Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enero 28–Pebrero 3. Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3: ‘Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon’


“Enero 28–Pebrero 3. Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3: ‘Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Enero 28–Pebrero 3. Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus

Stained-glass window sa Nauvoo Illinois Temple, ni Tom Holdman

Enero 28–Pebrero 3

Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3

“Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon”

Magsimula sa pagbasa ng Mateo 3; Marcos 1; at Lucas 3. Habang ipinagdarasal mo na tulungan ka ng Espiritu Santo na maunawaan ang mga kabanatang ito, bibigyan ka Niya ng mga ideya na para lamang sa iyo. Itala ang mga impresyong ito, at magplanong kumilos ayon sa mga ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Maaari kang baguhin ni Jesus at ng Kanyang ebanghelyo. Binanggit ni Lucas ang isang sinaunang propesiya ni Isaias na naglarawan sa misyon ni Juan Bautista at sa magiging epekto ng pagparito ng Tagapagligtas: “Lahat ng libis ay tatambakan, at pabababain ang bawa’t bundok at burol; at ang liko ay matutuwid, at ang mga daang bakobako ay mangapapatag” (Lucas 3:5; tingnan din sa Isaias 40:4). Ito ay isang mensahe para sa ating lahat, pati na sa mga taong nag-iisip na hindi sila maaaring magbago o hindi nila kailangang magbago. Kung maaaring patagin ang isang bagay na kasing-permanente ng bundok, tiyak na matutulungan tayo ng Panginoon na ituwid ang sarili nating mga baluktot na landas (tingnan sa Lucas 3:4–5). Kapag tinanggap natin ang paanyaya ni Juan Bautista na magsisi at magbago, inihahanda natin ang ating puso’t isipan na tanggapin si Jesucristo upang atin ding “makita ang pagliligtas ng Diyos” (Lucas 3:6).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Ang Evangelio Ayon kay Marcos

Sino si Marcos?

Sa mga may-akda ng mga Evangelio, pinakakaunti ang alam natin tungkol kay Marcos. Alam natin na siya ay naging missionary companion nina Pablo, Pedro, at ng ilan pang mga missionary. Maraming iskolar ng Biblia ang naniniwala na inutusan ni Pedro si Marcos na itala ang mga pangyayari sa buhay ng Tagapagligtas. Ang Evangelio ni Marcos ay malamang na isinulat bago ang tatlong iba pa.

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Marcos.”)

Mateo 3:1–12; Marcos 1:1–8; Lucas 3:2–18

Ang pagsisisi ay isang malaking pagbabago ng puso’t isipan.

Ang misyon ni Juan Bautista ay ang ihanda ang mga puso ng mga tao na tanggapin ang Tagapagligtas at maging higit na katulad Niya. Paano niya ginawa iyon? Ipinahayag niya, “Mangagsisi kayo” (Mateo 3:2). Ginamit niya ang mga larawang tulad ng prutas at trigo para bigyang-diin ang kahalagahan ng pagsisisi upang matanggap si Cristo (tingnan sa Lucas 3:9, 17).

Ano ang iba pang mga larawan o imaheng nakikita mo sa mga ulat ng ministeryo ni Juan Bautista? Isiping markahan ang mga ito sa iyong mga banal na kasulatan o magdrowing ng mga larawan ng mga ito sa isang study journal. Ano ang itinuturo ng mga larawang ito tungkol sa doktrina at kahalagahan ng pagsisisi?

Ang tunay na pagsisisi ay “pagbabago ng isipan, isang panibagong pananaw tungkol sa Diyos, tungkol sa sarili, at sa mundo. … [Nangangahulugan ito ng] pagbaling ng puso at kalooban sa Diyos” (Bible Dictionary, “Repentance”). Sa Lucas 3:7–14, anong mga pagbabago ang ipinagagawa ni Juan sa mga tao upang maghanda sa pagtanggap kay Cristo? Paano aangkop sa iyo ang payo na ito? Paano mo maipapakita na tunay kang nagsisi? (tingnan sa Lucas 3:8).

Tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 3:4–11 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan); Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Juan Bautista”; D. Todd Christofferson, “Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 38–41.

Mateo 3:7; Lucas 3:7

Sino ang mga Fariseo at Saduceo?

Ang mga Fariseo ay miyembro ng isang pangkat ng relihiyon ng mga Judio na nagmamalaki dahil sa kanilang mahigpit na pagsunod sa batas ni Moises. Mahilig sila na gawin ang relihiyon na pagsunod lamang sa maraming nakaugaliang seremonya. Ang mga Saduceo ay mayayamang Judio na may malaking impluwensya sa relihiyon at pulitika. Hindi sila naniwala sa doktrina ng pagkabuhay na mag-uli. Ang dalawang grupo ay kapwa lumihis sa orihinal na layunin ng mga batas ng Diyos, at marami sa kanilang mga miyembro ang ayaw tanggapin ang mensahe ng propeta ng Diyos na si Juan Bautista.

Tingnan din sa Mateo 23:27; Juan 1:19–24; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Fariseo, mga” at “Saduceo, mga.”

Mateo 3:13–17; Marcos 1:9–11; Lucas 3:15–16, 21–22

Si Jesucristo ay bininyagan upang “ganapin ang lahat ng katuwiran.”

Noong bininyagan ka, sinunod mo ang halimbawa ng Tagapagligtas. Ihambing ang natutuhan mo mula sa mga tala ng binyag ng Tagapagligtas sa nangyari sa panahon ng iyong binyag.

Sino ang nagbinyag kay Jesus, at ano ang karapatang hawak niya?

Sino ang nagbinyag sa iyo, at anong awtoridad ang hawak niya?

Saan bininyagan si Jesus?

Saan ka bininyagan?

Paano bininyagan si Jesus?

Paano ka bininyagan?

Bakit bininyagan si Jesus?

Bakit ka bininyagan?

Paano ipinakita ng Ama sa Langit na Siya ay nasiyahan kay Jesus?

Paano ipinakita ng Ama sa Langit na Siya ay nalugod noong ikaw ay bininyagan? Paano Niya ipinakita ang Kanyang pagsang-ayon mula noon?

Itinala ni Nephi ang ilang mahahalagang turo tungkol sa binyag ng Tagapagligtas. Ano ang itinuturo sa iyo ng kanyang mga salita sa 2 Nephi 31? Isiping itala sa journal ang karanasan mo sa binyag.

Tingnan din sa Juan 1:32–33; Mosias 18:8–11; Doktrina at mga Tipan 13:1; 20:37, 68–74.

Mateo 3:16–17; Marcos 1:9–11; Lucas 3:21–22

Itinuturo ba ng Biblia na ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos ay tatlong magkakahiwalay na katauhan?

Ang Biblia ay naglalaman ng maraming katibayan na ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos ay tatlong magkakahiwalay na katauhan. Halimbawa, ang salaysay tungkol sa binyag ng Tagapagligtas ay sumusuporta sa doktrina na ang Diyos Ama, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay tatlong magkakahiwalay na katauhan. Ang Diyos Ama ay nagsalita mula sa langit, at ang Espiritu Santo (kinatawan ng isang kalapati) ay bumaba sa Tagapagligtas habang Siya ay binibinyagan. Narito ang ilan pang mga talata na nagtuturo ng mga katotohanan ding ito: Genesis 1:26–27; Mateo 17:1–5; Juan 17:20–23; Mga Gawa 7:55–56; at Doktrina at mga Tipan 130:22.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mateo 3

Hawak noon ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood. Ano ang matututuhan natin tungkol sa Aaronic Priesthood sa pag-aaral natin tungkol sa kanya? Paano makakatulong ang halimbawa ni Juan sa pagtupad ng mga mayhawak ng Aaronic Priesthood sa kanilang mga tungkulin? (Tingnan din sa DT 13:1; 20:46–60.)

Mateo 3:11–17; Marcos 1:9–11; Lucas 3:21–22

Para turuan ang mga miyembro ng pamilya tungkol sa binyag at sa kaloob na Espiritu Santo, isiping magdispley ng isang bagay na marumi at hayaan ang mga miyembro ng pamilya na hugasan ito sa tubig. Paano isinasagisag ng aktibidad na ito ang binyag? Pagkatapos ay hilingin sa mga miyembro ng pamilya na pag-usapan ang ilan sa mga nakalilinis na katangian ng apoy. Bakit ang kaloob na Espiritu Santo ay inilarawan bilang “pagbibinyag ng apoy”? (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Espiritu Santo.”)

binatang nagbibinyag sa isa pa

Kapag binibinyagan tayo, ang ating mga kasalanan ay mahuhugasan.

Mateo 3:17; Marcos 1:11; Lucas 3:22

Kailan natin nadama na ang Diyos ay nalugod sa atin? Ano ang magagawa natin bilang pamilya para malugod ang Diyos?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hingin ang tulong ng Panginoon. Ang mga banal na kasulatan ay ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag, at para talagang maunawaan ang mga ito ay kailangan natin ang personal na paghahayag. Nangako ang Panginoon, “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan” (Mateo 7:7).

binibinyagan ni Juan si Jesus

John the Baptist Baptizing Jesus, ni Greg K. Olsen