“Nobyembre 3–9: ‘Isang Tinig ng Kagalakan para sa mga Buhay at sa mga Patay’: Doktrina at mga Tipan 125–128,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 125–128,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Nobyembre 3–9: “Isang Tinig ng Kagalakan para sa mga Buhay at sa mga Patay”
Doktrina at mga Tipan 125–128
Noong Agosto 1840, isang nagdadalamhating Jane Neyman ang nakinig kay Propetang Joseph na nagsalita sa burol ng kanyang kaibigan na si Seymour Brunson. Kamakailan lang din ay pumanaw ang binatilyong anak ni Jane na si Cyrus. Nakadagdag pa sa kanyang dalamhati ang katotohanan na si Cyrus ay hindi pa nabinyagan, at nag-alala si Jane kung ano ang kahulugan nito para sa kanyang walang-hanggang kaluluwa. Ganoon din ang naisip ni Joseph tungkol sa kanyang mahal na kapatid na si Alvin, na namatay rin bago nabinyagan. Kaya nagpasiya ang propeta na ibahagi sa lahat ng nasa libing ang naihayag sa kanya ng Panginoon tungkol sa mga taong pumanaw nang hindi natatanggap ang mga ordenansa ng ebanghelyo—at kung ano ang magagawa natin para matulungan sila.
Ang doktrina ng binyag para sa mga patay ay nagbigay-sigla sa mga Banal; nabaling kaagad ang kanilang isipan sa mga namayapang kapamilya. Ngayon, may pag-asa na para sa kanila! Nakiisa si Joseph sa kanilang kagalakan, at sa isang liham na nagtuturo ng doktrinang ito, gumamit siya ng masaya at masiglang pananalita upang ipahayag ang itinuro sa kanya ng Panginoon tungkol sa kaligtasan ng mga patay: “Pasigawin ang mga bundok sa kagalakan, at lahat kayong mga lambak ay sumigaw nang malakas; at lahat kayong mga dagat at tuyong lupain sabihin ang mga kamangha-mangha ng inyong Walang Hanggang Hari!” (Doktrina at mga Tipan 128:23).
Tingnan sa Mga Banal, 1:473–88; “Letters on Baptism for the Dead,” sa Revelations in Context, 272–76.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Nais ng Panginoon na kalingain ko ang aking pamilya.
Pagkauwi mula sa misyon sa England—isa sa maraming mission na pinaglingkuran niya—si Brigham Young ay nakatanggap ng isa pang mahalagang tungkulin mula sa Panginoon. Hinilingan siyang “bigyan ng natatanging kalinga ang [kanyang] mag-anak” (talata 3), na nagdusa noong wala siya. Habang pinag-aaralan mo ang bahaging ito, isipin kung bakit kung minsa’y humihiling ang Panginoon ng sakripisyo sa ating paglilingkod. Ano ang magagawa mo para maalagaan ang iyong pamilya?
Tingnan din sa “Take Special Care of Your Family,” sa Revelations in Context, 242–49.
Maaari akong umasa sa Panginoon sa mahihirap na panahon.
Dahil sa mga maling paratang at sa banta ng pag-aresto ay sapilitan na namang nagtago si Joseph Smith noong Agosto 1842. Gayon pa man, ang mga salitang isinulat niya sa mga Banal sa panahong ito (na ngayo’y ang Doktrina at mga Tipan 127) ay puno ng positibong pananaw at kagalakan. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talata 2–4 tungkol sa Diyos? tungkol sa pagharap sa pangungutya o oposisyon? Anong mga parirala mula sa mga talatang ito ang maaaring makatulong sa iyo kapag nadarama mong inuusig ka? Isiping itala kung paano ka itinataguyod ng Panginoon sa “malalim na tubig” ng iyong buhay.
Doktrina at mga Tipan 127:5–8; 128:1–8
“Ano man ang inyong itinala sa lupa ay maitatala sa langit.”
Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 127:5–8; 128:1–8, hanapin ang mga dahilan kaya binigyan ng Panginoon si Joseph Smith ng partikular na mga tagubilin tungkol sa pagtatala ng mga binyag para sa mga patay. Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Panginoon at sa Kanyang gawain? Sa iyong palagay, paano maiaangkop ang tagubiling ito sa sarili mong mga family record, tulad ng mga personal journal?
Doktrina at mga Tipan 128:5–25
Ang kaligtasan ng aking mga ninuno ay mahalaga sa aking kaligtasan.
Malinaw sa inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni Joseph Smith kung bakit kailangan tayo ng ating mga ninuno na hindi nabinyagan sa buhay na ito: binibinyagan tayo para sa kanila upang maaari nilang piliing tanggapin o tanggihan ang ordenansang ito. Ngunit itinuro din ng Propeta na ang kaligtasan ng ating mga ninuno ay “kailangan at mahalaga sa ating kaligtasan.” Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 128:15–18, isipin kung bakit iyon nagkagayon.
Itinuturo sa talata 5 na ang ordenansa ng binyag para sa mga patay ay “inihanda bago pa ang pagkakatatag ng daigdig.” Ano ang itinuturo sa iyo ng katotohanang ito tungkol sa Diyos at sa Kanyang plano? Ano ang idinaragdag ng mensahe ni Elder Dale G. Renlund na “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling” sa iyong pang-unawa? (Liahona, Mayo 2018, 46–49).
Ginamit ni Joseph Smith ang mga pariralang gaya ng “kapangyarihan ng pagbubuklod,” “pag-uugnay,” at “ganap na pagsasama” kapag nagtuturo tungkol sa mga ordenansa ng priesthood at binyag para sa mga patay. Hanapin ang mga ito at ang katulad na mga parirala habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 128:5–25. May maiisip ka bang mga bagay na magagamit mo para ilarawan ang mga pariralang ito, tulad ng isang kadena o lubid? Bakit inilalarawan ng mabubuting pariralang ito ang doktrinang ito?
Ang pagsasaalang-alang sa sumusunod na mga tanong ay maaari ding makatulong sa pag-aaral mo ng mga talatang ito:
-
Sa iyong opinyon, bakit maituturing na “pinakamaluwalhati sa lahat ng paksang nabibilang sa walang hanggang ebanghelyo” ang binyag para sa mga patay? (talata 17). Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na madama ito?
-
Sa paanong paraan maaaring isumpa ang lupa kung walang “pag-uugnay … sa pagitan ng mga ama at ng mga anak”? (talata 18).
-
Ano ang hinahangaan mo tungkol sa mga salita ni Joseph Smith sa mga talata 19–25? Paano naaapektuhan ng mga talatang ito ang nadarama mo tungkol kay Jesucristo? tungkol sa paglilingkod sa templo para sa iyong mga ninuno? (tingnan din sa “Come, Rejoice,” Hymns, blg. 9).
Matapos pag-aralan ang mga talatang ito, maaari kang magkainspirasyon na gawin ang isang bagay para sa iyong mga ninuno. Ang mga ideya sa FamilySearch.org ay maaaring makatulong.
Ang “Inspirational Videos” sa koleksyon ng Gospel Library na “Temple and Family History” ay maaaring magbigay sa iyo ng praktikal na tulong, nagbibigay-inspirasyong mga kuwento, at mga mensahe mula sa mga pinuno tungkol sa family history.
Tingnan din sa Kevin R. Duncan, “Isang Tinig ng Kagalakan!,” Liahona, Mayo 2023, 95–97.
“Kayluwalhati at Kayganda ng Kundisyon.”
Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Ang Pagbabayad-sala ni Jesus para sa lahat ay kumakatawan sa isang dakila at nakapagliligtas na sakripisyo. Nagpakita Siya ng huwaran kung saan kinatawan Niya ang buong sangkatauhan. Ang huwarang ito ng pagkatawan ng isang tao para sa iba ay isinasagawa sa mga ordenansa sa bahay ng Panginoon. Dito’y naglilingkod tayo alang-alang sa mga namatay na walang kaalaman sa ebanghelyo. Nasa kanila na kung tatanggapin nila o hindi ang isinagawang ordenansa. Pareho ang katayuan nila sa mga buhay dito sa lupa. Pareho ang oportunidad ng mga patay at mga buhay. Muli, kayluwalhati at kayganda ng kundisyong ginawa ng Maykapal sa pamamagitan ng paghahayag Niya sa Kanyang propeta” (“Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos,” Liahona, Mayo 2005, 82–83).
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Maaari akong tumulong na kalingain ang aking pamilya.
-
Para matulungan ang iyong mga anak na matutong paglingkuran ang kanilang mga kapamilya, isiping ibahagi ang impormasyon tungkol kay Brigham Young sa “Kabanata 50: Ang mga Banal sa Nauvoo” (sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 184, o ang kaukulang video sa Gospel Library) o ibuod ang Doktrina at mga Tipan 126 sa sarili mong mga salita. Maaari mong bigyang-diin ang pariralang “bigyan ng natatanging kalinga ang iyong mag-anak” (talata 3) at kausapin ang inyong mga anak tungkol sa kahulugan ng kalingain ang ating pamilya.
-
Maaaring masaya kung titingnan ninyo ng iyong mga anak ang mga retrato ng pamilya (o magdrowing ng mga larawan) habang nag-uusap kayo tungkol sa mga paraan na maaari tayong makatulong na “kalingain” ang mga kapamilya. Maaari din kayong kumanta ng isang awiting tulad ng “Tahana’y Isang Langit” (Mga Himno, blg. 186).
Doktrina at mga Tipan 128:5, 12
Kailangan ng lahat ng anak ng Diyos ang pagkakataon na mabinyagan.
-
Anyayahan ang iyong mga anak na alamin mula sa Doktrina at mga Tipan 128:1 kung anong paksa ang nasa isipan noon ni Joseph Smith. Maaari din nilang saliksikin ang talata 17 para malaman kung anong paksa ang itinuring niyang “pinakamaluwalhati.” Hayaang ibahagi nila ang matuklasan nila at pag-usapan kung bakit kapana-panabik ang paksang ito.
-
Bukod pa sa pagtulong sa iyong mga anak na maghanda para sa (at ipamuhay ang) sarili nilang mga tipan sa binyag, maaari mo silang tulungang malaman kung paano tulungan ang mga taong hindi gumawa ng mga tipang ito noong nabubuhay pa sila. Maaari kang magkuwento sa iyong mga anak tungkol sa isang taong kilala mo na namatay nang hindi nabibinyagan. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 128:5 at tingnan ang larawan ng isang bautismuhan sa templo (tulad ng nasa dulo ng outline na ito). Sabihin sa iyong mga anak kung ano ang nadarama mo tungkol sa pagpapabinyag sa mga templo para sa mga taong patay na upang magkaroon ng pagkakataon ang lahat na makipagtipan sa Ama sa Langit.
Nais ng Ama sa Langit na matutuhan ko ang tungkol sa aking family history.
-
Maaaring masaya para sa iyo at sa iyong mga anak na gumawa ng kadenang papel na may mga pangalan ng mga magulang, lolo’t lola, lolo- at lola-sa-tuhod, at iba pa (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Pagkatapos ay maaari ninyong ibahagi sa isa’t isa ang nalalaman ninyo tungkol sa mga ninunong ito. Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 128:18 para malaman kung ano ang ibig sabihin ng “pag-uugnay” na dahilan para maging “buo at husto” ang family history. Maaari din ninyong panoorin ang video na “Courage: I Think I Get It from Him” (Gospel Library).
-
Ang mga karagdagang aktibidad para tulungan ang iyong mga anak na makilahok sa family history ay matatagpuan sa “Ang Templo at ang Plano ng Kaligayahan” sa apendise B o sa FamilySearch.org.