Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Ang Relief Society


“Mga Tinig ng Panunumbalik: Ang Relief Society,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Ang Relief Society,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

icon ng mga tinig ng pagpapanumbalik

Mga Tinig ng Pagpapanumbalik

Ang Relief Society

Noong 1842, matapos maorganisa ang Relief Society sa Nauvoo, Illinois, sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Nang maorganisa ang kababaihan noon lamang ganap na nabuo ang organisasyon ng Simbahan.” Gayundin, ang pag-aaral tungkol sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Panginoon at ng Kanyang priesthood ay hindi kumpleto hangga’t hindi kabilang dito ang pag-aaral ng tungkol sa Relief Society, na mismo ay “panunumbalik ng huwaran noong unang panahon” ng mga babaeng disipulo ni Jesucristo.

Si Eliza R. Snow ay may mahalagang ginampanan sa pagpapanumbalik na iyon. Naroon siya nang unang inorganisa ang Relief Society at, bilang kalihim ng samahan, ay nagtala ng mga kaganapan ng mga pulong nito. Nasaksihan niya mismo nang maorganisa ang Relief Society “ayon sa pagkakaayos ng priesthood.” Nasa ibaba ang kanyang mga salita, na isinulat noong naglilingkod pa siya bilang pangalawang General President ng Relief Society, upang matulungan ang kanyang mga kapatid na maunawaan ang banal na gawain na ipinagkatiwala sa mga pinagtipanang anak na babae ng Diyos.

Para malaman ang iba pa kung paano inorganisa ang Relief Society, tingnan sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2017), 1–25; The First Fifty Years of Relief Society (2016), 3–175.

Si Emma Smith na namumuno sa isang Relief Society meeting

Ipinintang larawan ng organisasyon ng Relief Society ni Paul Mann

Eliza R. Snow

“Bagama’t maaaring makabago ang pangalang [Relief Society], ang institusyon ay mula pa noong unang panahon. Sinabi sa atin ni [Joseph Smith], na mayroon ding ganitong organisasyon sa Simbahan noong unang panahon, kung saan may mga pahiwatig sa ilan sa mga sulat na nakatala sa Bagong Tipan, gamit ang katawagang, ‘hinirang na babae’ [tingnan sa 2 Juan 1:1; Doktrina at mga Tipan 25:3].

“Ito ay isang organisasyon na hindi maaaring umiral kung wala ang Priesthood, dahil sa katotohanan na ang lahat ng awtoridad at impluwensya nito ay dito nagmumula. Noong binawi ang Priesthood mula sa lupa, ang institusyong ito pati na rin ang bawat isa sa iba pang mga organisasyon ng tunay na orden ng simbahan ni Jesucristo sa lupa, ay naglaho. …

“Dahil naroon sa pagkakatatag ng ‘Female Relief Society of Nauvoo,’ … at dahil din sa malaking karanasan sa samahan na iyon, marahil makapagbibigay ako ng ilang payo na tutulong sa mga anak na babae ng Sion sa pagtupad sa posisyong ito na napakahalaga, na puno ng mga bago at malalaking responsibilidad. Kung mayroon mang mga anak na babae o mga ina sa Israel na nakadarama kahit paano na limitado ang nagagawa nila, ngayon ay magkakaroon sila ng sapat na pagkakataon na maipakita ang lakas at kakayahan nila sa paggawa ng kabutihan na saganang ipinagkaloob sa kanila. …

Red Brick Store sa Nauvoo, Illinois

Ang Relief Society ay inorganisa sa silid sa itaas ng Red Brick Store.

“Sakaling magkaroon ng anumang katanungan sa isipan, [kahit ano], Ano ang layunin ng Female Relief Society? Ang isasagot ko—upang gumawa ng kabutihan—upang magamit ang bawat kakayahang taglay natin sa paggawa ng kabutihan, hindi lamang sa pagbibigay-ginhawa sa mga maralita kundi sa pagliligtas ng mga kaluluwa. Ang sama-samang pagtutulungan ay makagagawa nang higit kaysa sa magagawa ng pinakamahusay na kakayahan ng indibiduwal. …

“Sa pangangasiwa sa mga maralita, ang Female Relief Society ay may iba pang mga tungkuling dapat gampanan bukod sa pagtulong sa mga pangangailangan ng katawan. Ang kadahupan sa kaalaman ng isipan at kapighatian ng puso, ay nangangailangan din ng pansin; at maraming beses na ang magiliw na pananalita—ilang payo, o maging ang magiliw at taos-pusong pakikipagkamay ay mas maraming kabutihang nagagawa at mas napahahalagahan kaysa sa isang supot ng ginto. …

“Kapag ang mga Banal ay nagtipon mula sa ibang bansa, na mga taga-ibang bayan sa lahat ng tao, at maaaring mailigaw ng mga taong nakaambang manlinlang, ang [Relief] Society ay dapat kaagad mangalaga sa [kanila], at ipakilala sa kanila ang samahan na magdadalisay at magdadakila, at higit sa lahat palalakasin sila sa kanilang pananampalataya sa Ebanghelyo, at sa paggawa niyon, ay maaaring maging kasangkapan sa pagliligtas ng marami.

“Mangangailangan ng maraming aklat upang matukoy ang mga tungkulin, pribilehiyo at responsibilidad na saklaw ng Society. … Gawin ito (sa ilalim ng pamamahala ng inyong bishop) nang mahinahon, nang kusa, nang buong sigla, nang sama-sama at may panalangin, at puputungan ng Diyos ng tagumpay ang inyong mga pagsisikap.”

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 528.

  2. Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2017), 7.

  3. Joseph Smith, sa Sarah M. Kimball, “Auto-biography,” Woman’s Exponent, Set. 1, 1883, 51.

  4. “Female Relief Society,” Deseret News, Abr. 22, 1868, 81.