“Pagtugon sa mga Pangangailangan ng mga Batang may Kapansanan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Pagtugon sa mga Pangangailangan ng mga Batang may Kapansanan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Pagtugon sa mga Pangangailangan ng mga Batang may Kapansanan
Responsibilidad ng mga lider ng Primary na ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng bata, kabilang na ang mga batang may kapansanan. Sa Primary, bawat bata ay dapat malugod na tanggapin, mahalin, pangalagaan, at isali. Sa kapaligirang ito ay mas madaling maunawaan ng lahat ng bata ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo at madama at makilala ang impluwensya ng Espiritu Santo. Ang mga sumusunod na ideya ay maaaring makatulong sa iyo na matugunan ang mga pangangailangan ng mga batang may kapansanan.
-
Alamin ang mga partikular na pangangailangan ng bata. Ang pinakamainam na paraan para magawa ito ay kausapin ang mga magulang o tagapag-alaga ng bata. Alamin kung paano pinakamabilis na natututo ang bata at kung anong mga estratehiya ang pinaka-nakakatulong. Maaari ka ring sumangguni sa iba pang mga lider at guro ng Primary na mayroong maibabahaging karanasan at mga ideya.
-
Lumikha ng isang positibong kapaligiran kung saan nadarama ng bawat bata na siya ay ligtas at minamahal. Alamin ang pangalan ng lahat ng bata sa iyong klase, at tulungan silang madama na sila ay tanggap, minamahal, at kabilang. Madalas ay pinupuna ang mga batang may kapansanan, kaya humanap ng mga pagkakataon na purihin sila para sa kanilang mga positibong pag-uugali.
-
Gumawa ng mga pag-aangkop para makalahok ang lahat. Maaaring gumawa ng maliliit na pagbabago sa mga aktibidad para matiyak na lahat ng bata ay matututo, kabilang na ang mga batang may mga pisikal na limitasyon o problema sa pagkatuto. Halimbawa, kung ang isang aktibidad ay nagmumungkahing magpakita ng isang larawan, sa halip ay maaari kayong kumanta ng isang nauugnay na awitin para maisali ang mga batang may kapansanan sa paningin.
-
Magtakda ng mga karaniwang gawain at istruktura sa klase. Ang isang paraan para magawa ito ay lumikha ng isang poster na may iskedyul ng klase na nagbabalangkas kung paano dadaloy ang klase. Maaaring kasama sa inyong iskedyul ang panalangin, oras ng pagtuturo, at oras ng aktibidad. Makakatulong itong mabawasan ang kawalan ng katiyakan, na maaaring makaragdag sa pagkabahala ng ilang bata.
-
Gumamit ng mga hudyat na nakikita. Ang mga batang may problema sa pagkatuto o sa pag-uugali ay maaaring makinabang sa mga hudyat na nakikita, tulad ng mga larawang nagpapakita ng angkop na mga pag-uugali tulad ng pagtataas ng kamay bago sagutin ang tanong.
-
Unawain kung bakit nangyayari ang mahihirap na pag-uugali. Alamin ang mga kapansanan o sitwasyon na maaaring makaimpluwensya sa isang bata na kumilos nang hindi angkop. Pansining mabuti kung ano ang nangyayari kapag lumilitaw ang mahihirap na pag-uugali ng bata. Mapanalanging isipin kung paano babaguhin ang sitwasyon para higit na masuportahan ang bata.