Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Nobyembre 17–23: “Maghanda Kayo para sa Pagparito ng Lalaking Kasintahan”: Doktrina at mga Tipan 133–134


Nobyembre 17–23: ‘Maghanda Kayo para sa Pagparito ng Lalaking Kasintahan’: Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 133–134,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

ipinintang larawan ng sampung birhen

Sampung Birhen, ni Jorge Cocco

Nobyembre 17–23: “Maghanda Kayo para sa Pagparito ng Lalaking Kasintahan”

Doktrina at mga Tipan 133–134

Noong 1833, nilusob at nilipol ng mga mandurumog ang palimbagan ng Simbahan. Kasama sa mga inililimbag noong panahong iyon ang Aklat ng mga Kautusan—ang unang pagtatangka ng Simbahan na tipunin ang mga paghahayag ng Diyos sa mga huling araw sa isang aklat. Ikinalat ng mga mandurumog ang magkakahiwalay na pahina, at bagama’t naipreserba ng matatapang na Banal ang ilan sa mga iyon, iilang hindi kumpletong kopya lang ng Aklat ng mga Kautusan ang alam nilang nailigtas.

Ang kilala natin ngayong bahagi 133 ng Doktrina at mga Tipan ay nilayong maging apendise sa Aklat ng mga Kautusan, tulad ng isang tandang pandamdam sa dulo ng mga inilathalang paghahayag ng Panginoon. Nagbababala ito tungkol sa darating na araw ng paghuhukom at inuulit ang panawagang matatagpuan sa buong makabagong paghahayag: Takasan ang kamunduhan, na isinasagisag ng Babilonia. Itayo ang Sion. Maghanda para sa Ikalawang Pagparito. At ipalaganap ang mensaheng ito “sa lahat ng bansa, at lahi, at wika, at tao” (talata 37). Ang orihinal na mga plano para sa Aklat ng mga Kautusan ay hindi natupad, ngunit ang paghahayag na ito ay isang paalala at isang saksi na susulong ang gawain ng Panginoon, “sapagkat kanyang ipakikita ang kanyang banal na bisig … , at ang lahat ng nasa dulo ng mundo ay makikita ang pagliligtas ng kanilang Diyos” (talata 3).

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 133:4–14

Nananawagan sa akin si Jesucristo na tanggihan ang Babilonia at magtungo sa Sion.

Ang espirituwal na kabaligtaran ng Sion ay Babilonia—isang sinaunang lungsod na sa buong banal na kasulatan ay sumasagisag sa kasamaan at espirituwal na pagkaalipin. Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 133:4–14, pagnilayan kung paano nananawagan sa iyo ang Tagapagligtas na “lumabas … [mula] sa Babilonia” (talata 5) at “magtungo … sa … Sion” (talata 9). Paano ka tumutugon sa Kanyang panawagan? Ano pa ang matututuhan mo tungkol sa Sion mula sa mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Sa Sion ay Magsitungo”? (Liahona, Nob. 2008, 37–40).

Doktrina at mga Tipan 133:1–19, 37–39

icon ng seminary
Maaari akong maghanda ngayon para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Ang bahagi 1, ang paunang salita ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan, at ang bahagi 133, ang orihinal na apendise sa Aklat ng mga Kautusan, ay parehong nagsisimula sa iisang pagsamo mula sa Panginoon: “Makinig, O kayong mga tao ng aking simbahan” (Doktrina at mga Tipan 1:1; 133:1). Marahil ay maaari mong pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 133:1–19, 37–39 at ilista ang mga mensahe na inaanyayahan ka ng Panginoon na “makinig” (makinig at sumunod) habang naghahanda ka para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Partikular na, maaari mong ilista ang mga bagay na nais Niyang gawin mo para (1) ihanda ang iyong sarili at (2) tumulong na ihanda ang mundo para sa Kanyang pagbabalik. Ano ang matututuhan mo mula sa mga listahang ito?

Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang mahahalagang katotohanan tungkol sa mangyayari sa mundo kapag nagbalik ang Tagapagligtas—at kung paano maghanda. Hanapin ang mga katotohanang ito sa kanyang mensaheng, “Ang Kinabukasan ng Simbahan: Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas,” (Liahona, Abr. 2020, 6–11). Ano ang nahihikayat kang gawin—o patuloy na gawin—para “ihanda ang sanlibutan para sa pagbabalik ng Tagapagligtas”? (“Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood,” Gospel Library).

Tingnan din sa Mateo 25:1–13; Russell M. Nelson, “Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2020, 73–76; “O mga Anak ng Diyos,” Mga Himno, blg. 30; Mga Paksa at mga Tanong, “Ikalawang Pagparito ni Jesucristo,” Gospel Library.

Doktrina at mga Tipan 133:19–56

Ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ay magiging masaya para sa mabubuti.

Habang binabasa mo ang paglalarawan sa pagbabalik ng Tagapagligtas sa mga talata 19–56, ano ang nakikita mo na inaasam mo? Anong mga salita o parirala ang naglalarawan sa pagmamahal ng Panginoon sa Kanyang mga tao? Isiping isulat ang iyong personal na mga karanasan sa “mapagkandiling pagmamahal ng [iyong] Panginoon, at lahat ng kanyang ipinagkaloob sa [iyo] alinsunod sa kanyang kabutihan” (talata 52).

si Jesus na nagpapakita ng kabaitan sa isang babae

Detalye mula sa Manggagamot, nina Kelsy at Jesse Lightweave

Doktrina at mga Tipan 134

“Ang mga pamahalaan ay itinatag ng Diyos para sa kapakinabangan ng tao.”

Ang pakikipag-ugnayan noon ng mga naunang Banal sa pamahalaan ay kumplikado. Nang sapilitang paalisin ang mga Banal sa Jackson County, Missouri, noong 1833, humingi sila ng tulong mula sa lokal at pambansang pamahalaan at wala silang natanggap na tulong. Kasabay nito, ipinalagay ng ilang taong hindi miyembro ng Simbahan na ang mga turo tungkol sa Sion ay nangangahulugan ng pagtanggi ng mga Banal sa awtoridad ng mga pamahalaan sa lupa Ang Doktrina at mga Tipan 134 ay isinulat, nang kaunti, para linawin ang posisyon ng Simbahan ukol sa pamahalaan. Ano ang ipinahihiwatig ng bahaging ito kung ano ang dapat madama ng mga Banal ng Panginoon tungkol sa pamahalaan?

Habang pinag-aaralan mo ang bahagi 134, isiping hanapin ang mga alituntunin ng pamahalaan at ang mga responsibilidad ng mga mamamayan. Paano kaya maaaring nakatulong ang mga ideyang ito sa mga naunang Banal? Paano naaangkop ang mga ito sa lugar kung saan ka nakatira?

Tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:11–12; Mga Paksa at mga Tanong, “Kalayaang Panrelihiyon,” Gospel Library.

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 03 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 133:4–5, 14

Nais ng Panginoon na lumayo ako mula sa kasamaan sa mundo.

  • Kayo ng iyong mga anak ay maaaring maglista ng ilang lugar at sitwasyon na nais ng Panginoon na layuan natin. Pagkatapos ay maaari mong ikumpara ang mga lugar at sitwasyong iyon sa kahulugan ng “Babel, Babilonia” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Gospel Library). Pagkatapos ay maaari nilang basahin ang Doktrina at mga Tipan 133:4–5, 14. Ano ang ibig sabihin ng “lumabas … [mula] sa Babilonia”? (talata 5). Maaari ka ring gumawa ng katulad na listahan ng mga lugar at sitwasyon na nais ng Panginoon na kalagyan natin at ikumpara ang listahang iyon sa kahulugan ng “Sion” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Doktrina at mga Tipan 133:19–21, 25

Si Jesucristo ay muling paparito.

  • Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na isadula kung ano ang pakiramdam ng maghanda para sa isang bagay, tulad ng isang sports tournament, isang mahalagang bisita, o isang paboritong holiday. Bakit mahalaga ang paghahanda? Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 133:17–19, 21 at anyayahan ang iyong mga anak na hanapin kung ano ang hinihikayat ng Panginoon na paghandaan natin. Maaari mong ipakita sa kanila ang larawan mula sa outline para sa linggong ito at itanong sa iyong mga anak kung ano ang alam nila tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ano pa ang matututuhan natin mula sa mga talata 19–25, 46–52? Ano ang magagawa natin upang makapaghanda para sa masayang kaganapang ito?

  • Maaari kang magtago ng ilang larawan o bagay na nagpapakita ng mga bagay na magagawa natin para makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo (tulad ng basahin ang mga banal na kasulatan, ibahagi ang ebanghelyo, o paglingkuran ang ating pamilya). Hayaang hanapin ng iyong mga anak ang mga larawan o bagay at pag-usapan kung paano nakakatulong ang mga bagay na ito para makapaghanda tayong salubungin ang Tagapagligtas kapag bumalik Siya.

  • Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa Ikalawang Pagparito, tulad ng “Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47). Ibahagi sa isa’t isa ang inyong pagmamahal para sa Tagapagligtas at ang damdamin ninyo tungkol sa Kanyang pagbabalik.

Doktrina at mga Tipan 133:52–53

Si Cristo ay mapagmahal at mabait.

  • Maaari ninyong tingnan ng iyong mga anak ang mga larawang nagpapakita na si Jesus ay mapagmahal at mabait. (Halimbawa, tingnan ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 4247.) Ano pa ang nagawa ni Jesus para ipakita ang Kanyang pagmamahal at kabaitan? Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 133:52, at tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga paraan na maaari nilang “banggitin ang mapagkandiling pagmamahal ng kanilang Panginoon” sa iba.

    Christ Healing the Sick at Bethesda
si Jesus at isang bata

Detalye mula sa In His Light [Sa Kanyang Liwanag], ni Greg Olsen

Magturo ng malinaw at simpleng doktrina. Itinuturo ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo sa “kalinawan” at “kapayakan” (Doktrina at mga Tipan 133:57). Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng mga salitang ito tungkol sa pagtuturo ng ebanghelyo sa inyong pamilya o klase?

Doktrina at mga Tipan 134: 1–2

Nais ng Panginoon na sundin ko ang batas.

  • Maaaring ilista ng iyong mga anak ang mga tuntunin o batas na sinusunod nila. Ano kaya ang kahihinatnan ng buhay kung walang sumusunod sa mga batas na ito? Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ng mga bata ang Doktrina at mga Tipan 134:1–2, na tinutulungan silang maunawaan ang anumang mga salita o parirala na maaaring hindi nila nauunawaan. Bakit nais ng Panginoon na sundin natin ang batas? (tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:12).

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Jesus na nakasuot ng pulang bata

Christ in a Red Robe [Si Cristo na Nakapulang Bata], ni Minerva Teichert

pahina ng aktibidad para sa mga bata