“Disyembre 16–22: ‘Lumapit kay Cristo, at Maging Ganap sa Kanya.’ Moroni 10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Disyembre 16–22. Moroni 10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Disyembre 16–22: “Lumapit kay Cristo, at Maging Ganap sa Kanya”
Moroni 10
Ang Aklat ni Mormon ay nagsisimula sa pangako ni Nephi na ipakita sa atin na “ang magiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya” (1 Nephi 1:20). Nagtatapos ang aklat sa isang paanyaya mula kay Moroni: “Alalahanin kung paano naging maawain ang Panginoon” (Moroni 10:2–3). Anong mga halimbawa ng awa ng Panginoon ang nakita ninyo sa Aklat ni Mormon? Maaari mong isipin ang maawaing paraan na inakay ng Diyos ang pamilya ni Lehi sa ilang at patawid ng karagatan, ang magigiliw na awang ipinakita Niya kay Enos nang magutom ang kaluluwa nito para sa kapatawaran, o ang awang ipinakita Niya kay Alma, isang matinding kaaway ng Simbahan na naging isa sa mga walang-takot na tagapagtanggol nito. O maaaring bumaling ang iyong isipan sa awang ipinakita ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga tao nang pagalingin Niya ang kanilang mga maysakit at basbasan ang kanilang maliliit na anak. Ang pinakamahalaga marahil, maipapaalala sa iyo ng lahat ng ito “kung paano naging maawain ang Panginoon” sa iyo, dahil isinulat ang Aklat ni Mormon para anyayahan ang bawat isa sa atin na tumanggap ng awa ng Diyos—isang paanyayang ipinahayag nang simple sa mga salita ng pamamaalam ni Moroni, “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Simbahan at sa Tahanan
Malalaman natin ang katotohanan ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Nabago ng pangako sa Moroni 10:3–7 ang buhay ng milyun-milyong tao sa buong mundo. Paano nito nabago ang buhay mo? Habang binabasa mo ang Moroni 10:3–7, isiping basahin ito nang mas mabuti kaysa rati. Maaari mong suriin ang bawat parirala, na itinatanong sa iyong sarili ang mga bagay na tulad nito: Ano ang ibig sabihin nito? Paano ko ito magagawa nang mas maayos? Ano ang naging mga karanasan ko rito?
Habang pinagninilayan mo ang iyong personal na paghahanap sa espirituwal na katotohanan, maaaring makatulong na malaman kung paano natagpuan ng iba ang katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Inilarawan ni Elder Mathias Held ang kanyang karanasan bilang bagong miyembro ng Simbahan (tingnan sa “Paghahangad ng Kaalaman sa Pamamagitan ng Espiritu,” Liahona, Mayo 2019, 31–33). Inilarawan ni Elder David F. Evans ang kanyang karanasan bilang isang taong lumaki sa Simbahan ngunit mayroon pa ring mga tanong (tingnan sa “Ang Katotohanan ng Lahat ng Bagay,” Liahona, Nob. 2017, 68–70). Maaari mong basahin ang isa o dalawang mensaheng ito at isulat ang anumang natututuhan mo mula sa kanilang mga pagsasaliksik sa katotohanan na tumutulong sa iyo sa sarili mong pagsasaliksik.
Maaari mo ring saliksikin ang itinuro ng Diyos tungkol sa katotohanan sa pamamagitan ng pagbasa sa ilan sa mga sipi sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Katotohanan” (Gospel Library). Aling mga talata sa banal na kasulatan ang tila lalong nagbibigay ng kaliwanagan sa iyo? Marahil ay maaari kang pumili ng isa na maibabahagi mo sa iba na naghahanap din ng katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu.
Tingnan din sa Henry B. Eyring, “Ang Pananampalatayang Humingi at Pagkatapos ay Kumilos,” Liahona, Nob. 2021, 74–76; “Banal na Espiritu,” Mga Himno, blg. 85; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Seek Truth and Avoid Deception [Hanapin ang Katotohanan at Iwasan ang Panlilinlang],” Gospel Library.
Binigyan ako ng Diyos ng mga espirituwal na kaloob.
Maraming paraan na maaaring “[itatwa ng isang tao] … ang mga kaloob ng Diyos” (Moroni 10:8). Itinatatwa ng ilang tao na may ganito ngang mga kaloob. Itinatatwa ng iba ang kanilang mga kaloob sa simpleng pagpapabaya sa mga ito o hindi pagpapaunlad ng mga ito. Habang binabasa mo ang Moroni 10:8–25, maghanap ng mga katotohanang tutulong sa iyo na tuklasin ang iyong mga espirituwal na kaloob at gamitin ang mga iyon para pagpalain ang mga anak ng Diyos. Maaaring makatulong ang mga tanong na tulad nito: Ano ang mga espirituwal na kaloob? Kanino ibinibigay ang mga iyon? Bakit ibinibigay ang mga iyon? Paano natin matatanggap ang mga iyon? Makakaisip ka ba ng mga halimbawa ng mga taong gumagamit ng mga kaloob na nakalista sa Moroni 10:9–16?
Maaari akong magawang perpekto sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo.
Ang payo ni Moroni na “lumapit kay Cristo” ay higit pa sa pagkatuto at pag-iisip tungkol sa Kanya. Sa halip, ito ay isang paanyaya ns lumapit kay Cristo sa pinakakumpletong kahulugan nito—ang maging katulad Niya. Habang binabasa mo ang Moroni 10:30–33, pansinin ang mga pariralang nagpapaunawa sa iyo kung ano ang ibig sabihin ng lumapit kay Cristo, kung paano ito nagiging posible, at ang mga resulta ng paggawa nito.
Gunitain ang pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon ngayong taon, at pagnilayan kung ano ang nadama at natutuhan mo tungkol kay Jesucristo. Halimbawa, paano ka natulungan ng Aklat ni Mormon na lumapit sa Kanya? Paano ka natulungan nito na mas lubos na umasa sa Kanyang biyaya? Paano ka natulungan nito na “huwag itatwa” ang kapangyarihan ng Tagapagligtas? Isiping ibahagi ang sarili mong patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon sa isang taong kailangang makarinig nito, kabilang na ang mga mahal sa buhay at kaibigan na maaaring hindi nakakaalam sa mensahe nito.
Tingnan din sa “Inaanyayahan ni Moroni ang Lahat ng Tao na Lumapit kay Cristo” (video), Gospel Library.
Mga Ideya sa Pagtuturo sa mga Bata
Maaari kong malaman sa sarili ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo.
-
Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na tanggapin ang paanyaya ni Moroni na itanong sa Diyos kung ang Aklat ni Mormon ay totoo? Isiping bigyan sila ng mga piraso ng papel na may mga salitang Basahin, Alalahanin, Pagnilayan, at Itanong na nakasulat sa mga iyon. Maaaring hanapin ng iyong mga anak ang mga salitang ito sa Moroni 10:3–4. Ano ang dapat nating basahin, alalahanin, pagnilayan, at itanong para matamo o mapalakas ang ating patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon? Maaari ding hanapin ng iyong mga anak ang mga pagkakatulad sa pagitan ng mga talatang ito at ng awiting “Babasahin, Uunawain at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66).
-
Maaaring gamitin ng iyong mga anak ang larawan sa dulo ng outline na ito para sa pag-uusap tungkol sa pagbabaon ni Moroni sa mga laminang ginto (tingnan din sa “Kabanata 54: Ang Pangako ng Aklat ni Mormon,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 156). Maaaring masiyahan ang mga mas nakababata bata na magkunwaring si Moroni na nagsusulat sa mga lamina at ibinabaon ang mga ito. Ibahagi sa isa’t isa ang inyong mga patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon.
Binibigyan ako ng Ama sa Langit ng mga espirituwal na kaloob.
-
Para magturo sa iyong mga anak tungkol sa mga espirituwal na kaloob, maaari mong isulat ang numero 9 hanggang 16 sa magkakahiwalay na piraso ng papel at ibalot ang bawat papel na parang regalo. Maaaring maghalinhinan ang iyong mga anak sa pagbubukas ng mga regalo, pagbasa sa mga talata mula sa Moroni 10:9–16 na tumutugma sa mga numero, at pagtukoy sa bawat espirituwal na kaloob. Maaari mong banggitin kung paano nais ng Ama sa Langit na gamitin natin ang mga kaloob na ito para pagpalain ang Kanyang mga anak. Maaari mo ring tulungan ang iyong mga anak na mapansin ang mga kaloob na ibinigay sa kanila ng Ama sa Langit.
Nais ni Jesucristo na lumapit ako sa Kanya.
-
Nauunawaan ba ng mga tinuturuan mo ang ibig sabihin ng “lumapit kay Cristo”? Maaari mo sigurong basahin ang Moroni 10:32 at anyayahan silang ulitin ninyo ang parirala. Pagkatapos ay maaari silang pumikit habang inilalagay mo ang larawan ni Jesus sa isang lugar sa silid. Pagkatapos ay ipamulat sa kanila ang kanilang mga mata, ipahanap sa kanila ang larawan, sabihin sa kanila na paligiran ito, at pag-usapan ang mga paraan na maaari tayong lumapit kay Cristo. Maaari sigurong makatulong na isulat ang tanong na Ano ang ibig sabihin ng lumapit kay Cristo? Tulungan silang saliksikin ang Moroni 10:32–33 para mahanap ang mga posibleng sagot (tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3–4). Magtulungang ilista kung ano ang nais ipagawa sa atin ni Cristo at kung ano ang ipinapangako Niyang gagawin para sa atin.
-
Masisiyahan siguro ang iyong mga anak na gumawa at magdekorasyon ng mga hugis-pusong badge na may nakasulat na “Iibigin ko ang Diyos nang buo kong kakayahan, pag-iisip, at lakas” (tingnan sa Moroni 10:32). Habang ginagawa nila ito, kausapin sila kung paano natin ipinapakita sa Diyos na mahal natin Siya.