Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Binyag para sa Ating mga Ninuno, “Isang Maluwalhating Doktrina”


“Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Mga Binyag ng Ating mga Ninuno, ‘Isang Maluwalhating Doktrina,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Binyag para sa Ating mga Ninuno, ‘Isang Maluwalhating Doktrina,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

icon ng mga tinig ng pagpapanumbalik

Mga Tinig ng Pagpapanumbalik

Binyag para sa Ating mga Ninuno, “Isang Maluwalhating Doktrina”

sketch ng bautismuhan sa Nauvoo Temple

Ipinakikita ng sketch na ito ang bautismuhan ng Nauvoo Temple na nakapatong sa labindalawang baka.

Phebe at Wilford Woodruff

Portrait engraving of Orson Pratt

Nakatira si Phebe Woodruff malapit sa Nauvoo nang simulan ni Joseph Smith ang pagtuturo tungkol sa posibilidad na mabinyagan para sa mga nabuhay noon. Isinulat [niya] ang tungkol dito sa kanyang asawang si Wilford, na nasa misyon sa England:

“Natutuhan ni Brother Joseph … sa pamamagitan ng paghahayag na ang mga nasa simbahang ito ay maaaring binyagan para sa kanilang mga kamag-anak na namatay at hindi nagkaroon ng pribilehiyong marinig ang ebanghelyong ito, maging para sa kanilang mga anak, magulang, kapatid, mga lolo’t lola, mga tiyo at tiya. … Kaagad pagkatapos silang mabinyagan para sa kanilang mga kaibigan, sila ay palalabasin mula sa bilangguan at maaari silang angkinin sa pagkabuhay na mag-uli at dalhin sila sa kahariang selestiyal—ang doktrinang ito ay malugod na tinanggap ng simbahan at sila ay nagsisilapit nang maramihan, ang ilan ay bibinyagan nang hanggang 16 na beses … sa isang araw.”

Ganito ang sabi ni Wilford Woodruff kalaunan tungkol sa alituntuning ito: “Sa sandaling narinig ko ito, lumukso ang aking kaluluwa sa tuwa. … Lumapit ako at nabinyagan para sa lahat ng naiisip kong mga yumaong kamag-anak. … [Parang gusto kong magsabi ng alleluia] nang ilabas ang paghahayag sa amin tungkol sa binyag para sa mga patay. Nadama ko na may karapatan kaming magalak sa mga pagpapala ng Langit.”

Vilate Kimball

Portrait of Vilate Kimball.

Tulad ni Sister Woodruff, narinig ni Vilate Kimball ang tungkol sa binyag para sa mga patay habang ang kanyang asawang si Heber ay nasa malayo at nangangaral ng ebanghelyo. Sumulat siya sa kanya:

“Binuksan ni Pangulong Smith ang isang bago at napakagandang paksa … na naging sanhi ng muling pagkabuhay sa simbahan. … Tungkol iyon sa pagpapabinyag para sa mga patay. Binanggit ito ni Pablo sa unang Corinto ika-15 kabanata ika-29 na talata. Natanggap ni Joseph ang mas buong paliwanag tungkol dito sa pamamagitan ng Paghahayag. … Pribilehiyo ng simbahang ito na mabinyagan para sa lahat ng kanilang mga kamag-anak na pumanaw na bago pa [lumabas] ang Ebanghelyong ito; maging pabalik sa kanilang Lolo- at Lola-sa-tuhod. … Sa paggawa nito, tayo ang kumakatawan sa kanila; at binibigyan natin sila ng pribilehiyong bumangon sa unang pagkabuhay na mag-uli. Sinasabi niyang ang Ebanghelyo ay ipangangaral sa kanila … ngunit walang espiritu na binibinyagan. … Mula nang maipangaral ang orden na ito rito, patuloy nang naging abala ang ilog sa mga nagpapabinyag para sa mga patay. Sa kumperensya, kung minsan ay mula walo hanggang sampung Elder ang nagbibinyag sa ilog sa bawat pagkakataon. … Gusto kong mabinyagan para sa aking Ina. Nilayon kong maghintay hanggang sa iyong pag-uwi, ngunit sa huling pagkakataon na nagsalita si Joseph tungkol sa paksa, pinayuhan niya ang bawat isa na kumilos na, at palayain ang kanilang mga kaibigan mula sa pagkaalipin sa lalong madaling panahon. Kaya palagay ko ay susulong na ako sa linggong ito, dahil marami na ring mga kapitbahay ang gumagawa nito. May ilan nang nabinyagan nang maraming beses. … Kaya makikita mong may pag-asa para sa lahat. Hindi ba’t napakagandang doktrina nito?”

Phebe Chase

Picture of Phoebe Carter Woodruff, wife of Wilford Woodruff, circa 1840.

Nang matapos ang bautismuhan sa Nauvoo Temple, isinagawa na roon ang mga binyag para sa mga patay sa halip na sa ilog. Si Phebe Chase, na nanirahan sa Nauvoo, ay sumulat sa kanyang ina tungkol sa templo, inilalarawan ang bautismuhan bilang lugar kung saan “maaari tayong mabinyagan para sa ating mga yumao at maging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion.” Patuloy niyang ipinaliwanag na sa bautismuhang ito, “ako ay nabinyagan para sa aking mahal na Itay at sa lahat ng yumao kong mga kaibigan. … Ngayon, gusto kong alamin ninyo ang pangalan ng inyong Itay at Inay para mapalaya ko sila, sapagkat nais kong bigyan ng kapanatagan ang mga Patay. … Ang Panginoon ay muling nangusap at ipinanumbalik ang sinaunang orden.”

Sally Randall

Sa pagsulat niya sa kanyang mga kaibigan at pamilya tungkol sa binyag para sa mga kapamilyang pumanaw na, ginunita ni Sally Randall ang pagpanaw ng kanyang anak na si George:

“O, isang panahon ng pagsubok ito sa akin at tila hindi ko pa ito matanggap, ngunit … ang kanyang ama ay nabinyagan na para sa kanya at napakaganda na naniniwala kami at natanggap ang kabuuan ng ebanghelyo gaya ng ipinangangaral dito ngayon at maaari nang mabinyagan para sa lahat ng ating mga yumaong kaibigan at mailigtas silang lahat na masasaliksik natin.

“Nais kong isulat ninyo sa akin ang mga pangalan ng lahat ng ating mga kamag-anakan na nangamatay na hanggang sa mga lolo’t lola natin. Nais kong gawin kung ano ang magagawa ko para mailigtas ang mga kaibigan ko at labis akong matutuwa kung makakarating ang ilan sa inyo at tutulong sa akin dahil napakalaking gawain nito para gawing mag-isa ng isang tao. … Inaasahan kong iisipin ninyong kakaiba ang doktrinang ito ngunit malalaman ninyong totoo ito.”

Mga Tala

  1. Phebe Woodruff letter to Wilford Woodruff, Oct. 6, 1840, Church History Library, Salt Lake City; inayon sa pamantayan ang pagbabaybay at pagbabantas.

  2. Wilford Woodruff, “Remarks,” Deseret News, Mayo 27, 1857, 91; ginawang makabago ang pagbabantas.

  3. Liham ni Vilate Kimball kay Heber C. Kimball, Okt. 11, 1840, Church History Library, Salt Lake City; inayon sa pamantayan ang pagbabaybay at pagbabantas.

  4. Liham ni Phebe Chase, walang petsa, Church History Library, Salt Lake City; inayon sa pamantayan ang pagbabaybay at pagbabantas. Nang simulan ng mga banal na magsagawa ng mga binyag para sa mga patay, nabinyagan kung minsan ang mga indibiduwal para sa mga ninunong lalaki at babae. Kalaunan ay inihayag na ang kalalakihan ay dapat mabinyagan para sa kalalakihan at ang kababaihan para sa kababaihan.

  5. Liham ni Sally Randall, Abr. 21, 1844, Church History Library, Salt Lake City; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagbabantas.