Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 6–12: “Aking Isasaayos ang Lahat ng Bagay para sa Inyong Kabutihan”: Doktrina at mga Tipan 111–114


“Oktubre 6–12: ‘Aking Isasaayos ang Lahat ng Bagay para sa Inyong Kabutihan’: Doktrina at mga Tipan 111–114,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 111–114,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

si Joseph Smith habang nagtuturo sa Kirtland Temple

Oktubre 6–12: “Aking Isasaayos ang Lahat ng Bagay para sa Inyong Kabutihan”

Doktrina at mga Tipan 111–114

Nagkaroon ka na ba ng espirituwal na karanasan na nagpadama sa iyo ng tiwala sa sarili at katatagan sa iyong pananampalataya kay Cristo—ngunit pagkatapos ay sinubukan ng mga paghihirap sa buhay ang iyong pananampalataya, at natuklasan mo na nahihirapan kang madamang muli ang kapayapaang nadama mo noon? Parang ganyan ang nangyari sa mga Banal sa Kirtland. Wala pang isang taon matapos ang mga espirituwal na pagbuhos na may kaugnayan sa paglalaan ng Kirtland Temple, nagkaroon ng mga problema. Isang krisis sa pananalapi, pagtatalo sa Korum ng Labindalawa, at iba pang mga pagsubok ang naging dahilan para manghina ang pananampalataya ng ilan sa kabila ng mga naranasan nila noong una.

Hindi natin maiiwasan ang mga pagsubok, kaya paano natin maiiwasang maging banta ang mga ito sa ating pananampalataya at patotoo? Matatagpuan siguro ang bahagi ng sagot dito sa payo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 112, na ibinigay habang tumitindi ang mga paghihirap noon sa Kirtland. Sabi ng Panginoon, “Padalisayin ang inyong mga puso sa harapan ko” (talata 28), “Huwag maghimagsik” (talata 15), “Bigkisan ang iyong balakang para sa gawain” (talata 7), at “Maging mapagpakumbaba ka” (talata 10). Kapag sinunod natin ang payong ito, ang Panginoon ay “aakayin [tayo] sa kamay” para malampasan ang paghihirap at magkaroon ng kagalingan at kapayapaan (tingnan sa mga talata 10, 13).

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 111

Ang Panginoon ay maaaring “[isaayos] ang lahat ng bagay para sa [aking] kabutihan.”

Pagsapit ng 1836, lumaki na ang mga pagkakautang ng Simbahan sa paggawa ng gawain ng Panginoon. Nag-alala si Joseph Smith at ang iba pa tungkol sa mga utang na ito at nag-isip ng mga paraan para mabayaran ang mga ito (tingnan ang section heading sa Doktrina at mga Tipan 111).

Habang binabasa mo ang bahagi 111, isipin kung paano maaaring umangkop ang mga salita ng Panginoon kay Joseph sa iyo—at sa mga bagay na ipinag-aalala mo. Halimbawa, kailan mo nadama ang pagmamahal ng Diyos “sa kabila ng [iyong] mga kahangalan” (talata 1)? Paano ka natulungan ng Panginoon na makahanap ng di-inaasahang “[mga] kayamanan” (talata 10)? Ano ang ginawa Niya para “[isaayos] ang lahat ng bagay para sa [iyong] kabutihan” (talata 11)? Ano ang itinuturo sa iyo ng pariralang “kung gaano ninyo kabilis makayang matanggap ang mga yaon” tungkol sa Ama sa Langit?

Tingnan din sa Mateo 6:19–21, 33; “More Treasures Than One,” sa Revelations in Context, 229–34.

Doktrina at mga Tipan 112:3, –15, 22.

icon ng seminary
Aakayin ako ng Panginoon habang mapagpakumbaba kong hinahangad ang Kanyang kalooban.

Nagalit si Thomas B. Marsh, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na tumawag si Joseph Smith ng dalawang miyembro ng kanyang korum, nang hindi siya kinokonsulta, para ipangaral ang ebanghelyo sa England. Kinausap niya ang Propeta, na nakatanggap ng paghahayag na tumulong kay Thomas na isantabi ang nasaktan niyang damdamin. Ang paghahayag na iyon ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 112.

Isaisip ang kontekstong ito habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 112. Ano ang nakikita mo na maaaring nagpahilom sa nasaktang damdamin ni Thomas? Sa mga talata 3–15 at 22, maaari mong hanapin ang mga sagot sa mga tanong na tulad nito: Ano ang pagpapakumbaba? Ano ang ibig sabihin sa iyo ng aakayin ka ng Panginoon “sa kamay”? Sa iyong palagay, bakit nakakatulong sa iyo ang pagpapakumbaba na matanggap ang patnubay ng Panginoon? Maaari kang makakita ng karagdagang mga sagot sa “Mga Huwaran ng Pagpapakumbaba” sa mensahe ni Elder Joseph W. Sitati na “Mga Huwaran ng Pagkadisipulo” (Liahona, Nob. 2022, 87–88).

Mag-isip ng isang taong kilala mo na mapagpakumbaba. Ano ang ginagawa ng taong ito para magpakita ng pagpapakumbaba? Ano ang matututuhan mo mula sa Tagapagligtas tungkol sa pagpapakumbaba? Marahil ay makakakita ka ng mga larawan ng mga panahon sa Kanyang buhay nang magpakita Siya ng pagpapakumbaba.

Kailan mo nadama na pinatnubayan ka ng Panginoon nang ikaw ay magpakumbaba?

Tingnan din sa Ulisses Soares, “Maging Maamo at May Mapagpakumbabang Puso,” Liahona, Nob. 2013, 9–11; “The Faith and Fall of Thomas Marsh,” sa Revelations in Context, 54–60; Mga Paksa at mga Tanong, “Pagpapakumbaba,” Gospel Library; “Magpakumbaba Ka,” Mga Himno, blg. 75.

Isali ang mga mag-aaral. Pag-isipan kung paano mo matutulungan ang mga taong tinuturuan mo na aktibong makilahok sa pag-aaral tungkol sa mga katotohanan sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, para maipaunawa sa kanila ang sinabi ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 112:10, maaari mong piringan ang isang tao at maingat siyang akayin sa kamay sa paligid ng isang maliit na obstacle course ng mga silya o iba pang mga bagay. Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagpapakumbaba sa pagpapakitang ito?

Doktrina at mga Tipan 112:12–26, 28, 33–34

Ang mga tunay na nagbabalik-loob ay nakikilala si Jesucristo.

Ang katotohanan na tinalikuran ng ilang Apostol ang Propeta noong 1837 ay isang magandang paalala na anuman ang calling natin sa Simbahan o gaano man karami ang alam natin tungkol sa ebanghelyo, kailangang tiyakin ng bawat isa sa atin na mapangalagaan natin ang ating pagbabalik-loob kay Jesucristo. Marahil ay maaari mong basahin ang Doktrina at mga Tipan 112:12–26, 28, 33–34 at hanapin ang mga katotohanang makakatulong sa iyo na madaig ang isang pagsubok sa pananampalataya o lubos na magbalik-loob sa Panginoon. Maaari kang mahikayat na ibahagi ang nalaman mo para matulungan ang ibang tao na mapatatag ang kanyang pagbabalik-loob kay Cristo.

Doktrina at mga Tipan 113

Si Joseph Smith ay “isang tagapaglingkod sa mga kamay ni Cristo.”

Tinawag ni propetang Isaias ang isa sa mga inapo ni Jesse na isang “usbong” at isang “ugat” (Isaias 11:1, 10). Sa bahagi 113, ipinaliwanag ng Panginoon na ang inapong ito, na isang lingkod ni Cristo, ay magiging kasangkapan sa pagtitipon ng mga tao ng Panginoon sa mga huling araw (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 113:4, 6). Inilalarawan nang husto ng propesiyang ito si Propetang Joseph Smith. Paano maaaring nahikayat nito at ng iba pang mga katotohanan sa bahagi 113 ang mga Banal sa panahon ng kaguluhang naranasan nila sa Kirtland? Ano ang makikita mo sa paghahayag na ito na nakakahikayat sa iyo na manatiling matatag at patuloy na makilahok sa gawain ng Panginoon ngayon?

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Jesse,” Gospel Library; 2 Nephi 21:10–12; Joseph Smith—Kasaysayan 1:40.

paglalarawan ng Isaias 11:1

Sumulat si Isaias tungkol sa isang “usbong” at “mga ugat” na lumalabas mula sa “[sanga] ni Jesse” (Isaias 11:1).

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 01 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 111:2, 10–11

Ang mga bagay ng Diyos ay maaaring maging isang kayamanan sa akin.

  • Maaari ninyong idrowing ng iyong mga anak ang maisip ninyo kapag narinig ninyo ang salitang kayamanan. Pagkatapos ay maaari ninyong basahin nang magkakasama ang Doktrina at mga Tipan 111:2, 10–11 at ihambing ang mga kayamanan ng mundo sa mga bagay na pinahahalagahan ng Panginoon. (Tingnan ang pahina ng aktibidad sa linggong ito.) Paano natin mas mapapahalagahan ang mga bagay ng Diyos?

Doktrina at mga Tipan 112:10

Aakayin ako sa kamay ng Panginoon at sasagutin ang aking mga dalangin.

  • Matapos basahin ang Doktrina at mga Tipan 112:10 nang magkakasama, maaari ninyong kantahin ng iyong mga anak nang magkakasama ang “Magpakumbaba Ka” (Mga Himno, blg. 75). Maaari din kayong maglaro ng isang game kung saan aakayin ninyo ang isa’t isa “sa kamay” (tulad ng isang obstacle course). Paano tayo inaakay ng Panginoon “sa kamay,” kahit hindi natin Siya pisikal na kasama? Bakit tayo kailangang paakay sa Panginoon? Kailan natin nadama na inaakay tayo ng Panginoon?

  • Maaari mong isulat o ng iyong mga anak ang mga salita ng Doktrina at mga Tipan 112:10 at salungguhitan ang mga pagpapalang ibinibigay ng Panginoon sa atin kapag mapagpakumbaba tayong bumabaling sa Kanya. Hikayatin ang iyong mga anak na magkuwento ng mga pagkakataon na mapagpakumbaba silang humingi ng tulong sa Panginoon at nakatanggap ng mga sagot sa kanilang mga panalangin o naakay silang gumawa ng mabuti (tingnan sa Moroni 7:13, 16).

si Jesus na pinagagaling ang isang bata

Detalye mula sa Arise and Walk [Bumangon at Lumakad], ni Simon Dewey

Doktrina at mga Tipan 112:11

Nais ni Jesucristo na mahalin ko ang lahat ng tao.

  • Maaari kayong maghalinhinan ng iyong mga anak sa pagbasa mula sa “Kabanata 41: Ang Kaguluhan sa Kirtland” (sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 158–60). Sino sa kuwento ang nagpalala sa mga problema sa Kirtland? Sino ang nagsikap na mapaganda ang kanilang sitwasyon? Pagkatapos ay maaari mong basahin ang Doktrina at mga Tipan 112:11 at talakayin kung bakit nais ng Tagapagligtas na mahalin natin ang lahat. Kailan Siya nagpakita ng pagmamahal sa mga taong masungit sa Kanya? (halimbawa, tingnan sa Lucas 23:34). Maaari din ninyong kantahin ang isang awitin tungkol sa pagmamahal sa isa’t isa, tulad ng “Palaging Sasamahan Ka” (Aklat ng mga Awit Pambata, 78–79).

2:20

Chapter 41: Trouble in Kirtland: 1837–1838

Doktrina atmga Tipan 112:11–14, 24–26

Ang mga tunay na nagbabalik-loob ay nakikilala si Jesucristo.

  • Matapos basahin ang Doktrina at mga Tipan 112:24–26, maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak ang kaibhan sa pagitan ng pagkaalam sa pangalan ng isang tao at pagkilala sa kanila. Anong mga turo mula sa mga talata 11–14 ang nagpapaunawa sa atin sa ibig sabihin ng makilala ang Panginoon?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

Itinala ni Thomas B. Marsh ang paghahayag na ibinigay sa kanya sa pamamagitan ni Joseph Smith.

Be Thou Humble [Magpakumbaba Ka], ni Julie Rogers.

pahina ng aktibidad para sa mga bata