“Oktubre 13–19: ‘Ang Kanyang Hain ay Mas Banal sa Akin Kaysa sa Kanyang Yaman’: Doktrina at mga Tipan 115–120,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 115–120,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Oktubre 13–19: “Ang Kanyang Hain ay Mas Banal sa Akin Kaysa sa Kanyang Yaman”
Doktrina at mga Tipan 115–120
May dahilan para maging maganda ang pananaw ng mga Banal tungkol sa kanilang pinakabagong lugar ng pagtitipon, ang Far West, Missouri. Mabilis na lumalago noon ang lungsod, ang lupain ay tila sagana, at nasa malapit ang Adan-ondi-Ahman, isang lugar na malaki ang espirituwal na kahalagahan noon at sa hinaharap (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:53–56; 116). Gayunpaman, mahirap siguro para sa mga Banal na hindi isipin ang nawala sa kanila. Bukod pa sa pinalayas sila mula sa Independence, ang sentrong lugar ng Sion, kinailangan din ng mga Banal na tumakas ng Kirtland, at lisanin ang kanilang pinakamamahal na templo pagkaraan lamang ng dalawang taon. At sa pagkakataong ito hindi lamang mga kaaway sa labas ng Simbahan ang nanggugulo—maraming kilalang miyembrong kumalaban kay Joseph Smith, kabilang na ang apat na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Sa halip na magtuon sa nawala sa kanila, patuloy lamang na itinayo ng matatapat ang Sion, sa pagkakataong ito sa Far West. Gumawa sila ng plano para sa isang bagong templo. Apat na bagong Apostol ang tinawag. Naunawaan ng mga Banal na ang paggawa ng gawain ng Diyos ay hindi nangangahulugan na hindi ka kailanman mabibigo; nangangahulugan ito na ikaw ay “babangong muli.” At kahit kailangan mong gumawa ng mga sakripisyo, ang mga sakripisyong iyon ay sagrado sa Diyos, naging “mas banal [pa] … kaysa sa [inyong] yaman” (Doktrina at mga Tipan 117:13).
Tingnan sa Mga Banal, 1:336–41.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Ang pangalan ng Simbahan ay mahalaga sa Panginoon.
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na ang pangalan ng Simbahan ay isang “napakahalagang bagay” (“Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2018, 87). Isipin kung bakit totoo ito habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 115:4–6. Ano ang kinalaman ng pangalan ng Simbahan sa gawain at misyon nito?
Tingnan din sa 3 Nephi 27:1–11.
Nag-aalok ang Sion at ang kanyang mga istaka ng “kanlungan mula sa bagyo.”
Habang pinag-aaralan mo ang makapangyarihang paglalarawan sa Doktrina at mga Tipan 115:5–6, isipin ang tungkuling nais ng Panginoon na isakatuparan mo bilang miyembro ng Kanyang Simbahan. Halimbawa, ano ang magagawa mo para “bumangon at magliwanag” o “maging isang sagisag sa mga bansa”? (talata 5). Anong mga espirituwal na bagyo ang napapansin mo sa iyong paligid? Paano ka makakahanap ng “kanlungan” sa pamamagitan ng pagtitipon? (talata 6).
Tingnan din sa “Brightly Beams Our Father’s Mercy,” Hymns, blg. 335.
Ang aking mga sakripisyo ay banal sa Panginoon.
Kunwari ay ikaw si Newel K. Whitney o ang kanyang asawang si Elizabeth na nakararanas ng maunlad na buhay sa Kirtland at pagkatapos ay pinaalis. Ano ang nakikita mo sa Doktrina at mga Tipan 117:1–11 na maaaring nakatulong sa kanila na gawin ang sakripisyong ito? Anong mga sakripisyo ang ginagawa mo para sa Diyos? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito kung sino ang Diyos at kung ano ang ginagawa Niya?
Iba ang sakripisyong hiniling kay Oliver Granger kaysa sa mga Whitney: inatasan siya ng Panginoon na manatili sa Kirtland at ayusin ang pananalapi ng Simbahan. Kahit kinatawan niya ang Simbahan nang may integridad, hindi siya gaanong nagtagumpay sa huli. Isipin kung paano naaangkop ang mga salita ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 117:12–15 sa mga bagay na hiniling Niya sa iyo.
Tingnan din sa “Far West and Adan-ondi-Ahman,” sa Revelations in Context, 239–40.
Ang aking ikapu ay tumutulong na maitayo ang kaharian ng Diyos.
Nililinaw ng mga tagubilin sa mga bahagi 119 at 120 kung ano ang ikapu: nag-aambag tayo ng “ikasampung bahagi” ng ating interes (o kita) taun-taon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 119:4). Ngunit ang mga paghahayag na ito ay higit pa sa pagbibigay ng kahulugan. Sinabi ng Panginoon sa mga Banal na ang ikapu ay “[ga]gawing banal ang lupain ng Sion.” At kung wala ang batas na ito, sinabi Niya, “ito ay hindi ito magiging … Sion sa inyo” (talata 6). Naisip mo na ba ang ikapu sa ganitong paraan? Paano maaaring makatulong ang pagbabayad ng ikapu para ikaw ay mas mapabanal, mas handa para sa Sion?
Ano ang matututuhan mo mula sa mga paghahayag na ito kung paano ginagamit ng mga lingkod ng Panginoon ang pondo ng ikapu? Ano ang mahalaga sa iyo tungkol sa pariralang “ng sarili kong tinig sa kanila” sa Doktrina at mga Tipan 120?
Nagbigay si Elder David A. Bednar ng makakatulong na paglalarawan kung paano ginagamit ang ikapu at ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa batas na ito sa “Mga Dungawan sa Langit” (Liahona, Nob. 2013, 19–20). Ang sumusunod na mga tanong ay maaaring makatulong sa iyo habang pinag-aaralan mo ang kanyang mensahe:
-
Sino ang nagpapasiya kung paano ginagamit ang ikapu matapos itong ibayad sa Simbahan?
-
Saan ginagamit ang ikapu?
-
Anong mga pagpapala ang dumarating dahil sa pagbabayad ng ikapu? Halimbawa, sa paanong mga paraan pinatitibay ng pagbabayad ng ikapu ang iyong relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Ano ang maaari mong matutuhan sa paanyaya ni Elder Bednar?
-
Paano mo maaaring tulungan ang iba na maragdagan ang kanilang pananampalataya sa batas ng ikapu ng Panginoon?
Tingnan din sa Malakias 3:8–12; “The Tithing of My People,” sa Revelations in Context, 250–55.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Ako ay kabilang sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
-
Para matulungan ang iyong mga anak na matutuhan ang pangalan ng Simbahan at maunawaan kung bakit ito mahalaga, isiping itanong kung may sinuman sa kanila na maaaring magsabi ng buong pangalan ng Simbahan. Pagkatapos ay maaari mong ipakita sa kanila ang pangalan mula sa Doktrina at mga Tipan 115:4 at ipaulit ito sa kanila na kasama mo. Habang ginagawa mo ito, isiping ituro ang mahahalagang salita at kung bakit mahalaga ang mga ito. Maaari mo ring rebyuhin ang “Kabanata 43: Pinangalanan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan” (sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 164, o ang kaukulang video sa Gospel Library) o kantahin ang “Ang Simbahan ni Jesucristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 48).
Ang aking halimbawa ay maaaring makatulong sa iba na lumapit kay Cristo at makasumpong ng kaligtasan.
-
Maaaring may kilalang mga tao ang iyong mga anak na nahihirapan at nangangailangan ng “kanlungan” mula sa “mga bagyo [sa buhay]” (talata 6). Paano nila maaaring tulungan ang mga taong ito? Isiping anyayahan ang iyong mga anak na tumayo kapag binasa mo ang salitang bumangon sa Doktrina at mga Tipan 115:5. Maaari nilang iunat ang kanilang mga daliri na parang mga sinag ng araw kapag binasa mo ang magliwanag. Ipaalala sa iyong mga anak na ang ating liwanag ay nagmumula kay Jesucristo, at tulungan silang mag-isip ng mga paraan na maaari silang “magliwanag” na tulad Niya.
-
Maaaring magdrowing ang iyong mga anak na naglalarawan sa Doktrina at mga Tipan 115:6. Halimbawa, maaari silang magdrowing ng isang bagyo na may mga taong kumakanlong sa isang gusali ng Simbahan. Ano kaya ang kinakatawan ng bagyo? Paano nagbibigay ng tulong ang Simbahan ng Tagapagligtas? Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng isang kaibigan, kapamilya, o kapitbahay na nangangailangan. Paano natin sila maaaring anyayahang humanap ng tulong sa Simbahan ni Jesucristo?
Ang aking mga sakripisyo ay banal sa Panginoon.
-
Anyayahan ang iyong mga anak na magkunwari na sila si Newel K. Whitney. Ano ang madarama nila kung inutusan sila ng Panginoon na iwanan ang kanilang magandang trabaho at lumipat sa isang bagong lugar? (Maaaring makatulong na rebyuhin ang “Kabanata 41: Kaguluhan sa Kirtland,” sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 158–60, o ang kaukulang video sa Gospel Library.) Habang sama-sama ninyong binabasa ang Doktrina at mga Tipan 117:1–11, sabihin sa iyong mga anak na patigilin ka kapag narinig nila ang isang bagay na makakatulong sa kanila na magkaroon ng pananampalatayang sundin ang Panginoon. Anong mga sakripisyo ang ginagawa natin para masunod ang Panginoon? Paano Niya tayo pinagpapala?
Ginagamit ng Ama sa Langit ang ikapu para pagpalain ang Kanyang mga anak.
-
Maaaring marami sa mga batang tinuturuan mo ay napakabata pa para kumita ng pera at magbayad ng ikapu, ngunit makakabuting maunawaan nila kung paano nag-aambag ang ikapu sa gawain ng Panginoon sa buong mundo. Isiping gamitin ang mga larawan at ang pahina ng aktibidad sa dulo ng outline na ito para maipaunawa sa kanila kung ano ang ikapu. (Tingnan din ang “Kabanata 44: Ikapu,” sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 165–66, o ang kaukulang video sa Gospel Library.) Paano ginagamit ng Ama sa Langit ang ikapu para pagpalain ang Kanyang mga anak? Ibahagi ang iyong nadarama tungkol sa batas ng ikapu at kung paano ka nito napagpala.