“Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Liberty Jail,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Liberty Jail,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Mga Tinig ng Pagpapanumbalik
Liberty Jail
Habang nakakulong sa Liberty, Missouri, si Joseph Smith ay nakatanggap ng mga sulat na nagpapabatid sa kanya tungkol sa mapanganib na sitwasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw na pinalalayas sa estado sa utos ng gobernador. Dumating ang isang nakaaantig na liham mula sa kanyang asawang si Emma. Ang kanyang mga sinabi, at ang liham ni Joseph bilang sagot, ay nagpapahayag kapwa ng kanilang mga pagdurusa at pananampalataya sa mahirap na panahong ito sa kasaysayan ng Simbahan.
Liham ni Emma Smith kay Joseph Smith, Marso 7, 1839
Mahal kong Asawa
Dahil may pagkakataong magpadala sa pamamagitan ng isang kaibigan, magtatangka akong sumulat, ngunit hindi ko isusulat ang buong damdamin ko, dahil sa sitwasyon mo, sa mga pader, rehas, at kandado, dumadaloy na mga ilog, dumadaloy na mga sapa, matataas na kaburulan, nakalubog na mga lambak at malalawak na kaparangang naghihiwalay sa atin, at ang malupit na kawalang-katarungan na unang dahilan kaya ka nabilanggo at nariyan ka pa rin, at sa marami pang ibang konsiderasyon, kaya hindi ko talaga maipaliwanag ang aking damdamin.
Kung hindi ko alam na inosente tayo, at kung hindi tuwirang namagitan ang awa ng Diyos, tiyak na tiyak ko na hindi ko magagawang tiisin ang mga pagdurusang naranasan ko … ; ngunit buhay pa rin ako at handang magdusa pa kung iyon ang kalooban ng mabait na Langit na dapat kong gawin para sa iyong kapakanan.
Nasa mabuting kalagayan kaming lahat sa ngayon, maliban kay Fredrick na maysakit.
Ang munting si Alexander na karga ko ngayon ay isa sa pinakamagagandang sanggol na nakita mo sa iyong buhay. Napakalakas niya na habang itinutulak ang isang silya ay tatakbo siya sa buong silid. …
Diyos lang ang nakakaalam sa mga pagninilay ng aking isipan at sa nadarama ng puso ko nang lisanin ko ang ating bahay at tahanan, at halos lahat ng pag-aari natin maliban sa ating maliliit na Anak, at naglakbay ako palabas ng estado ng Missouri, at iniwan kang nakakulong sa mapanglaw na piitang iyan. Datapwat ang alaala ay higit kaysa sa mababata ng sangkatauhan. …
… Umaasa ako na may mas magagandang araw pang darating sa atin. … Lagi [akong] sumasaiyo nang buong pagmamahal.
Emma Smith
Liham ni Joseph Smith kay Emma Smith, Abril 4, 1839
Mahal—at mapagmahal—kong Asawa.
Noong huwebes ng gabi, naupo ako habang papalubog ang araw, at nakasilip kami sa pagitan ng mga rehas ng mapanglaw na piitang ito, para sumulat sa iyo, nang maipaalam ko sa iyo ang aking sitwasyon. Naniniwala ako na mga limang buwan at anim na araw na ako ngayong binabantayan ng isang nakasimangot na guwardiya gabi’t araw, at sa loob ng mga pader, rehas, at lumalangitngit na mga pintuang bakal ng isang mapanglaw, madilim, at maruming piitan. Taglay ang mga damdaming Diyos lamang ang nakakaalam ay isinusulat ko ang liham na ito. Ang mga nilalaman ng aking isipan sa sitwasyong ito ay hindi kayang isulat, o bigkasin, o na ilarawan, o ipinta, ng mga Anghel sa taong hindi pa nakaranas ng nararanasan natin. … Umaasa kami sa lakas ni Jehova, at wala nang iba, para sa aming kaligtasan, at kung hindi niya gagawin ito, hindi mangyayari ito, makatitiyak kayo, sapagkat maraming gustong pumatay sa amin sa estadong ito; hindi dahil sa nakagawa kami na anumang pagkakasala. … Mahal Kong Emma, patuloy kitang naiisip at ang mga bata. … Gusto kong makita ang munting si Frederick, sina Joseph, Julia, Alexander, Joana, at ang matandang si major [ang aso ng pamilya]. … Matutuwa akong maglakad mula rito papunta sa iyo nang nakayapak, at walang sumbrero, at walang pang-itaas, para makita kayo at masiyahan nang husto, at hindi ito ituturing na paghihirap. … Tinitiis ko nang may katatagan ang lahat ng kaapihan ko, gayundin ng mga kasamahan ko; wala pa ni isa sa amin ang natitinag. Gusto kong huwag mong hayaan na malimutan ako ng [ating mga anak]. Sabihin mo sa kanila na [sakdal] ang pagmamahal sa kanila ni Itay, at ginagawa niya ang lahat para makatakas sa mga mandurumog upang makauwi sa kanila. … Sabihin mo sa kanila na sinabi ni Itay na kailangang maging mabubuting anak sila, at ingatan ang kanilang ina. …
Sumasaiyo,
Joseph Smith Jr.