Lumang Tipan 2022
Ikaw ay Isang Guro ng mga Bata


“Ikaw ay Isang Guro ng mga Bata,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Ikaw ay Isang Guro ng mga Bata,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

Larawan
si Jesus na may kalong na bata

Ikaw ay Isang Guro ng mga Bata

Tinawag ka ng Diyos upang turuan ang Kanyang mga anak sa paraan ng Tagapagligtas. Ikaw ay itinalaga sa tungkuling ito sa pamamagitan ng awtoridad ng Kanyang banal na priesthood. Kahit hindi ka isang bihasang guro, kapag ikaw ay namumuhay nang marapat, nagdarasal araw-araw, at nag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagkakalooban ka ng Ama sa Langit ng impluwensya at kapangyarihan ng Espiritu Santo para tulungan kang magtagumpay (tingnan sa 2 Nephi 33:1).

Ang mga ipinagkatiwala sa iyong pangangalaga ay mga anak ng Ama sa Langit, at alam Niya kung ano ang kailangan nila at paano sila higit na matutulungan. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, gagabayan ka ng Diyos habang naghahanda ka at habang nagtuturo ka. Ihahayag Niya sa iyo kung ano ang dapat mong sabihin at dapat mong gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:5).

Ang mahalagang layunin ng pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo ay para palalimin ang pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang mithiin mo bilang isang guro ay tulungan ang mga tinuturuan mo na gawin ang lahat ng kaya nila para higit na magbalik-loob—isang pagsisikap na hindi lang sa oras ng klase ginagawa. Anyayahan ang mga tinuturuan mo na aktibong makilahok sa pag-aaral tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo at kumilos ayon sa natututuhan nila. Hikayatin silang gawing pangunahing pinagmumulan ng pagkatuto tungkol sa ebanghelyo ang kanilang indibiduwal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya sa labas ng klase. Kapag kumilos sila nang may pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral bilang mga indibiduwal at pamilya, aanyayahan nila ang Espiritu sa kanilang buhay, at ang Espiritu ang naghihikayat ng tunay na pagbabalik-loob. Lahat ng ginagawa mo bilang guro ay dapat sumuporta sa sagradong mithiing ito.

Ituro lamang ang doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta sa mga huling araw. Ang dalisay na doktrina—ang walang-hanggan at di-nagbabagong katotohanang itinuro ng Diyos at ng Kanyang mga lingkod—ay nag-aanyaya sa Espiritu at may kapangyarihang baguhin ang mga buhay.

Ang tungkuling magturo ay isang sagradong pagtitiwala, at normal lang na mahirapan kung minsan. Ngunit alalahanin na tinawag ka ng iyong Ama sa Langit, at hindi ka Niya pababayaan kailanman. Ito ang gawain ng Panginoon, at habang naglilingkod ka “nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas” (Doktrina at mga Tipan 4:2), daragdagan Niya ang iyong mga kakayahan, kaloob, at talento, at pagpapalain ng iyong paglilingkod ang buhay ng mga tinuturuan mo.

Print