Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Mga Espirituwal na Pagpapakita at ang Kirtland Temple


“Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Mga Espirituwal na Pagpapakita at ang Kirtland Temple,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Mga Espirituwal na Pagpapakita at ang Kirtland Temple,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

icon ng mga tinig ng pagpapanumbalik

Mga Tinig ng Pagpapanumbalik

Mga Espirituwal na Pagpapakita at ang Kirtland Temple

ipinintang larawan ng Kirtland Temple

Nasa ibaba ang mga salita ng mga Banal sa mga Huling Araw na nasa Kirtland Temple noong ilaan ito at sa iba pang sumunod na mga pulong. Inihambing ng marami ang kanilang mga karanasan sa naranasan ng mga sinaunang Banal nang sila ay “masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas” sa araw ng Pentecostes (Lucas 24:49; tingnan din sa Mga Gawa 2:1–4; Doktrina at mga Tipan 109:36–37).

Eliza R. Snow

Portrait photograph of Eliza R. Snow seated in a chair.

“Ang mga seremonya ng paglalaang iyon ay maaaring bigkasing muli, ngunit walang salitang makapaglalarawan sa mga pagpapakita ng langit sa di-malilimutang araw na iyon. Nagpakita ang mga anghel sa ilan, habang ang lahat ng naroon ay nakadama ng kabanalan, at bawat puso ay may ‘hindi maipaliwanag na kagalakan at puspos ng kaluwalhatian.’”

Sylvia Cutler Webb

“Isa sa aking mga pinakaunang alaala ay ang paglalaan ng Templo. Kinandong kami ng aking Itay at sinabi sa amin kung bakit kami pupunta at ano ang ibig sabihin ng ilaan ang isang bahay sa Diyos. At bagama’t lubhang napakabata ko noon, malinaw ko pang naaalala ang pangyayari. Maaalala ko pa rin ang nakalipas na maraming taon at makikita gaya ng nakita ko noon si Joseph na Propeta, na nakatayo habang nakataas tungo sa langit ang kanyang mga kamay, ang kanyang maputlang mukha, ang mga luhang dumadaloy sa kanyang pisngi nang magsalita siya sa di-malilimutang araw na iyon. Halos lahat ay tila lumuluha. Punung-puno ang bahay kaya’t karamihan sa mga bata ay kandong ng matatanda; kandong ni Itay ang kapatid kong babae, ako naman ay kandong ng aking ina. Naaalala ko pa ang mga damit na suot namin noon. Napakabata pa ng isip ko noon para lubusang maunawaan ang buong kahalagahan ng lahat ng iyon, ngunit sa paglipas ng mga panahon unti-unti ko itong naunawaan, at nagpapasalamat ako na nagkaroon ako ng pribilehiyo na makadalo roon.”

Oliver Cowdery

Head and shoulder portrait of Oliver Cowdery in suit and tie.

“Nang gabing iyon nakipagpulong ako sa mga pinuno ng simbahan sa bahay ng Panginoon. Ibinuhos ang Espiritu—nakita ko ang kaluwalhatian ng Diyos, tulad ng isang malaking ulap, na bumaba at nanatili sa bahay, at pinuno ito na tulad ng pag-ihip ng malakas na hangin. Nakakita rin ako ng mga dilang-apoy, na parang apoy na nanatili sa marami, … habang nagsasalita sila sa ibang mga wika at nagpropesiya.”

Benjamin Brown

“Maraming pangitain [ang] nakita. May isang nakakita sa tila unan o ulap na nasa ibabaw ng bahay, kasing-liwanag ng pagsikat ng araw sa isang ulap na parang ginto. May dalawang iba pa na nakakita ng tatlong personahe na umaaligid sa silid na may hawak na maningning na mga susi, at may hawak din na makinang na tanikala.”

Orson Pratt

Portrait engraving of Orson Pratt

“Naroon ang Diyos, naroon ang kanyang mga anghel, ang Espiritu Santo ay nasa gitna ng mga tao … at sila ay napuspos mula sa tuktok ng kanilang mga ulo hanggang sa talampakan ng kanilang mga paa ng kapangyarihan at inspirasyon ng Espiritu Santo.”

Nancy Naomi Alexander Tracy

“[Nang] ang Templo ay matapos at mailaan … ang mga yaon ay dalawa sa pinakamasasayang araw sa buhay ko. Ang angkop na himno na kinatha para sa okasyon ay ‘Ang Espiritu ng Diyos ay Nag-aalab.’ Tunay nga na ang Impluwensya ng Langit ay napasa-bahay na iyon. … Naramdaman ko na iyon ay parang langit na nasa lupa.”

Mga Tala

  1. Sa Edward W. Tullidge, The Women of Mormondom (1877), 95.

  2. Sa Karl Ricks Anderson, Joseph Smith’s Kirtland: Eyewitness Accounts (1996), 182–83.

  3. Oliver Cowdery diary, Mar. 27, 1836, Church History Library, Salt Lake City.

  4. Benjamin Brown letter to his wife, Sarah, mga Abril 1836, Benjamin Brown family collection, Church History Library, Salt Lake City; ginawang makabago ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga letra.

  5. Orson Pratt, “Remarks,” Deseret News, Ene. 12, 1876, 788.

  6. Sa Richard E. Turley Jr. at Brittany A. Chapman, eds., Women of Faith in the Latter Days (2011), 1:442.