“Hulyo 8–14: “Sila ‘Kailanman ay Hindi Nagsitalikod.’” Alma 23–29,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Hulyo 8–14. Alma 23–29,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Hulyo 8–14: “Sila ‘Kailanman ay Hindi Nagsitalikod’”
Alma 23–29
Iniisip mo ba kung minsan kung maaari ba talagang magbago ang mga tao? Nag-aalala ka siguro kung maititigil mo ba ang nagawa mong mga maling pagpapasiya o ang masasamang gawing nakasanayan mo, o maaaring ganito rin ang pag-aalala mo para sa iyong mga mahal sa buhay. Kung gayon, makakatulong sa iyo ang kuwento tungkol sa mga Anti-Nephi-Lehi. Ang mga taong ito ang mga mortal na kaaway ng mga Nephita. Nang magdesisyon ang mga anak ni Mosias na ipangaral ang ebanghelyo sa kanila, “pinagtawanan [sila ng mga Nephita] sa pangungutya.” Ang pagpatay sa mga Lamanita ay tila mas kapani-paniwalang solusyon kaysa tulungan silang magbalik-loob. (Tingnan sa Alma 26:23–25.)
Pero nagbago nga ang mga Lamanita—sa pamamagitan ng nagpapabalik-loob na kapangyarihan ni Jesucristo. Dati ay kilala sila bilang “matitigas at malulupit na tao” (Alma 17:14), pero naging “[kilala] … sila sa kanilang pagiging masigasig sa Diyos” (Alma 27:27). Sa katunayan, sila “kailanman ay hindi nagsitalikod” (Alma 23:6).
Mayroon ka sigurong mga maling ideya o kilos na babaguhin o “mga sandata ng paghihimagsik” na bibitawan (Alma 23:7). O kailangan mo lang siguro ng kaunti pang kasigasigan sa Diyos. Anumang mga pagbabago ang kailangan mong gawin, ang Alma 23–29 ay maaaring magbigay sa iyo ng pag-asa na sa pamamagitan ng nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo, posible ang pangmatagalang pagbabago.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Babaguhin ng pagbabalik-loob ko kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ang buhay ko.
Ang mga Lamanita ay tila hindi posibleng magbalik-loob, pero marami sa kanila ang nakaranas ng mahimalang mga pagbabago dahil kay Jesucristo. Tinawag ng nagbalik-loob na mga Lamanitang ito ang kanilang sarili na mga Anti-Nephi-Lehi.
Ang pagbasa sa Alma 23–25; 27 ay maaaring maghikayat sa iyo na pagnilayan ang sarili mong pagbabalik-loob. Alamin kung paano nagbago ang mga Anti-Nephi-Lehi—kung paano sila nagbalik-loob “sa Panginoon” (Alma 23:6). Maaari kang magsimula sa sumusunod na mga talata:
Sa anong mga paraan ka nabago ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo? Kailan mo nadama na malapit ka sa Kanya? Paano mo masasabi kung nagbabalik-loob ka na kay Jesucristo? Ano ang hinihikayat ng Espiritu na susunod mong gawin?
Tingnan din sa David A. Bednar, “Nagbalik-loob sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2012, 106–9; Dale G. Renlund, “Hindi Natitinag na Katapatan kay Jesucristo,” Liahona, Nob. 2019, 22–25.
Dahil maawain ang Diyos, pinatatawad Niya ako kapag nagsisisi ako.
Ang pagbabagong naranasan ng mga Anti-Nephi-Lehi ay hindi lamang pagbabago ng ugali—iyon ay pagbabago ng puso dahil sa pananampalataya kay Jesucristo at taos-pusong pagsisisi. Marahil ay maaari kang makahanap ng isang katotohanan tungkol sa pagsisisi sa bawat talata sa Alma 24:7–19. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa awa ng Diyos sa mga nagsisisi? Anong mga karagdagang katotohanan ang matututuhan mo mula sa Alma 26:17–22?
Pagnilayan kung paano naipakita ng Diyos ang Kanyang awa sa buhay mo. Paano mo maaaring ipakita ang pasasalamat mo sa Kanya?
Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay naghahatid ng kagalakan sa akin.
Ang salitang kagalakan ay makikita nang 24 na beses sa Alma 23–29, kaya magandang basahin ang mga kabanatang ito para malaman kung paano magalak sa pagsasabuhay—at pagbabahagi—ng ebanghelyo ng Tagapagligtas. Isiping pag-aralan ang Alma 26:12–22, 35–37; at 29:1–17, na inaalam ang mga dahilan kung bakit nagalak si Ammon, ang mga anak ni Mosias, at si Alma. Ano ang matututuhan mo mula sa mga siping ito na maaaring humantong sa higit na kagalakan sa buhay mo?
Itinuro ni Elder Marcus B. Nash: “Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay nagdudulot ng kagalakan at pag-asa sa mga kaluluwa ng nagbibigay at tumatanggap. … Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay nagdaragdag sa taglay na kagalakan at pag-asa” (“Itaas ang Inyong Ilawan,” Liahona, Nob. 2021, 71). Ano ang mga naranasan mo sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba? Anong mga hamon ang kinakaharap mo kapag naghahangad kang ibahagi ang ebanghelyo? Paano ka matutulungan ng Ama sa Langit na madaig ang mga hamong ito?
Para sa tagubilin ng propeta kung paano ibahagi ang ebanghelyo—at magalak sa paggawa nito—isiping pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Pagbabahagi ng Ipinanumbalik na Ebanghelyo,” ( Liahona, Nob. 2016, 57–60). Anong mga mungkahi ang nakikita mo sa kanyang mensahe?
Tingnan din ang “Ang Kuwento ng Pamilya Bush,” “Pagbabahagi ng Ebanghelyo” (mga video), Gospel Library.
Isiping ilista ang mga bagay na ibabahagi mo sa isang kaibigan tungkol sa Aklat ni Mormon. Subukang ibahagi ang Aklat ni Mormon gamit ang Book of Mormon app.
Maaari akong makahanap ng kanlungan kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.
Sa panahon ng tag-ani, kadalasa’y pinagsasama-sama ang butil sa tinatawag na mga bigkis o bungkos at inilalagay sa mga kamalig, na kung minsa’y tinatawag na mga bangan. Sa Alma 26:5–7 pagnilayan kung ano ang kinakatawan ng mga bigkis, bangan, at unos sa buhay mo. Paano ka makakahanap ng kanlungan kay Jesucristo?
Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Liahona, Nob. 2021, 93–96; David A. Bednar, “Marangal na Humawak ng Pangalan at Katayuan,” Liahona, Mayo 2009, 97–100; “O Jesus na Umiibig,” Mga Himno, blg. 56.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Pinagpapala ako ng Panginoon kapag sinisikap kong tuparin ang aking mga pangako sa Kanya.
-
Marahil ay masisiyahan ang iyong mga anak na ibaon ang kanilang “mga sandata” tulad ng mga Anti-Nephi-Lehi. Maaari mong basahin ang ilang talata mula sa Alma 24:6–24 para magturo sa mga bata tungkol sa mga pangakong ginawa ng mga Anti-Nephi-Lehi para sundin ang Tagapagligtas. Pagkatapos ay maaari silang mag-isip ng isang bagay na babaguhin nila para sumunod sa Kanya, isulat ito sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito, at magkunwaring naghuhukay at ibinabaon ang kanilang sandata.
-
Maaaring basahin ng iyong mga anak ang Alma 24:15–19, na inaalam ang ginawa ng mga Anti-Nephi-Lehi “bilang patotoo sa Diyos.” Pagkatapos ay maaari mo silang kausapin kung paano maaaring maging “patotoo sa Diyos” ang ating mga tipan (talata 18). Hayaang banggitin ng iyong mga anak kung paano nila ipapakita sa Diyos na gusto nilang sumunod sa Kanya. Ang pagkanta ng isang awiting tulad ng “Nais Kong Ipamuhay ang Ebanghelyo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 72) ay maaaring magbigay-inspirasyon sa kanila.
Alma 24:7–10; 26:23–34; 27:27–30
Maaari akong magsisi.
-
Para matulungan ang iyong mga anak na makita kung paano tayo matutulungan ni Jesucristo na magbago kapag nagsisisi tayo, maaari kang magturo sa kanila tungkol sa mga Anti-Nephi-Lehi. Para magawa ito, maaari mong lagyan ng pangalang “bago” at “pagkatapos” ang dalawang mangkok. Pagkatapos ay maaaring basahin ng iyong mga anak ang Alma 17:14–15 at 27:27–30, isulat kung ano ang ugali ng mga Lamanita bago at pagkatapos magsisi, at ilagay ang mga iyon sa tamang mangkok. Ayon sa Alma 24:7–10, ano ang nakatulong sa kanila na magbago? Paano natin maipapakita ang ating pasasalamat sa Diyos para sa Kanyang awa?
Si Jesucristo ay naghahatid sa akin ng kagalakan, at maaari kong ibahagi ang kagalakang ito.
-
Marahil ay masisiyahan kayo ng iyong mga anak na magdrowing ng mga bagay sa ebanghelyo ni Jesucristo na naghahatid ng kagalakan sa inyo. Ipakita ang drowing mo sa iyong mga anak, at hikayatin silang ipakita ang drowing nila sa isang tao para matulungan ang taong iyon na makadama rin ng kagalakan.
-
Tulungan ang iyong mga anak na mahanap ang mga salitang kagalakan at magalak sa Alma 26 at 29. Ano ang naghatid ng kagalakan kina Ammon at Alma o naging dahilan para magalak sila? Ang tanong na ito ay maaaring humantong sa isang talakayan tungkol sa kagalakang nagmumula sa pagsasabuhay o pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Maaari kong tulungan ang aking mga kaibigan na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Maaaring basahin ng iyong mga anak ang Alma 27:22–23, na inaalam ang ginawa ng mga Nephita para matulungan ang mga Anti-Nephi-Lehi na tuparin ang pangako nilang hindi na muling lalaban. Paano natin matutulungan ang ating mga kaibigan na tuparin ang kanilang mga pangako? Maaaring magsadula ng mga sitwasyon ang iyong mga anak. Halimbawa, ano ang maaari nating sabihin sa isang kaibigang gustong magsinungaling o magsungit?