Lumang Tipan 2022
Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na Bata


“Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na Bata,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na Bata,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

Larawan
mga batang nagtataas ng kamay sa silid-aralan ng simbahan

Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na Bata

Ang mga bata ay handa at sabik na matutuhan ang ebanghelyo kung ituturo ito sa paraang mauunawaan nila. Lalo na kung nagtuturo ka ng mas maliliit na bata, isiping gamitin ang sumusunod na mga uri ng aktibidad para tulungan silang matuto.

  • Kumanta. Ang mga himno at awitin mula sa Aklat ng mga Awit Pambata ay nagtuturo ng doktrina sa mabisang paraan. Gamitin ang indeks ng mga paksa sa likod ng Aklat ng mga Awit Pambata para mahanap ang mga awiting nauugnay sa mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo mo. Tulungan ang mga bata na iugnay ang mensahe ng mga awitin sa kanilang buhay. Halimbawa, maaari kang magtanong tungkol sa mga salita o parirala sa mga titik ng awitin. Bukod sa pag-awit, maaaring gumalaw ang mga bata na tumutugma sa mga awitin o makinig lamang sa mga awitin bilang background music habang gumagawa sila ng iba pang mga aktibidad. Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga bahaging “Paggamit ng Musika sa Pagtuturo ng Doktrina” at “Pagtulong sa mga Bata na Matutuhan at Maalala ang mga Awitin sa Primary at mga Himno” sa “Mga Tagubilin sa Oras ng Pagkanta at Pagtatanghal ng Musika ng mga Bata sa Sacrament Meeting” sa resource na ito.

  • Pakinggan o isadula ang isang kuwento. Gustung-gusto ng maliliit na bata ang mga kuwento—mula sa mga banal na kasulatan, sa inyong buhay, sa kasaysayan ng Simbahan, o sa mga magasin ng Simbahan. Humanap ng mga paraan para maisali sila sa pagkukuwento. Maaari nilang itaas ang mga larawan o bagay, idrowing ang naririnig nila, isadula ang kuwento, o tumulong na isalaysay ang kuwento. Tulungan ang mga bata na makita ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga kuwentong ibinabahagi mo.

  • Magbasa ng isang talata sa banal na kasulatan. Maaaring hindi pa gaanong magaling bumasa ang maliliit na bata, pero maaari mo pa rin silang isali sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaaring kailanganin mong magtuon sa isang talata, mahalagang parirala, o salita. Habang binabasa mo nang malakas ang isang talata sa banal na kasulatan, maaari mong anyayahan ang mga bata na tumayo o magtaas ng kamay kapag narinig nila ang isang partikular na salita o parirala na nais mong pagtuunan. Maaari pa nga nilang maisaulo ang maiikling parirala mula sa mga banal na kasulatan kung uulitin nila ang mga ito nang ilang beses. Kapag narinig nila ang salita ng Diyos, madarama nila ang Espiritu.

  • Maging aktibo. Dahil kadalasan ay masigla ang mga bata, magplano ng mga paraan para makagalaw sila sa paligid—magmartsa, tumalon, lumukso, bumaluktot, maglakad, at iba pang mga galaw na nauugnay sa alituntunin o kuwentong itinuturo mo. Maaari ding maging epektibo ang mga galaw na ito habang sama-sama kayong kumakanta.

  • Tingnan ang isang larawan o manood ng isang video. Kapag nagpakita ka sa mga bata ng isang larawan o video, magtanong sa mga bata ng mga bagay na magpapakita sa kanila kung paano ito nauugnay sa isang alituntunin ng ebanghelyo o sa kuwento sa banal na kasulatan. Halimbawa, maaari mong itanong, “Ano ang nangyayari dito sa larawan o video?” o “Ano ang ipinadarama nito sa inyo?”

  • Magbahagi ng mga karanasan. Ang maliliit na bata ay maaaring walang maibabahagi na kasindami ng sa mas nakatatandang mga bata, pero kung bibigyan mo sila ng partikular na patnubay, maibabahagi nila ang kanilang mga damdamin at karanasan tungkol sa natututuhan nila.

    Larawan
    batang nagkukulay sa silid-aralan ng simbahan
  • Lumikha. Ang mga bata ay maaaring magbuo, magdrowing, o magkulay ng isang bagay na nauugnay sa kuwento o alituntuning natututuhan nila. Hikayatin silang iuwi sa bahay ang nalikha nila at ibahagi ito sa mga miyembro ng pamilya para matulungan ang mga bata na maalala ang natutuhan nila.

  • Makilahok sa mga object lesson. Ang isang simpleng object lesson ay maipauunawa sa mga bata ang isang alituntunin ng ebanghelyo na mahirap maintindihan. Kapag gumagamit ng mga object lesson, humanap ng mga paraan para makalahok ang mga bata. Mas marami silang matututuhan mula sa isang karanasan na nakikisalamuha sila kaysa manood lang ng isang pagpapamalas.

  • Magdula-dulaan. Kapag isinasadula ng mga bata ang isang sitwasyon na malamang na maranasan nila sa tunay na buhay, mas nauunawaan nila kung paano naaangkop ang isang alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang buhay.

  • Ulitin ang mga aktibidad. Maaaring kailangang marinig ng maliliit na bata ang mga konsepto nang maraming beses para maunawaan ang mga ito. Huwag matakot na ulitin nang madalas ang mga kuwento o aktibidad, kahit sa iisang lesson. Halimbawa, maaari mong ibahagi ang isang kuwento sa banal na kasulatan nang ilang beses sa iba’t ibang paraan sa oras ng isang lesson—sa pagbabasa mula sa mga banal na kasulatan, pagbubuod gamit ang sarili mong mga salita, pagpapalabas ng isang video, pagpapatulong sa mga bata na isalaysay ang kuwento, pag-anyaya sa kanila na isadula ang kuwento, at iba pa. Kung ang isang aktibidad na ginamit sa klase ay inulit din sa bahay, makakatulong ang pag-uulit para matuto at makaalala ang mga bata.

  • Makisalamuha sa iba. Ang mga bata ay nagkakaroon ng kakayahang makisalamuha at kadalasan ay natutuwang matuto at makipaglaro sa mga kaedad nila. Lumikha ng mga pagkakataon para sila makapagbahagi, makapaghalinhinan, at magkatulungan habang natututo nila.

  • Makilahok sa iba-ibang aktibidad. Ang maliliit na bata ay karaniwang madaling mainip, at magkakaiba ang estilo nila sa pag-aaral. Gumamit ng iba-ibang aktibidad, at pagtuunan ng pansin ang mga palatandaan na kailangan ng mga bata na magbago ng aktibidad. Halimbawa, maaari mong kailanganing dalasan ang pagsasalitan sa pagitan ng tahimik at masiglan mga aktibidad.

Bahagi ng iyong tungkulin bilang isang guro ng maliliit na bata—bukod pa sa pagtuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo—ang tulungan ang mga bata na matutong makilahok nang angkop sa isang klase sa Simbahan. Halimbawa, maaaring kailangan nilang matuto tungkol sa paghahalinhinan, pagbabahagi, paggalang sa iba, at iba pa. Ang ilang guro ay lumilikha ng mga tsart na may mga assignment para makalahok ang bawat bata sa klase sa isang partikular na paraan (tulad ng pagdarasal, paghawak ng isang larawan, o pagpapasa ng mga papel). Maaaring magbago ang mga assignment linggu-linggo. Matutulungan nito ang mga bata na maghalinhinan at magtuon sa angkop na pag-uugali sa silid-aralan.

Ang mga bata—lalo na ang mas maliliit na bata—ay kadalasang nakikinabang mula sa isang regular at hindi pabagu-bagong karaniwang gawain. Dahil madaling mainip ang maliliit na bata at kung minsan ay nahihirapan silang magtuon nang buong oras sa klase, karaniwan ay pinakamainam kung kasama sa karaniwang gawaing ito ang madalas na pagbabago ng aktibidad. Halimbawa, maaaring ibilang sa karaniwang gawain ninyo sa klase ang paminsan-minsang pahinga para magkulay ng isang larawan, kumanta ng isang awitin, at iba pa.

Print