Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 15–21: “Ang Bisa ng Salita ng Diyos.” Alma 30–31


“Hulyo 15–21: ‘Ang Bisa ng Salita ng Diyos.’ Alma 30–31,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)

“Hulyo 15–21. Alma 30–31,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)

si Alma na tinuturuan si Korihor

All Things Denote There Is a God (Alma and Korihor) [Lahat ng Bagay ay Nagpapatunay na May Diyos (Alma at Korihor)], ni Walter Rane

Hulyo 15–21: “Ang Bisa ng Salita ng Diyos”

Alma 30–31

Ang mga salaysay sa Alma 30–31 ay malinaw na nagpapamalas ng kapangyarihan ng mga salita—para sa kasamaan at para sa kabutihan. Ang “mahihibo” at “lumalakas na pananalita” ng isang bulaang gurong nagngangalang Korihor ay nagbantang dalhin ang “maraming kaluluwa tungo sa pagkawasak” (Alma 30:31, 47). Gayundin, ang mga turo ng isang tumiwalag na Nephita na nagngangalang Zoram ang umakay sa isang buong grupo ng mga tao na mahulog “sa malalaking kamalian” at “[baluktutin] ang mga landas ng Panginoon” (Alma 31:9, 11).

Sa kabilang dako, hindi natinag ang pananampalataya ni Alma na ang salita ng Diyos ay magkakaroon ng “higit [na] malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay” (Alma 31:5). Ang mga salita ni Alma ay nagpahayag ng walang-hanggang katotohanan at ginamit ang mga kapangyarihan ni Jesucristo para patahimikin si Korihor (tingnan sa Alma 30:39–50), at inanyayahan ng mga ito ang Kanyang pagpapala sa mga sumama sa kanya para maibalik ang mga Zoramita sa katotohanan (tingnan sa Alma 31:31–38). Ang mga ito ay mahahalagang halimbawa para sa mga alagad ni Cristo ngayon kung kailan karaniwan na ang mga maling mensahe. Makikita natin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagtitiwala sa “bisa ng salita ng Diyos” tulad ni Alma (Alma 31:5).

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Alma 30:6–31

icon ng seminary
Sinusubukan ng kalaban na linlangin ako sa pamamagitan ng mga maling turo.

Sa Alma 30, si Korihor ay tinatawag na “Anti-Cristo” (talata 6). Ang isang anti-Cristo ay sinuman o anuman na hayagan o lihim na sumasalungat kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Aling mga talata sa Alma 30:6–31 ang nagpapakita na akma si Korihor sa paglalarawang ito? Ang pag-aaral ng mga maling turo ni Korihor ay makakatulong sa iyo na makilala at tanggihan ang katulad na mga turo. Ang sumusunod na mga aktibidad ay maaaring makatulong sa iyong pag-aaral:

  • Anong mga object lesson ang maiisip mo para mas maunawaan ang pagkakaiba sa pagitan ng mga turo ng Tagapagligtas at ng mga maling panggagaya ni Satanas? Ang ilang halimbawa ay isang pain na ginagamit sa pangingisda, pekeng pera, at maling advertising o patalastas. Paano mo masasabi kung peke ang isang bagay? Paano mo makikilala ang katotohanan?

  • Isiping ilista ang mga maling doktrinang itinuro ni Korihor sa Alma 30:6–31. Alin sa kanyang mga turo ang maaaring nakakaakit ngayon? (tingnan sa Alma 30:12–18, 23–28). Anong kapinsalaan ang maaaring ibunga ng pagtanggap sa gayong mga ideya? Anong mga maling mensahe ang ginagamit ng kalaban para subukang linlangin ka ngayon?

  • Ano ang ginawa ni Alma para labanan ng katotohanan ang mga turo ni Korihor? (tingnan sa Alma 30:31–54). Paano mo magagamit ang mga alituntunin ding ito sa buhay mo?

Tulad ni Alma, tinutulungan tayo ng mga makabagong propeta at apostol na malaman ang kaibhan sa pagitan ng katotohanan at ng mga kasinungalingan ni Satanas. Anong payo ang nakikita mo sa mga mensaheng ito: Gary E. Stevenson, “Huwag Mo Akong Linlangin” (Liahona, Nob. 2019, 93–96); Dallin H. Oaks “Huwag Palinlang” (Liahona, Nob. 2004, 43–46).

Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Seek Truth and Avoid Deception [Hanapin ang Katotohanan at Iwasan ang Panlilinlang],” Gospel Library; “Sabihin, Ano ang Katotohanan,” Mga Himno, blg. 173.

si Korihor na kausap si Alma

Korihor Confronts Alma [Hinarap ni Korihor si Alma], ni Robert T. Barrett

Alma 30:39–46

Lahat ng bagay ay nagpapatotoo na mayroong Diyos.

Maraming tao ngayon ang naniniwala na walang Diyos. Ano ang nakikita mo sa Alma 30:39–46 na tumutulong sa iyo na malaman na totoo ang Diyos? Ano ang pumipigil sa atin na makilala Siya? Anong iba pang mga patotoo ang naibigay sa iyo ng Diyos na Siya ay buhay?

Alma 30:56–60

Hindi sinusuportahan ng kalaban ang kanyang mga alagad.

Ano ang natututuhan mo mula sa Alma 30:56–60 kung paano tinatrato ng diyablo ang kanyang mga alagad? Ano ang magagawa mo para protektahan ang iyong tahanan laban sa kanyang impluwensya?

Tingnan din sa Alma 36:3.

Alma 31

Ang salita ng Diyos ay may kapangyarihang akayin ang mga tao sa kabutihan.

Ang problema ng paghiwalay ng mga Zoramita sa mga Nephita para sa iba ay maaaring mukhang kailangan ng solusyong pulitikal o militar (tingnan sa Alma 31:1–4). Pero natuto si Alma na magtiwala sa “bisa ng salita ng Diyos” (Alma 31:5). Ano ang natututuhan mo mula sa Alma 31:5 tungkol sa kapangyarihan ng salita ng Diyos? (tingnan din sa Mga Hebreo 4:12; 1 Nephi 15:23–24; 2 Nephi 31:20; Jacob 2:8; Helaman 3:29–30).

Habang pinag-aaralan mo ang Alma 31, anong iba pang mga katotohanan ng ebanghelyo ang matutuklasan mo na angkop sa mga karanasan mo sa buhay? Halimbawa:

  • Paano mo nakita na inaakay ng salita ng Diyos ang mga tao na gumawa ng mabubuting bagay? (tingnan sa talata 5).

  • Ikumpara ang mga saloobin, damdamin, at kilos ni Alma sa iba (tingnan sa mga talata 34–35) doon sa mga Zoramita (tingnan sa mga talata 17–28). Paano ka maaaring maging higit na katulad ni Alma?

  • Ano ang nakikita mo sa Alma 31:30–38 na makakatulong sa mga taong nalulungkot dahil sa mga kasalanan ng iba?

Alma 31:5–6

Dahil kay Jesucristo, maaaring magbago ang sinuman.

Pansinin ang grupo ng mga tao na isinama ni Alma para magturo ng ebanghelyo sa mga Zoramita (tingnan sa Alma 31:6). Ano ang matututuhan mo tungkol sa buhay ng mga taong ito sa Mosias 27:8–37; 28:4; Alma 10:1–6; 11:21–25; 15:3–12. Ano kaya ang mensahe ng kanilang mga karanasan para sa iyo?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Alma 30

Ang Aklat ni Mormon ay nagbababala sa akin laban sa mga maling turo.

  • Isiping magdispley ng ilang bagay (tulad ng pera o pagkain) at ng mga laruang imitasyon ng mga bagay na ito. Maaari itong humantong sa isang talakayan kung paano malalaman ang kaibhan sa pagitan ng mga bagay na tunay at mga bagay na peke. Pagkatapos ay maaari mong tulungan ang iyong mga anak na tukuyin mula sa Alma 30:12–18 ang mga kasinungalingan o maling turo ni Korihor tungkol sa Diyos. Sa Alma 30:32–35, paano tumugon si Alma sa mga kasinungalingang iyon? Ano ang matututuhan natin mula sa kanyang halimbawa?

Alma 30:44

Lahat ng bagay ay nagpapatotoo sa Diyos.

  • Binanggit ni Alma kung paano nagpapatotoo ang mga bagay sa kalangitan at sa lupa na ang Diyos ay buhay. Kung maaari, maglakad-lakad kayo ng iyong mga anak sa labas o tumayo sa may bintana habang binabasa mo ang Alma 30:44. Hilingin sa kanila na ituro ang mga bagay na nakikita nila na tumutulong sa kanila na malaman na ang Diyos ay totoo at na mahal Niya sila. Maaari din nilang idrowing ang mga bagay na natuklasan nila (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito).

  • Habang inaawit ninyo ng iyong mga anak ang “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17), magpasa-pasa ng isang bola o iba pang bagay. Itigil ang tugtog paminsan-minsan at hilingin sa batang may hawak ng bagay na iyon na magbahagi ng isang bagay na nilikha ng Ama sa Langit na pinasasalamatan niya.

Natututo ang mga bata sa pamamagitan ng mga visual. Ang mga visual ay makakatulong sa iyong mga anak na mas maunawaan at maalala nang mas matagal ang itinuro sa kanila. Karamihan sa mga aktibidad para sa mga bata sa outline na ito ay nagmumungkahi ng mga visual na gagamitin. Isiping ipakitang muli ang mga visual sa hinaharap para maalala ng iyong mga anak ang natutuhan nila.

Alma 31:5

Ang salita ng Diyos ay makapangyarihan.

  • Paano mo maipauunawa sa iyong mga anak na ang salita ng Diyos ay mas makapangyarihan kaysa sa “ano pa mang bagay”? (Alma 31:5). Isiping hilingan sila na mag-isip ng isang bagay o isang taong may kapangyarihan, o magpakita ng mga larawan ng ilang bagay na may kapangyarihan. Ano ang nagbibigay ng kapangyarihan sa mga ito? Basahin ang Alma 31:5 nang sama-sama, at tanungin ang iyong mga anak kung ano sa palagay nila ang kahulugan ng talatang ito. Magbahagi ng isang karanasan kung kailan nagkaroon ng malaking impluwensya sa iyo ang salita ng Diyos.

Alma 31:8–35

Pinakikinggan ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin.

  • Ibuod nang maikli ang kuwento ni Alma at ng mga Zoramita, gamit ang mga talata mula sa Alma 31:8–35 (tingnan din sa “Kabanata 28: Ang mga Zoramita at ang Ramiumptom,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 78–80). Tulungan ang iyong mga anak na tukuyin ang mga bagay na sinabi ng mga Zoramita sa kanilang panalangin (tingnan sa Alma 31:15–18) habang tinutulungan ka nilang magtayo ng isang tore ng Ramiumptom gamit ang blocks o mga bato. Ipaliwanag na hindi tayo dapat manalangin sa ganitong paraan. Habang pinag-uusapan ninyo ng iyong mga anak kung paano tayo dapat manalangin, hayaang alisin nila ang blocks o mga bato nang paisa-isa. Maaari siguro nilang itago ang isa sa mga bato sa tabi ng kama nila bilang paalala na magdasal tuwing umaga at gabi. Maaari din silang masiyahang dekorasyunan ang kanilang bato.

    2:31

    Chapter 28: The Zoramites and the Rameumptom

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

Zoramita na nagdarasal sa Ramiumptum

Ang puso ng mga Zoramita ay “iniangat hanggang sa labis na pagmamalaki, sa kanilang kapalaluan” (Alma 31:25).