halimbawang ito sa mga babala ni Amulek sa Alma 34:32–35? Ano ang panganib ng pagpapaliban ng ating mga pagsisikap na magsisi at magbago?

Ang talata 31 ay may mensahe rin para sa mga taong maaaring nag-aalala na napakatagal na silang nagpaliban at huli na para magsisi. Ano sa palagay mo ang mensaheng iyon?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para a Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Alma 32:1–16

Maaari akong maturuan ng Panginoon kapag pinipili kong magpakumbaba.

  • Nagtagumpay sina Alma at Amulek sa pagtuturo sa mga Zoramita na mapagpakumbaba. Ano ang ibig sabihin ng magpakumbaba? Tulungan ang iyong mga anak na makahanap ng kahulugan ng mapagpakumbaba sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Anong iba pang mga clue tungkol sa kahulugan ng mga salitang ito ang makikita natin sa Alma 32:13–16? Anyayahan ang iyong mga anak na kumpletuhin ang isang pangungusap na tulad ng “Mapagpakumbaba ako kapag ako’y .”

Alma 32:28–43

Lumalago ang aking patotoo tungkol kay Jesucristo kapag pinangangalagaan ko ito.

  • Ang mga binhi, puno, at bunga ay mga pamilyar na bagay na maaaring makatulong sa mga bata na maunawaan ang mahihirap unawaing alituntuning gaya ng pananampalataya at patotoo. Hayaang hawakan ng iyong mga anak ang isang binhi habang binabasa mo ang Alma 32:28. Pagkatapos ay maaari mong hilingin sa kanila na tulungan kang mag-isip ng mga paraan na ang pagpapalago ng patotoo kay Jesucristo ay tulad ng pagtatanim at pag-aalaga ng isang binhi (tingnan sa “Kabanata 29: Nagturo si Alma tungkol sa Pananampalataya at Salita ng Diyos,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 81). Maaari mo sigurong itanim ang iyong binhi at banggitin kung ano ang kailangan para matulungan ang isang binhi—o isang patotoo—na lumago.

  • Nakalakip ang larawan ng isang puno sa outline na ito; maaari mong gamitin ito para ilarawan ang mga salita ni Alma sa Alma 32:28–43. O maaari kang maglakad-lakad para maghanap ng mga halaman na nasa iba’t ibang yugto ng paglago at magbasa ng mga talata mula sa Alma 32 na ikinukumpara ang isang lumalagong halaman sa ating patotoo. O maaari sigurong magdrowing ang iyong mga anak ng isang puno sa pisara at magdagdag ng isang dahon o isang bunga tuwing makakaisip sila ng isang bagay na magagawa nila para mapalago ang kanilang patotoo kay Jesucristo.

  • Maaari mong hayaan ang iyong mga anak na subukang isiksik ang isang binhi (na kumakatawan sa salita ng Diyos) sa isang bato (na kumakatawan sa isang pusong mapagmataas) at sa malambot na lupa (na kumakatawan sa isang pusong mapagpakumbaba). Sama-samang basahin ang Alma 32:27–28. Pag-usapan kung ano ang ibig sabihin ng “magbigay-puwang” (talata 27) para sa salita ng Diyos sa ating puso.

Magdrowing ng mga larawan. Mas natututo ang ilang tao kapag idinodrowing nila ang natututuhan nila. Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na magdrowing ng isang binhing lumalago hanggang maging isang puno habang pinag-aaralan nila ang Alma 32.

Alma 33:2–11; 34:17–27

Maaari akong magdasal sa Ama sa Langit kahit kailan, kahit saan.

  • Tulungan ang iyong mga anak na maghanap ng mga parirala na naglalarawan ng mga lugar kung saan tayo maaaring magdasal (sa Alma 33:4–11) at ng mga bagay na maaari nating ipagdasal (sa Alma 34:17–27). Marahil ay maaari nilang idrowing ang kanilang sarili na nagdarasal sa mga lugar na ito. Magbahagi ng mga karanasan sa isa’t isa kung kailan dininig ng Ama sa Langit ang inyong mga dalangin. Maaari rin ninyong kantahin ang isang awitin tungkol sa panalangin, tulad ng “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7).

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

prutas sa isang puno

“Dahil sa inyong pagsisikap at inyong pananampalataya at inyong pagtitiyaga sa salita sa pag-aalaga nito, … masdan, di maglalaon, kayo ay pipitas ng bunga niyon, na pinakamahalaga” (Alma 32:42).