“Nobyembre 10–16: ‘Nakita Ko ang Iyong mga Sakripisyo sa Pagsunod’: Doktrina at mga Tipan 129–132,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 129–132,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Nobyembre 10–16: “Nakita Ko ang Iyong mga Sakripisyo sa Pagsunod”
Doktrina at mga Tipan 129–132
Sa pamamagitan ni Joseph Smith, inilabas ng Panginoon ang ilan sa mga hiwaga mula sa kawalang-hanggan. Ang kadakilaan ng Diyos, ang kaluwalhatian ng langit, at ang lawak ng kawalang-hanggan ay maaaring tila halos pamilyar sa liwanag ng ipinanumbalik na ebanghelyo, maging sa mga limitadong isipang tulad ng sa atin. Ang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 129–32 ay isang magandang halimbawa. Ano nga ba ang hitsura ng Diyos? Siya ay “may katawang … nahihipo gaya ng sa tao.” Ano ang hitsura ng langit? “Yaon ding lipunan na umiiral sa atin dito ang iiral sa atin doon” (Doktrina at mga Tipan 130:22, 2). Sa katunayan, ang isa sa pinakamasasayang katotohanan tungkol sa langit ay na maaaring kabilang dito ang ating mahal na mga relasyon sa pamilya, kung ibinuklod ng wastong awtoridad. Sa mga katotohanang tulad nito madarama na di-gaanong malayo ang langit—maluwalhati subalit kayang abutin.
Subalit, kung minsa’y maaaring may ipagawa sa atin ang Diyos na tila hindi komportable at hindi kayang gawin. Para sa maraming sinaunang Banal, isa sa mga kautusang iyon ang pag-aasawa nang mahigit sa isa. Iyon ay isang matinding pagsubok sa pananampalataya para kay Joseph Smith, sa kanyang asawang si Emma, at sa halos lahat ng taong nakatanggap nito. Para malampasan ang pagsubok na ito, kinailangan nila hindi lamang ng magandang damdamin tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo; kinailangan nila ng pananampalataya sa Diyos na mas malalim pa kaysa roon. Ang utos ay hindi na umiiral ngayon, ngunit ang matapat na halimbawa ng mga taong sumunod doon ay nananatili pa rin ngayon. At ang halimbawang iyon ay humihikayat sa atin kapag tayo ay inutusang gumawa ng sarili nating “mga sakripisyo sa pagsunod” (Doktrina at mga Tipan 132:50).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Nais ng Diyos na dakilain ang Kanyang mga anak.
Maraming bagay tayong hindi nalalaman tungkol sa kadakilaan o sa buhay sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal—ang uri ng pamumuhay ng Diyos. Karamihan dito ay maaaring higit pa sa kasalukuyang kakayahan nating makaunawa. Ngunit inihayag na ng Diyos ang ilang mahalagang pahiwatig, at marami sa mga ito ang matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 130–32. Maaari mong basahin ito na nasasaisip ang mga tanong na tulad nito: Ano ang matututuhan ko tungkol sa Diyos? Ano ang matututuhan ko tungkol sa buhay pagkatapos ng buhay na ito? Paano pinagpapala ng impormasyong ito tungkol sa buhay na walang hanggan ang buhay ko ngayon?
Tingnan din sa “Our Hearts Rejoiced to Hear Him Speak,” sa Revelations in Context, 277–80.
Doktrina at mga Tipan 130:20–21; 132:5
Pinagpapala ng Diyos ang mga taong sumusunod sa Kanyang mga batas.
Paano mo sasabihin, sa sarili mong mga salita, ang itinuturo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21 at 132:5? Pagnilayan kung paano naipamalas ang alituntuning ito sa iyong buhay.
Kung minsan, kahit masunurin tayo sa Diyos, ang mga pagpapalang inaasam natin ay hindi dumarating kaagad. Paano mo mapapanatili ang iyong pananampalataya at pag-asa kapag nangyari ito? Maghanap ng mga kabatiran sa mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Ang Ating Kaugnayan sa Diyos” (Liahona, Mayo 2022, 78–80).
Tingnan din sa 1 Nephi 17:35; Doktrina at mga Tipan 82:10.
Doktrina at mga Tipan 132:13–21
Ginawang posible ng Ama sa Langit na maging walang hanggan ang mga pamilya.
Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ipinanumbalik ng Panginoon ang katotohanan na ang mga pagsasama ng mag-asawa at pamilya ay maaaring maging walang hanggan. Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 132:13–21, maghanap ng mga pariralang magpapaunawa sa iyo ng pagkakaiba sa pagitan ng mga bagay na “mananatili” na walang hanggan at ng mga bagay na hindi. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng isang pagsasama ng mag-asawa “sa pamamagitan ng Panginoon]”? (talata 14).
Sa kanyang mensaheng “Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas,” ikinumpara ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ang walang-hanggang mga pagsasama ng mag-asawa sa mga bagay na “puwedeng itapon” (Liahona, Mayo 2016, 77–78). Ano ang itinuturo sa iyo ng paghahambing na ito kung paano pangalagaan—o paghandaan—ang pagsasama ng mag-asawa? Pag-isipan ang mga relasyon ninyo sa pamilya—ngayon at sa hinaharap—habang binabasa mo ang mensahe ni Elder Uchtdorf. Ano ang nakikita mo roon na nagbibigay sa iyo ng pag-asa kay Cristo para sa mga relasyon ninyo sa pamilya?
Ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring ang payong ito na natanggap niya nang mag-alala siya tungkol sa sitwasyon ng kanyang pamilya: “[Mamuhay] ka lang nang karapat-dapat sa kahariang selestiyal, at ang mga pagsasaayos ng pamilya ay magiging mas maganda kaysa inaakala mo” (sa “Isang Tahanan Kung Saan Nananahan ang Espiritu ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2019, 25). Paano makakatulong sa iyo o sa isang kakilala mo ang payong ito?
Tingnan din sa “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan,” Mga Himno, blg. 188; Mga Paksa at mga Tanong, “Kasal,” Gospel Library.
Doktrina at mga Tipan 132:1–2, 29–40
Ang pag-aasawa nang mahigit sa isa ay katanggap-tanggap lamang sa Diyos kapag iniutos Niya ito.
Maraming taong nagbabasa ng Lumang Tipan ang nag-iisip tungkol kina Abraham, Jacob, Moises, at sa iba pa na nakasal sa maraming asawa. Nangalunya ba ang mga glingkod na ito ng Panginoon? Inaprubahan ba ng Diyos ang mga pag-aasawa nila? Gayon din ang mga tanong ni Joseph Smith. Hanapin ang mga sagot na ibinigay ng Diyos sa Doktrina at mga Tipan 132:1–2, 29–40.
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ang pamantayan ng Diyos ukol sa kasal (tingnan sa section heading ng Opisyal na Pahayag 1; Jacob 2:27, 30). Gayunman, may mga panahon na inutusan ng Diyos ang Kanyang mga anak na mag-asawa nang mahigit sa isa.
Ang mga unang taon ng ipinanumbalik na Simbahan ay isa sa mga panahon ng pagbubukod na iyon. Kung nais mong malaman ang iba pa tungkol sa maramihang pag-aasawa ng mga naunang Banal, tingnan sa “Mercy Thompson and the Revelation on Marriage” (sa Revelations in Context, 281–93); Mga Banal, 1:331–33, 494–97, 550–61, 573–76; Mga Paksa at mga Tanong, “Plural Marriage in The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints [Maramihang Pag-aasawa sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw],” Gospel Library; “Why Was It Necessary for Joseph Smith and Others to Practice Polygamy?” (video), ChurchofJesusChrist.org.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Doktrina at mga Tipan 130:2; 18–19; 132:13, 19
Nais ng Ama sa Langit na magtuon ako sa mga bagay na walang hanggan.
-
Ano ang itinuturo sa atin ng Doktrina at mga Tipan 132:13 tungkol sa mga bagay ng mundo? Maaari sigurong mag-empake kayo ng iyong mga anak sa isang maleta o backpack ng mga item na kumakatawan sa mga bagay na madadala natin, ayon sa Doktrina at mga Tipan 130:2, 18–19; 132:19, sa kabilang-buhay.
Doktrina at mga Tipan 130:20–21; 132:5, 21–23
Pinagpapala ako ng Diyos kapag sinusunod ko ang Kanyang mga batas.
-
Marahil ay maaaring ituro ng simpleng paghahambing sa iyong mga anak ang tungkol sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Halimbawa, maaari mong hilingin sa kanila na bigyan ka ng mga direksyon sa paglakad patungo sa isang lugar, tulad ng papunta sa isang paaralan o gusali ng Simbahan. Ano ang nangyayari kapag hindi natin sinusunod ang mga tagubilin? Pagkatapos ay maaari mong basahin ang Doktrina at mga Tipan 130:21 at ikumpara ang mga tagubiling ito sa mga utos na ibinigay sa atin ng Diyos.
-
Maaari din kayong kumanta ng isang awitin tungkol sa pagsunod, tulad ng “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 68–69), at maghanap ng mga salita sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21 at 132:5 na katulad ng mga nasa awitin. Paano tayo pinagpapala ng Diyos kapag nagsisikap tayong sundin ang Kanyang mga utos?
Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay mayroong imortal na pisikal na katawan.
-
Matapos basahin ang Doktrina at mga Tipan 130:22 nang sama-sama, maaari ninyong tingnan ng iyong mga anak ang isang larawan ni Jesucristo at ituro ang Kanyang mga mata, Kanyang bibig, at iba pang bahagi ng Kanyang katawan. Maaaring ituro ng iyong mga anak ang mga bahagi ring iyon sa sarili nilang katawan. Sabihin sa kanila kung bakit mahalaga para sa inyo na malaman na ang ating katawan ay katulad ng mga katawan ng Ama sa Langit at ni Jesus.
Ginawang posible ng Ama sa Langit na magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman.
-
Tulungan ang iyong mga anak na makakita ng mga halimbawa ng mga bagay na hindi nagtatagal—pagkaing napapanis, bulaklak na nalalanta, at iba pa. Pagkatapos ay sama-samang tingnan ang Doktrina at mga Tipan 132:19 at maghanap ng mahahalagang parirala tulad ng “walang hanggang tipan,” “ibinuklod,” “sa [buong] kawalang-hanggan,” at “magpakailanman at walang katapusan.” (Tingnan din sa “Kabanata 55: Isang Paghahayag tungkol sa Kasal,” sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 198, o sa kaukulang video sa Gospel Library.) Maaari din ninyong tingnan ang mga larawan ng inyong pamilya at patotohanan na ginawa nang posible ng Panginoon, sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan sa templo, na magtagal ang mga pamilya magpakailanman.