“Disyembre 9–15: ‘Nawa ay Dakilain Ka ni Cristo.’ Moroni 7–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Disyembre 9–15. Moroni 7–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Disyembre 9–15: “Nawa ay Dakilain Ka ni Cristo”
Moroni 7–9
Bago tinapos ni Moroni ang talaan na kilala natin ngayon bilang Aklat ni Mormon sa kanyang mga huling salita, nagbahagi siya ng tatlong mensaheng nagmula sa kanyang amang si Mormon: isang mensahe sa “mga mapamayapang tagasunod ni Cristo” (Moroni 7:3) at dalawang liham na isinulat ni Mormon kay Moroni. Marahil ay isinama ni Moroni ang mga mensaheng ito sa Aklat ni Mormon dahil nakita niya ang mga pagkakatulad ng mga panganib sa kanyang panahon sa panahon natin. Nang isulat ang mga salitang ito, tumatalikod ang mga Nephita sa Tagapagligtas. Marami sa kanila ang “nawala na ang … pag-ibig sa isa’t isa” at nalugod sa “lahat ng bagay maliban doon sa mabuti” (Moroni 9:5, 19). Subalit nakakita pa rin ng dahilan si Mormon para umasa, na nagtuturo sa atin na ang pag-asa ay hindi nangangahulugan ng pagbabalewala o pagiging walang muwang tungkol sa mga problema ng mundo. Ang ibig sabihin ng pag-asa ay pagkakaroon ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, na ang kapangyarihan ay mas dakila at walang hanggan kaysa sa mga problemang iyon. Ang ibig sabihin nito ay “[m]anangan sa bawat mabuting bagay” (Moroni 7:19). Ang ibig sabihin nito ay hayaan na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo “at ang pag-asa ng kanyang kaluwalhatian at ng buhay na walang hanggan, ay mamalagi sa iyong isipan” (Moroni 9:25).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Ang Liwanag ni Cristo ay tumutulong sa akin na malaman ang katotohanan laban sa kamalian.
Maraming tao ang napapaisip, “Paano ko malalaman kung ang isang impresyon ay nagmumula sa Diyos o sa sarili kong mga iniisip?” o “Sa maraming panlilinlang ngayon, paano ko malalaman kung ano ang tama o mali?” Ang mga salita ni Mormon sa Moroni 7 ay nagbibigay sa atin ng ilang alituntuning magagamit natin para sagutin ang mga tanong na ito. Hanapin ang mga iyon lalo na sa mga talata 12–20. Maaari mong gamitin ang mga katotohanang ito para matulungan kang suriin ang mga mensaheng nababasa mo at ang mga karanasan mo sa linggong ito.
Tingnan din ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ilaw, Liwanag ni Cristo, Gospel Library.
Sa pagsampalataya kay Jesucristo, ako ay “makakapanangan sa bawat mabuting bagay.”
May itinanong si Mormon na tila lalong mahalaga ngayon: “Paano mangyayari [na makapanangan] sa bawat mabuting bagay?” (Moroni 7:20). Pagkatapos ay nagturo siya tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao. Habang binabasa mo ang mga talata 20–48, alamin kung paano ka tinutulungan ng bawat katangian na mahanap at “manangan” sa kabutihan na nagmumula kay Jesucristo. Bakit mahalaga ang mga katangiang ito para sa isang disipulo ni Jesucristo?
Tingnan din sa “Mormon’s Teachings about Faith, Hope, and Charity [Mga Turo ni Mormon tungkol sa Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig sa Kapwa-tao]” (video), Gospel Library.
“Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo.”
Napansin ni Mormon na ang ating pananampalataya at pag-asa kay Jesucristo ay umaakay sa atin na magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao. Ngunit ano ang pag-ibig sa kapwa-tao? Maaari mong isulat ang Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay … at pagkatapos ay basahin ang Moroni 7:44–48 na hinahanap ang mga salita o parirala na maaaring kumumpleto sa pangungusap. Kapag natapos ka na, isiping palitan ang salitang Pag-ibig sa kapwa-tao ng pangalang Jesucristo Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Tagapagligtas? Paano ipinakita ni Jesucristo ang Kanyang dalisay na pag-ibig? Mag-isip ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan at sa sarili mong buhay.
Napansin ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ang dahilan kung bakit ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang at kung bakit ang pag-ibig sa kapwa-tao ay higit pa kaysa sa mga pinakamakabuluhang gawa ng kabutihan … ay dahil sa [ang pag-ibig sa kapwa-tao], ‘ang dalisay na pag-ibig ni Cristo’ [Moroni 7:47], ay hindi [isang] pagkilos kundi [isang] kalagayan o katayuan. … Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay isang bagay na nagiging likas sa tao” (“Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 34). Habang nasasaisip ang pahayag na ito, maaari mong basahin ang mensahe ni Elder Massimo De Feo na “Dalisay na Pag-ibig: Ang Tunay na Tanda ng Lahat ng Tunay na Disipulo ni Jesucristo” (Liahona, Mayo 2018, 81–83). Paano naaapektuhan ng pag-ibig sa kapwa-tao ang iyong pagkadisipulo? Paano ka “[nana]nangan sa pag-ibig sa kapwa-tao”? (talata 46).
Tingnan din sa 1 Corinto 13:1–13; Eter 12:33–34; “Mahalin ang Bawat Isa,” Mga Himno, blg. 196; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pag-ibig sa Kapwa-tao,” Gospel Library.
Ang galit ay humahantong sa kalungkutan at pagdurusa.
Kumpara sa mensahe ng pagmamahal ni Mormon sa Moroni 7:44–48, kabilang sa pangalawang sulat ni Mormon kay Moroni ang mga babala laban sa isang bagay na dinaranas ng marami sa panahong ito—galit. Ayon sa Moroni 9:3–5, ano ang ilan sa mga ibinunga ng galit ng mga Nephita? Anong mga babala ang makukuha natin mula sa mga talata 3–5, 18–20, 23?
Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “Huwag Madaling Magalit,” Liahona, Nob. 2007, 62–66.
Maaari akong magkaroon ng pag-asa kay Cristo anuman ang aking sitwasyon.
Matapos ilarawan ang kasamaan na kanyang nakita, sinabihan ni Mormon ang kanyang anak na huwag malungkot. Ano ang hinahangaan mo tungkol sa mensahe ng pag-asa ni Mormon? Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “[da]dakilain ka” ni Cristo? Anong mga katangian ni Cristo at mga alituntunin ng Kanyang ebanghelyo ang “[na]mamalagi sa iyong isipan” at nagbibigay sa iyo ng pag-asa? (Moroni 9:25).
Tingnan din ang Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 81–84.
Mga Ideya sa Pagtuturo sa mga Bata
Kung mayroon akong pananampalataya kay Jesucristo, magagawa ko ang anumang bagay na kailangang ipagawa Niya sa akin.
-
Isiping tingnan nang magkakasama ang ilang larawang nagpapakita ng isang tao mula sa mga banal na kasulatan na nagsasakatuparan ng isang bagay na mahalaga (tingnan, halimbawa, sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 19, 70, 78, 81). Paano nakagawa ng kaibhan ang pananampalataya kay Cristo sa mga halimbawang ito? Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ng iyong mga anak ang Moroni 7:33, na inaalam kung ano ang magagawa natin kapag nananampalataya tayo kay Jesucristo. Maaari din kayong magbahagi ng mga karanasan sa isa’t isa nang biyayaan ka ng Diyos ng kapangyarihang gawin ang Kanyang kalooban.
Ang paniniwala kay Jesucristo ay maaaring magbigay sa akin ng pag-asa.
-
Habang binabasa mo ang Moroni 7:41 sa iyong mga anak, marahil ay maaari nilang itaas ang kanilang kamay kapag narinig nila ang isang bagay na sinabi ni Mormon na dapat nating asamin. Ikuwento sa kanila ang pag-asang nadarama mo dahil kay Jesucristo.
-
Maaari din kayong mag-isip ng iyong mga anak ng isang taong maaaring nahihirapan sa isang bagay. Maaari sigurong magdrowing ang iyong mga anak ng isang larawan para sa taong maaaring magpaalala sa kanya na magkaroon ng pag-asa kay Jesucristo.
Maaari akong magkaroon ng pag-asa kay Jesucristo, kahit sa mahihirap na pagsubok.
-
Para maturuan ang iyong mga anak tungkol sa pag-asa kay Jesucristo, maaari mong punuin ng tubig ang isang malinaw na lalagyan at hulugan ito ng dalawang bagay—isang lumulutang at isang lumulubog. Habang magkakasama ninyong binabasa ang Moroni 7:40–41 at 9:25–26, maaaring hanapin ng iyong mga anak kung ano ang ginagawa ng pag-asa para sa atin. Maaari nilang ikumpara ang lumulutang na bagay sa isang taong may pag-asa kay Cristo. Paano Niya tayo “[dina]dakila” kapag nakakaranas tayo ng mahihirap na pagsubok? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maaaring mamalagi ang Tagapagligtas at ang Kanyang nakahihikayat na mga turo “sa [kanilang] isipan magpakailanman.”
“Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo.”
-
Ang isang awitin tungkol sa pagmamahal, tulad ng “Mahalin ang Bawat Isa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 74), ay maaaring magpasimula ng talakayan tungkol sa kung ano ang pag-ibig sa kapwa-tao. Maaari mong basahin o ibuod ang Moroni 7:47 at anyayahan ang iyong mga anak na idrowing ang kanilang sarili na nagpapakita ng pagmamahal sa isang tao. Imungkahi na ilagay nila ang kanilang larawan kung saan maipapaalala nito sa kanila na mahalin ang iba na tulad ni Jesus.
-
Paano mo mahihikayat ang iyong mga anak na maghangad at magkaroon ng dalisay na pag-ibig ni Cristo sa kanilang buhay? Marahil ay matutulungan mo silang mag-isip ng mga paraan na nagpakita si Jesus ng pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan, halimbawa, sa Lucas 23:34; Juan 8:1–11; Eter 12:33–34). Paano natin matutularan ang Kanyang halimbawa?