Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin 2024
Nobyembre 25–Disyembre 1: “Sa Pamamagitan ng Pananampalataya ang Lahat ng Bagay ay Naisasakatuparan.” Eter 12–15


“Nobyembre 25–Disyembre 1: “Sa Pamamagitan ng Pananampalataya ang Lahat ng Bagay ay Naisasakatuparan.” Eter 12–15,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)

“Nobyembre 25–Disyembre 1. Eter 12–15,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)

Larawan
si Eter na pumapasok sa isang kuweba

Ether Hiding in the Cavity of a Rock [Si Eter na Nagkukubli sa Butas ng Isang Malaking Bato], ni Gary Ernest Smith

Nobyembre 25–Disyembre 1: “Sa Pamamagitan ng Pananampalataya ang Lahat ng Bagay ay Naisasakatuparan”

Eter 12–15

Ang mga propesiya ni Eter sa mga Jaredita ay “dakila at kagila-gilalas” (Eter 12:5). Kanyang “sinabi sa kanila ang lahat ng bagay mula sa simula ng tao” (Eter 13:2). Nakinita niya “ang mga araw ni Cristo” at ang Bagong Jerusalem sa mga huling araw (Eter 13:4). At binanggit niya ang “[pag-asa] para sa isang daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos” (Eter 12:4). Ngunit tinanggihan ng mga Jaredita ang kanyang mga salita, sa parehong dahilan kaya madalas tanggihan ng mga tao ang mga propesiya ng mga lingkod ng Diyos ngayon—“dahil sa hindi nila [nakikita] ang mga ito” (Eter 12:5). Kailangan ng pananampalataya para maniwala sa mga pangako o babala tungkol sa mga bagay na hindi natin nakikita, tulad ni Eter na kinailangang manampalataya para magpropesiya tungkol sa “mga dakila at kagila-gilalas na bagay” sa mga taong hindi naniniwala. Kinailangang manampalataya ni Moroni para magtiwala na kayang alisin ng Panginoon ang kanyang “kahinaan sa pagsusulat” at gawin itong kalakasan (tingnan sa Eter 12:23–27). Ito ang uri ng pananampalataya na nagbibigay sa atin ng “katiyakan at katatagan, nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa, [umaakay] na purihin ang Diyos” (Eter 12:4). At ang ganitong uri ng pananampalataya ang dahilan kaya “lahat ng bagay ay naisasakatuparan” (Eter 12:3).

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Eter 12

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay maaaring humantong sa mga himala.

Karaniwan ngayon, tulad noong panahon ni Eter, na nais ng mga tao na makakita ng katibayan bago maniwala sa Diyos at sa Kanyang kapangyarihan. Ano ang natututuhan mo mula sa Eter 12:5–6 tungkol sa ideyang ito?

Habang binabasa mo ang Eter 12, maaari mong isulat ang bawat pagkakataon na nabasa mo ang salitang “pananampalataya.” Isipin kung ano ang itinuturo sa bawat pagkakataon tungkol sa pananampalataya. Maaaring makatulong ang mga tanong na tulad nito: Ano ang pananampalataya? Ano ang ibig sabihin ng manampalataya? Ano ang mga bunga ng pananampalataya kay Jesucristo? Maaari mo ring itala ang iyong mga naiisip tungkol sa mga patotoong iyong natamo “[m]atapos ang pagsubok sa [iyong] pananampalataya” (Eter 12:6).

Tingnan din ang Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 101–4.

Hayaang magbahagi ang iba, at kung minsa’y magturo. Natututo nang husto ang mga tao kapag may mga pagkakataon silang magbahagi ng kanilang natututuhan o magturo sa isang pormal na kapaligiran. Sa tahanan man o sa simbahan, isiping hayaan ang iba, pati na ang mga kabataan, na ituro ang isang bahagi ng lesson.

Eter 12:1–9, 28, 32

Binibigyan tayo ni Jesucristo ng “higit na mainam na pag-asa.”

Dagdag pa sa malalalim na kabatiran tungkol sa pananampalataya, marami ring sinasabi sa Eter 12 tungkol sa pag-asa. Hayaang gabayan ng mga tanong na ito ang iyong pag-aaral:

  • Ano ang mga dahilan kung bakit kinailangan ni Eter na “umasa … sa isang daigdig na higit na mainam”? (tingnan sa Eter 12:2–5).

  • Ano ang layunin ng isang angkla? Ano ang ginagawa ng pag-asa para sa iyong kaluluwa na katulad ng ginagawa ng angkla para sa isang bangka? (tingnan sa Eter 12:4).

  • Ano ang dapat nating asamin? (tingnan sa Eter 12:4; Moroni 7:41).

  • Paano ka nabigyan ng ebanghelyo ni Jesucristo ng “higit na mainam na pag-asa”? (Eter 12:32).

Tingnan din sa Moroni 7:40–41; Jeffrey R. Holland, “Ganap na Kaliwanagan ng Pag-asa,” Liahona, Mayo 2020, 81–84.

Eter 12:23–29

Larawan
icon ng seminary
Magagawa ni Jesucristo na maging kalakasan ang aking kahinaan.

Kapag binabasa natin ang mga makapangyarihang isinulat ni Moroni, madaling malimutan na nag-alala siya tungkol sa kanyang “kahinaan sa pagsusulat” at natakot na baka kutyain ng mga tao ang kanyang mga salita (tingnan sa Eter 12:23–25). Kung nag-alala ka na sa sarili mong kahinaan, basahin ang mga paghihirap ni Moroni—at ang tugon ng Tagapagligtas—sa Eter 12:23–29. Maaari mo ring pagnilayan ang mga pagkakataon na natulungan ka ni Jesucristo na makita ang iyong kahinaan at pinalakas ka—kahit hindi Niya ito lubos na inalis. Pag-isipan din ang mga kahinaang kasalukuyang nagpapahirap sa iyo. Ano ang kailangan mong gawin para matanggap ang pangako ng Tagapagligtas na “ang mahihinang bagay [ay] maging malalakas”? (Eter 12:27).

Isiping saliksikin ang mga sumusunod na sipi para makita kung paano nagtamo ng lakas ang iba sa mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo:

Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Biyaya,” Gospel Library; “Tanglaw Ko ang Diyos,” Mga Himno, blg. 49.

Eter 13:13–22; 14–15

Ang hindi pagtanggap sa mga propeta ng Panginoon ay naglalagay sa akin sa espirituwal na panganib.

Ang pagiging hari ng mga Jaredita, ayon sa kasaysayan, ay isang mapanganib na katungkulan. Nangyari ito lalo na kay Coriantumer, dahil maraming “malalakas na tao [ang] naghangad na patayin [siya]” (Eter 13:15–16). Sa Eter 13:15–22, pansinin ang ginawa ni Coriantumer para protektahan ang kanyang sarili at kung ano ang ipinayo sa kanya ng propetang si Eter na gawin niya. Habang binabasa mo ang natitirang bahagi ng aklat ni Eter, pagnilayan ang mga bunga ng pagtanggi sa mga propeta. Ano ang nangyayari sa mga tao kapag “ang Espiritu ng Panginoon ay tumigil na sa pamamatnubay sa kanila”? (Eter 15:19). Ano kaya ang nais ng Panginoon na matutuhan mo mula sa mga salaysay na ito? Isipin kung ano ang gagawin mo para masunod ang Kanyang mga propeta.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Ideya sa Pagtuturo sa mga Bata

Eter 12:6–22

Ang pananampalataya ay paniniwala sa mga bagay na hindi natin nakikita.

  • Isiping tulungan ang iyong mga anak na ulitin sa iyo ang “Ang pananampalataya ay mga bagay na inaasahan at hindi nakikita” mula sa Eter 12:6. Maaari silang masiyahang tumingin sa mga larawang nagpapakita ng mga halimbawa ng pananampalataya sa Eter 12:13–15, 19–21 (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 78, 85, at sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Hayaang ipaliwanag ng iyong mga anak ang nalalaman nila tungkol sa bawat kuwento. Narito ang ilang tanong na tutulong sa iyo na talakayin ang mga halimbawang ito ng pananampalataya:

    • Ano ang inasam ng mga taong ito?

    • Paano nasubukan ang kanilang pananampalataya?

    • Ano ang nangyari dahil sa kanilang pananampalataya?

    Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong mga karanasan sa pagsampalataya.

Eter 12:4, 32

Ang pag-asa ay parang isang angkla sa aking kaluluwa.

  • Para maunawaan kung ano ang itinuturo ng Eter 12:4 tungkol sa pag-asa, maaari ninyong tingnan ng iyong mga anak ang larawan ng isang bangka at angkla. Bakit kailangan ng mga bangka ng angkla? Ano ang mangyayari sa isang bangkang walang angkla? Habang sama-sama ninyong binabasa ang Eter 12:4 , pag-usapan kung paano tayo natutulungan ng pag-asa na tulad ng pagtulong ng isang angkla sa bangka. Anyayahan ang iyong mga anak na magdrowing ng bangka at angkla upang maituro nila sa iba ang tungkol sa pag-asa.

  • Kung kailangan ng inyong mga anak ng kahulugan ng pag-asa, tulungan silang makahanap ng isang kahulugan nito sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pag-asa” (Gospel Library). Ayon sa kahulugang ito at sa Eter 12:4, 32, ano ang dapat nating asamin? (tingnan din sa Moroni 7:40–42). Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng iba pang mga salita para sa umasa, pati na ng mga salita na kabaligtaran ang kahulugan sa umasa. Maaari din ninyong ibahagi sa isa’t isa ang ilang katotohanan ng ebanghelyo na nagbibigay sa iyo ng pag-asa.

Eter 12:23–29

Matutulungan ako ni Jesucristo na maging malakas sa espirituwal.

  • Ang mga bata kung minsan ay nahaharap sa mga sitwasyon kung saan ay nanghihina sila, tulad ng naranasan ni Moroni. Tulungan ang iyong mga anak na malaman kung bakit ganito ang nadama ni Moroni sa Eter 12:23–25, at itanong sa kanila kung nagkaroon na sila ng gayong damdamin. Pagkatapos ay anyayahan silang basahin ang mga talata 26–27 para malaman kung paano tinulungan ng Panginoon si Moroni.

  • Marahil ay maaaring idrowing ng iyong mga anak ang isang bagay na mahina at isang bagay na malakas. Pagkatapos ay maaari nilang idagdag sa kanilang drowing ang ilang salita at parirala mula sa Eter 12:23–29 na nagtuturo sa kanila kung paano magagawa ng Tagapagligtas na maging kalakasan ang ating kahinaan. Hikayatin ang iyong mga anak na pag-isipan ang isang kahinaan nila at pagkatapos ay hangarin ang tulong ng Tagapagligtas para maging malakas. Maaari ka ring magbahagi ng isang karanasan kung kailan tinulungan ka ng Tagapagligtas na magkaroon ng sapat na lakas na gawin ang isang mahirap na bagay.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

Larawan
si Eter na nakaluhod sa bunganga ng isang kuweba

Marvelous Were the Prophecies of Ether [Kagila-gilalas ang mga Propesiya ni Eter], ni Walter Rane

Print