Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 27–Nobyembre 2: “[Isang] Bahay sa Aking Pangalan”: Doktrina at mga Tipan 124


“Oktubre 27–Nobyembre 2: ‘[Isang] Bahay sa Aking Pangalan’: Doktrina at mga Tipan 124,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 124,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

ipinintang larawan ng Nauvoo, Illinois

Nauvoo the Beautiful [Ang Magandang Nauvoo], ni Larry C. Winborg Copyright 2023

Oktubre 27–Nobyembre 2: “[Isang] Bahay sa Aking Pangalan”

Doktrina at mga Tipan 124

Kahit gayon kahirap ang nakalipas na anim na taon para sa mga Banal, nagsimulang gumanda ang sitwasyon noong tagsibol ng 1839: Ang nagsilikas na mga Banal ay pinakitaan ng habag ng mga mamamayan ng Quincy, Illinois. Pinayagan ng mga guwardiya si Joseph Smith at ang iba pang mga pinuno ng Simbahan na makatakas sa pagkakakulong sa Missouri. At kabibili lang ng Simbahan ng lupa sa Illinois kung saan ang mga Banal ay maaaring magtipong muli. Oo, maputik ito, lupaing pinamumugaran ng mga lamok, ngunit kumpara sa mga pagsubok na dinanas na ng mga Banal, mukhang mas makakayanan nila ito. Kaya pinatuyo nila ang latian at nagbalangkas ng isang charter para sa isang bagong lungsod, na pinangalanan nilang Nauvoo. Ibig sabihin nito sa wikang Hebreo ay “maganda,” bagama’t ito ay mas pagpapakita ng pananampalataya kaysa sa isang tumpak na paglalarawan, kahit paano noong una. Samantala, ipinadama ng Panginoon sa Kanyang Propeta na kailangang kumilos kaagad. Marami pa Siyang katotohanan at ordenansang ipanunumbalik, at kailangan Niya ng isang banal na templo kung saan Kanyang “puputungan [ang Kanyang mga Banal] ng karangalan, kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan” (Doktrina at mga Tipan 124:55). Sa maraming paraan, ganito ring damdamin ng pananampalataya at pagmamadali ang nakikita sa gawain ng Panginoon ngayon.

Tingnan sa Mga Banal, 1:455–88; “Organizing the Church in Nauvoo,” sa Revelations in Context, 264–71.

Alamin ang iba pa tungkol sa mga makasaysayang lugar ng Simbahan sa Illinois.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 124:2–11

Maaari kong anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo.

Sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na “gumawa … ng kapita-pitagang pagpapahayag ng [Kanyang] ebanghelyo” sa “lahat ng hari ng daigdig” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:2–11). Kung natanggap mo ang assignment na ito, ano ang sasabihin mo sa iyong pagpapahayag tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo? Pagnilayan din kung paano mo maaaring ibahagi ang iyong patotoo nang normal at natural sa mga taong nakakasalamuha mo araw-araw.

Tingnan din sa “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” Gospel Library

Doktrina at mga Tipan 124:12–21

Maaari akong maging isang disipulo na pinagkakatiwalaan ng Panginoon.

Isiping ibahagi sa iba, tulad ng ginawa ng Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan 124:12–21, ang mga katangiang katulad ng kay Cristo na nakikita mo sa mga ito. Paano Niya naipahayag sa iyo ang Kanyang pagmamahal at tiwala?

Tingnan din sa Richard J. Maynes, “Makamtan ang Tiwala ng Panginoon at ng Inyong Pamilya,” Liahona, Nob. 2017, 75–77.

Doktrina at mga Tipan 124:22–24, 60–61

Nais ng Panginoon na malugod kong kausapin at tanggapin ang iba.

Habang pinagninilayan mo ang tagubilin ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 124:22–24, 60–61, isipin kung paano mo magagawang isang lugar ang inyong tahanan at inyong ward na tulad ng nakinita ng Panginoon para sa Nauvoo.

Tingnan din sa “A Friend to All” (video), ChurchofJesusChrist.org.

4:0

A Friend to All

Nauvoo Temple habang itinatayo

Detalye mula sa Si Joseph Smith sa Nauvoo Temple, ni Gary E. Smith

Doktrina at mga Tipan 124:25–45, 55

Nagtatayo tayo ng mga templo sa Panginoon para matanggap ang mga sagradong ordenansa.

Sa palagay mo, bakit “tuwinang inuutusan” ng Panginoon ang Kanyang mga tao na “magtayo [ng mga templo] sa [Kanyang] banal na pangalan”? Isiping ilista ang mga dahilan na makikita mo sa Doktrina at mga Tipan 124:25–45, 55. Maaari mong mahanap ang iba pa sa isang himnong tulad ng “O Kayganda ng Templo N’yo, Panginoon” (Mga Himno, blg. 180) o ang video na “What Is a Temple?” (Gospel Library). Paano naging tanda ng pagmamahal sa iyo ng Panginoon ang gawaing magtayo ng mga templo?

5:48

Ano ang Templo?

Mula nang maitayo ang Nauvoo Temple noong 1840s, mahigit 300 templo na ang naitayo o naibalitang itatayo. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Alam natin na ang ating oras sa templo ay mahalaga sa ating kaligtasan at kadakilaan, at gayundin sa ating pamilya. … Ang mga pagsalakay ng kalaban ay lalong nadaragdagan, sa tindi at sa iba’t ibang uri. Ang pangangailangan sa malimit na pagpunta natin sa templo ay mas lalo nang napakahalaga sa ngayon” (“Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 114). Paano nakatulong sa iyo ang templo na paglabanan ang “mga pagsalakay ng kalaban”? Ano ang nadarama mo na dapat mong gawin upang masunod ang payo ni Pangulong Nelson?

Tingnan din sa “Why Latter-day Saints Build Temples,” temples.ChurchofJesusChrist.org.

Doktrina at mga Tipan 124:45–55

Pinagpapala ng Panginoon ang mga taong nagsisikap na sundin ang Kanyang mga utos.

Inutusan ang mga Banal na magtayo ng isang templo sa Jackson County, Missouri, ngunit sila ay “hinadlangan ng kanilang mga kaaway” (Doktrina at mga Tipan 124:51). Ang mga talata 49–55 ay naglalaman ng nakapapanatag na mensahe para sa mga taong nais sundin ang mga utos ng Diyos ngunit hindi iyon magawa dahil sa sitwasyon ng pamilya o ng iba pa. Anong payo ang nakikita mo sa mga talatang ito na maaaring makatulong sa isang tao na nasa gayong sitwasyon?

Doktrina at mga Tipan 124:91–92

icon ng seminary
Maaari akong gabayan ng Panginoon sa pamamagitan ng aking mga patriarchal blessing.

Hindi nagtagal matapos pumanaw si Joseph Smith Sr., ang ama ng Propeta, ,tinawag ng Panginoon si Hyrum Smith sa dating calling ng kanyang ama—ang Patriarch sa Simbahan. Mababasa mo ang tungkol dito sa Doktrina at mga Tipan 124:91–92.

Para malaman ang iba pa tungkol sa kasaysayan ng mga patriarch at ng mga patriarchal blessing, mag-klik dito.

Paano mo ilalarawan ang patriarchal blessing sa isang taong hindi pa kailanman nakarinig tungkol dito? Ano ang sasabihin mo para mahikayat ang isang tao na tumanggap nito? Hanapin ang mga sagot sa mga tanong na ito sa mensahe ni Elder Randall K. Bennett na “Ang Inyong Patriarchal Blessing—Inspiradong Patnubay mula sa Ama sa Langit” (Liahona, Mayo 2023, 42–43) o Mga Paksa at mga Tanong, “Mga Patriarchal Blessing” (Gospel Library).

Batay sa napag-aralan at naranasan mo, isipin kung paano mo kukumpletuhin ang pangungusap na ito: “Ang patriarchal blessing ay parang .” Bakit nais ng Ama sa Langit na tumanggap ng patriarchal blessing ang Kanyang mga anak?

Kung hindi mo pa natatanggap ang iyong patriarchal blessing, ano ang magagawa mo para matanggap ito? Kung nakatanggap ka na ng patriarchal blessing, paano mo maipapakita sa Diyos na pinahahalagahan mo ang kaloob na ito?

Tingnan din sa Kazuhiko Yamashita, “Kailan Tatanggap ng Inyong Patriarchal Blessing,” Liahona, Mayo 2023, 88–90; Pangkalahatang Hanbuk, 18.17, Gospel Library.

Taos-pusong magturo. Ang pagtuturo ay pinakamakabuluhan kapag sinamahan ito ng mga personal na karanasan at patotoo. Halimbawa, kung nakatanggap ka na ng patriarchal blessing, rebyuhin ito habang naghahanda kang magturo tungkol sa mga espesyal na basbas na ito. Bakit ka nagpapasalamat para sa iyong basbas? Paano mo mahihikayat ang iba na maghandang tanggapin ang kanilang patriarchal blessing o pag-aralan ang mga ito nang mas madalas?

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 02 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 124:15, 20

Gustung-gusto ni Jesucristo ang integridad.

  • Para matulungan ang iyong mga anak na maalala ang natututuhan nila mula sa Doktrina at mga Tipan 124:15, 20, maaari mo silang tulungang magdrowing at gumupit ng mga pusong papel. Sa mga puso, maaari mo silang tulungang isulat ang mahahalagang parirala mula sa mga talatang ito. Ang isang awiting tulad ng “Ang Tama’y Ipaglaban” (Aklat ng mga Awit Pambata, 81) ay maaaring makapagpatibay sa mga salita ng Panginoon.

  • Matapos basahin nang sama-sama ang Doktrina at mga Tipan 124:15, 20, marahil ay maaari mong tulungan ang iyong mga anak na alamin ang ibig sabihin ng mamuhay nang may integridad sa pahina 31 ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili. Ano ang partikular na sinabi ng Panginoon tungkol kay George Miller sa talata 20 “dahil sa katapatan ng [puso ni George]”? Maaari ka ring magbahagi ng mga halimbawa ng mga batang nagpapakita ng integridad mula sa sarili mong karanasan o mula sa mga magasing Kaibigan. Anyayahan ang iyong mga anak na magtakda ng isang mithiing magpakita ng integridad sa linggong ito at sabihin sa iyo kung ano ang nadarama nila kapag ginagawa nila iyon.

Doktrina at mga Tipan 124:28–29, 39

Inutusan ni Jesus ang Kanyang mga tao na magtayo ng mga templo.

  • Maaaring masiyahan ang iyong mga anak sa pagtingin sa mga larawan ng mga templo, pati na ng isang sinaunang templo at isang templong malapit sa lugar kung saan sila nakatira (tingnan sa ChurchofJesusChrist.org/temples/list). Maaari mong gamitin ang mga larawang ito at ang Doktrina at mga Tipan 124:39 para ipaliwanag na laging inuutusan ni Jesucristo ang Kanyang mga tao na magtayo ng mga templo—noong unang panahon at sa ating panahon (tingnan din sa pahina ng aktibidad sa linggong ito).

  • Kung malapit ang tirahan ninyo sa templo, isiping dalhin doon ang iyong mga anak at mapitagang maglakad-lakad sa bakuran ng templo. Anyayahan silang hanapin ang mga salitang “Kabanalan sa Panginoon—Ang Bahay ng Panginoon” sa labas ng templo. Pag-usapan ninyo ng iyong mga anak ang kahulugan ng mga salitang ito.

  • Isiping gamitin ang mga ideya sa “Pagpapabinyag at Pagpapakumpirma para sa mga Ninuno” sa apendise A para tulungan ang iyong mga anak na asamin ang araw na maaari na silang makapasok sa templo (tingnan din sa “Ang Templo at ang Plano ng Kaligayahan” sa apendise B).

Templo ni Salomon

Templo ni Salomon, ni Sam Lawlor

Doktrina at mga Tipan 124:91–92

Pagpapalain ako ng Panginoon sa pamamagitan ng patriarchal blessing.

  • Habang sama-sama ninyong binabasa ang Doktrina at mga Tipan 124:91–92, tulungan ang iyong mga anak na hanapin kung ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Hyrum Smith. Pag-usapan kung ano ang patriarchal blessing: isang espesyal na basbas kung saan nagtuturo sa atin ang Panginoon tungkol sa ating sarili at kung ano ang nais Niyang gawin at kahinatnan natin. Isiping gamitin ang bahaging “Pagtanggap ng Patriarchal Blessing” sa apendise A para tulungan ang iyong mga anak na maghandang tumanggap ng patriarchal blessing.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

ipinintang larawan ng Nauvoo Temple

Ang Nauvoo Temple, ni George D. Durrant

pahina ng aktibidad para sa mga bata