“Disyembre 23–29: ‘Siya ay Paparito sa Daigdig upang Tubusin ang Kanyang mga Tao.’ Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Disyembre 23–29. Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Disyembre 23–29: “Siya ay Paparito sa Daigdig upang Tubusin ang Kanyang mga Tao”
Pasko
Mula kay Nephi hanggang kay Moroni, bawat propeta sa Aklat ni Mormon ay naging tapat sa sagradong layuning nakabuod sa pahina ng pamagat ng aklat: “sa ikahihikayat ng [lahat ng tao] na si Jesus ang Cristo.” Nakita Siya ng isang propeta bilang isang premortal na espiritu, at nakita ng isa pa ang Kanyang ministeryo sa mortalidad sa isang pangitain. Tumayo ang isang tao sa isang pader para ipahayag ang mga palatandaan ng Kanyang pagsilang at Kanyang kamatayan, at lumuhod ang isa pa sa harap ng Kanyang nabuhay na mag-uling katawan, at hinipo ang mga sugat sa Kanyang mga kamay, paa, at tagiliran. Alam nilang lahat ang mahalagang katotohanang ito: “Walang ibang daan o pamamaraan man na ang tao ay maaaring maligtas, tanging sa pamamagitan lamang ng pambayad-salang dugo ni Jesucristo, na … paparito upang tubusin ang sanlibutan” (Helaman 5:9).
Kaya sa Kapaskuhang ito, habang ipinagdiriwang ng mga nananalig sa buong mundo ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos sa pagsusugo sa Kanyang Anak, pagnilayan kung paano napalakas ng Aklat ni Mormon ang iyong pananampalataya kay Cristo. Habang pinag-iisipan mo ang Kanyang pagsilang, pagnilayan kung bakit Siya pumarito at paano nabago ng Kanyang pagparito ang buhay mo. Pagkatapos ay mararanasan mo ang tunay na kagalakan ng Pasko—ang regalong ibinibigay sa iyo ni Jesucristo.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Si Jesucristo ay isinilang para maging Tagapagligtas ko.
Isang tradisyon ang basahin ang kuwento tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas sa Bagong Tipan sa Kapaskuhan, pero makakakita ka rin ng nakaaantig na mga propesiya tungkol sa sagradong kaganapang ito sa Aklat ni Mormon. Halimbawa, ang mga propesiya tungkol sa pagsilang at ministeryo ng Tagapagligtas ay matatagpuan sa 1 Nephi 11:13–36; Mosias 3:5–10; at Helaman 14:1–13. Anong mga impresyon tungkol kay Jesucristo ang dumarating sa iyo habang binabasa mo ang mga siping ito at pinagninilayan ang simbolismo ng mga palatandaan ng Kanyang pagsilang? Paano pinalalakas ng mga patotoo ng mga propetang ito ang iyong patotoo kay Cristo at sa Kanyang misyon?
Narito ang ilang iba pang mungkahi na makakatulong sa iyo na magtuon kay Jesucristo sa Kapaskuhan:
-
Alam mo ba na mapapanood mo sa Gospel Library ang mga mensahe mula sa nakaraang mga Pamaskong debosyonal ng Unang Panguluhan? Hanapin ang mga iyon sa koleksyong “Mga Video sa Pasko.” Isiping ibahagi ang mga mensahe at musikang ito para ipalaganap ang saya ng Pasko.
-
Ang pamilya ninyo ay maaari ding masiyahan sa pakikinig sa mga awiting Pamasko.
-
Isiping magplano ng mga aktibidad na magagawa mo o ng inyong pamilya sa mga araw hanggang umabot ng Pasko para madama ang Diwa ni Cristo, tulad ng paglilingkod sa isang tao o sabay-sabay na pagkanta ng mga himno tungkol sa Pasko. Tingnan ang LighttheWorld.org para sa ilang ideya.
Tingnan din ang Mateo 1:18–25; 2; Lucas 2; 3 Nephi 1:4–22; “Doon sa Sabsaban,” Mga Himno, blg. 123.
Si Jesucristo ang Manunubos ng sanlibutan.
Ang pangunahing dahilan kaya natin ipinagdiriwang ang pagsilang ni Jesucristo ay dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Dahil sa sakripisyong iyon, maililigtas Niya tayo mula sa kasalanan at kamatayan, maaaliw tayo sa mga paghihirap, at matutulungan tayong “maging ganap sa Kanya” (Moroni 10:32). Ano ang natutuhan mo mula sa Aklat ni Mormon ngayong taon tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na tubusin ka? Mayroon bang mga salaysay o turo na natanim sa iyong isipan? Isipin kung ano ang itinuturo sa iyo ng sumusunod na mga sipi tungkol sa misyon ng pagtubos ng Tagapagligtas: 2 Nephi 2:6; Alma 7:7–13; 11:40; at Helaman 5:9; 14:16–17. Ano ang nahihikayat kang gawin para ipakita sa Kanya ang iyong pasasalamat?
Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo.
Ang “Isa Pang Tipan ni Jesucristo” ay hindi lang basta subtitle para sa Aklat ni Mormon; ito ay isang pahayag ng banal na layunin nito. Pagnilayan ang natututuhan mo mula sa sumusunod na mga talata tungkol sa misyon ng Aklat ni Mormon na magpatotoo tungkol kay Cristo: 1 Nephi 6:4; 19:18; at 2 Nephi 25:23, 26; 33:4, 10.
Isiping itala sa isang journal kung paano ka mas napalapit kay Cristo sa pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon ngayong taon. Maaaring makatulong ang sumusunod na mga mungkahi:
-
“Ang isang natutuhan o nadama ko tungkol sa Tagapagligtas ngayong taon ay …”
-
“Ang pagkatuto tungkol sa Tagapagligtas sa Aklat ni Mormon ay nagpabago sa paraan ng aking …”
-
“Ang paborito kong tao [o kuwento] sa Aklat ni Mormon ay nagturo sa akin na ang Tagapagligtas ay …”
May isang tao siguro na mabibiyayaang malaman kung ano ang nadarama mo tungkol sa Aklat ni Mormon. Paano mo maaaring ibahagi ang iyong mga karanasan at patotoo? Maaari kang mahikayat na magregalo ng isang kopya nito sa Pasko. Pinasisimple ng The Book of Mormon app ang pagbabahagi.
Inilista ni Bishop Gérald Caussé ang ilang katotohanan mula sa Aklat ni Mormon tungkol kay Jesucristo (tingnan sa “Isang Buhay na Saksi ng Buhay na Cristo,” Liahona, Mayo 2020, 39–40). Maaari mong tingnan ang kanyang listahan at pagnilayan kung paano nabago—o maaaring mabago—ng bawat isa sa mga katotohanang ito ang iyong buhay.
Tingnan din ang Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Aklat ni Mormon,” Gospel Library.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Dahil ang Linggong ito ang ikalimang Linggo ng buwan, hinihikayat ang mga guro sa Primary na gamitin ang mga aktibidad sa pag-aaral sa “Appendix B: Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos.”
Si Jesucristo ang regalo sa akin ng Ama sa Langit.
-
Para matulungan ang iyong mga anak na magtuon sa regalong ibinigay sa atin ng Ama sa Langit sa pagsusugo sa Kanyang Anak, maaari mong ibalot ang isang larawan ni Jesucristo na parang isang regalo sa Pasko. Maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak ang mga paboritong regalo sa Pasko na inyong natanggap o inaasam na matanggap. Pagkatapos ay maaari nilang alisan ng balot ang larawan ni Cristo at talakayin kung paano Siya naging napakahalagang regalo para sa atin. Ang isang awiting tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak“ (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21) ay maaaring makaragdag sa pag-uusap na ito. Tulungan ang iyong mga anak na makahanap ng mga parirala sa awitin na naglalarawan sa mga pagpapalang mayroon tayo dahil sa pagsilang ni Jesus.
Si Jesucristo ay isinilang para maging Tagapagligtas ko.
-
Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na ibahagi sa iyo ang nalalaman nila tungkol sa pagsilang ni Jesus. Ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo ay may ilang larawan na makakatulong sa kanila na ikuwento iyon (tingnan sa blg. 28, 29, 30, 31). Maaari mo ring tingnan ang mga retrato na naglalarawan sa buhay at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Bakit isinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo?
-
Maaari ding masiyahan ang iyong mga anak na idrowing ang sarili nilang larawan ng pagsilang at ministeryo ni Jesus. Maaari siguro nilang idrowing ang nakalarawan sa 1 Nephi 11:13–23; Mosias 3:5–10; Helaman 14:1–13; at 3 Nephi 1:4–22. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa iyo kung ano ang itinuturo ng kanilang larawan tungkol kay Jesucristo.
-
Para mabigyang-diin na ang Biblia at Aklat ni Mormon ay kapwa nagtuturo tungkol sa pagsilang ni Jesus, maaari mong ilista ang mga pangyayaring nakalarawan sa Lucas 2:4–14; Mateo 2:1–2; at 3 Nephi 1:15, 19–21. Tulungan ang iyong mga anak na saliksikin ang mga talatang ito para malaman kung aling mga pangyayari ang naganap sa Bethlehem, sa mga lupain ng Amerika, o sa dalawang lugar na ito. Bakit tayo nagpapasalamat na napasaatin ang Aklat ni Mormon bilang pangalawang saksi sa pagsilang ni Jesucristo?
Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo.
-
Sa pagtatapos ninyo ng iyong mga anak sa pag-aaral ninyo ng Aklat ni Mormon ngayong taon, maaaring magandang pagkakataon ito para ibahagi sa isa’t isa ang inyong mga paboritong kuwento o sipi mula sa sagradong aklat na ito. Ang pagtingin sa ilan sa mga larawan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin o sa Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon ay maaaring makatulong sa iyong mga anak na maalala ang natututuhan nila ngayong taon. Tulungan silang makita kung ano ang itinuturo sa atin ng mga kuwentong ito tungkol kay Jesucristo.
-
Maaari mo ring bigyan ang iyong mga anak ng larawan ni Jesus, o hayaan silang magdrowing ng sarili nilang larawan. Anyayahan silang itaas ang kanilang mga drowing tuwing maririnig nila ang pangalan ni Cristo habang binabasa mo ang 2 Nephi 25:23, 26. Magpatotoo na ang Aklat ni Mormon ay isinulat para tulungan tayong “maniwala kay Cristo” (2 Nephi 25:23).