Doktrina at mga Tipan 2021
Abril 12–18. Doktrina at mga Tipan 37–40: “Kung Hindi Kayo Isa Kayo ay Hindi sa Akin”


“Abril 12–18. Doktrina at mga Tipan 37–40: ‘Kung Hindi Kayo Isa Kayo ay Hindi sa Akin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Abril 12–18. Doktrina at mga Tipan 37–40,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021

naghahandang umalis ang mga Banal

Lumipat ang mga Banal sa Kirtland, ni Sam Lawlor

Abril 12–18

Doktrina at mga Tipan 37–40

“Kung Hindi Kayo Isa Kayo ay Hindi sa Akin”

Bago magplano ng mga gagawin mo sa klase, mapanalanging pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 37–40. Mas malamang na makatanggap ka ng espirituwal na patnubay sa paghahanda mong magturo kung magkakaroon ka muna ng makabuluhang personal na mga karanasan sa mga talatang ito sa banal na kasulatan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isiping isulat sa pisara ang, Habang binabasa ko ang Doktrina at mga Tipan 37–40, nadama ko na sinasabi sa akin ng Panginoon na . Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nila makukumpleto ang pangungusap. Hikayatin silang magbahagi ng mga talata mula sa pagbabasa nila bilang bahagi ng kanilang mga sagot.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Doktrina at mga Tipan 37–38

Tinitipon tayo ng Diyos para pagpalain tayo.

  • Kung minsa’y mas madaling matuto mula sa mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan kapag lumagay tayo sa lugar ng mga taong orihinal na pinagbigyan ng mga ito. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na gawin ito sa mga bahagi 37–38, maaari mo silang anyayahang isipin na kunwari’y nakatira sila sa Fayette, New York, noong 1831. Maaaring magkunwari ang isang miyembro ng klase na siya si Joseph Smith at basahin ang bahagi 37 sa kanila. Ano kaya ang maaaring naging reaksyon natin sa kautusang ito? Marahil ay maaaring isipin ng mga miyembro ng klase na may kaibigan sila na ayaw sumamang magtipon sa Ohio; maaari nilang saliksikin ang bahagi 38 para sa mga alituntuning maaaring humikayat sa kaibigan nila na maging tapat sa utos na magtipon. (Kung kinakailangan, maaari mo silang padiretsuhin sa mga talata 1–4, 11–12, 17–22, at 27–33.) Baka gusto ring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nakatulong sa kanila ang mga alituntuning katulad nito nang kailanganin nilang sundin ang isang kautusan na tila mahirap.

  • Hindi na inuutos sa mga Banal sa mga Huling Araw na magtipon sa pamamagitan ng paglipat sa isang lugar, ngunit nagtitipon pa rin tayo sa mga pamilya, ward, at stake. Para matalakay kung paano tayo pinagpapala ng pagtitipong ito ngayon, maaari mong hatiin ang klase sa dalawang grupo. Sabihin sa isang grupo na saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 38:31–33 at hanapin ang mga pagpapalang naaangkop sa pagtitipon bilang mga pamilya, at sabihin sa kabilang grupo na saliksikin ang talata ring iyon at hanapin ang mga pagpapalang naaangkop sa pagtitipon bilang mga ward at stake. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa klase ang kanilang mga ideya. Paano tayo pinagpapala sa sama-samang pagtitipon bilang isang klase sa Sunday School?

Doktrina at mga Tipan 38:24–27

Ang mga tao ng Diyos ay kailangang maging isa.

  • Ang mga Banal na nagtipon sa Ohio ay nagmula sa iba’t ibang sitwasyon, subalit inutusan sila ng Panginoon na daigin ang kanilang mga pagkakaiba at “maging isa” (talata 27). Bakit tayo bigo kung minsan na makita na kapantay natin ang ibang tao? Hikayatin ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung paano nila tinatrato ang iba habang binabasa nila ang Doktrina at mga Tipan 38:24–27. Ano ang ibig sabihin ng pahalagahan ang ating mga kapatid tulad sa ating sarili? Bakit imposibleng maging tunay na mga tao ng Diyos kung hindi tayo nagkakaisa?

  • Ang pagbasa sa Doktrina at mga Tipan 38:24–27 ay maaaring humantong sa pagtalakay tungkol sa pagkakaisa sa ating mga relasyon—bilang mga miyembro ng ward, pamilya, at iba pa. Maaaring makatulong ang mga video sa ChurchofJesusChrist.org. Halimbawa, maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga pahayag o impresyon mula sa video na tumutulong sa kanila na mas maunawaan ang mga alituntunin sa mga talata 24–27. Maaari din silang magnilay-nilay at magbahagi ng mga ideya tungkol sa isang tanong na tulad ng “Ano ang magagawa ko para tulungan ang aming ward na madama na mas nagkakaisa kami?”

Doktrina at mga Tipan 38:39; 39–40

Nais ng Ama na ibigay sa atin ang kayamanan ng walang hanggan.

  • Ang paggawa ng isang tsart ay maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na talakayin ang Doktrina at mga Tipan 38:39. Sa isang column, maaaring ilista ng mga miyembro ng klase ang “kayamanan ng mundo,” o ang mga bagay na itinuturing na mahalaga rito ngunit hindi nagtatagal hanggang sa kabilang-buhay. Sa kabilang column, maaari nilang ilista ang “kayamanan ng walang hanggan,” o ang mga bagay na pinahahalagahan ng Diyos at na maaaring magtagal magpakailanman. Anong mga karanasan ang nagturo sa atin na ang kayamanan ng walang hanggan ay mas mahalaga kaysa kayamanan ng mundo?

  • Si James Covel, gaya ng marami sa atin, ay may matwid na mga hangarin. Ngunit ang kabiguan niyang sundin ang patnubay ng Diyos ay mahalagang babala sa ating lahat. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa karanasan ni Covel, maaari mong anyayahan ang ilan sa kanila na saliksikin ang bahagi 39 para sa mga bagay na ipinagawa sa kanya ng Panginoon. Maaari namang hanapin ng iba ang mga pagpapalang ipinangako sa kanya kung sumunod siya. Maaari din nilang saliksikin ang bahagi 40 upang tuklasin kung bakit hindi natanggap ni James Covel ang mga pagpapalang ito. Paano naaangkop sa atin ang kanyang karanasan? Anong “mga alalahanin ng sanlibutan” kung minsan ang pumipigil sa atin na matanggap ang salita ng Diyos “nang may kagalakan”? (Doktrina at mga Tipan 40:2).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Huwag tangkaing ituro ang lahat. “Maraming tatalakayin sa bawat lesson, ngunit hindi kailangang ituro ang lahat sa isang class period para antigin ang puso ng isang tao—madalas ay sapat na ang isa o dalawang mahahalagang punto” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 7). Ang Espiritu Santo, mga komento mula sa mga miyembro ng klase, at mga ideya sa outline na ito ay matutulungan kang malaman kung saan ka magtutuon.