“Mayo 31–Hunyo 6. Doktrina at mga Tipan 60–62: ‘Lahat ng Laman ay Nasa Aking Kamay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Mayo 31–Hunyo 6. Doktrina at mga Tipan 60–62,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Mayo 31–Hunyo 6
Doktrina at mga Tipan 60–62
“Lahat ng Laman ay Nasa Aking Kamay”
Sabi ni Elder Ronald A. Rasband: “Kailangang palakasin muna ng bawat isa sa atin ang ating espirituwalidad at pagkatapos ay palakasin ang mga nakapaligid sa atin. Palaging pagnilayan ang mga banal na kasulatan, at alalahanin ang mga naisip at nadama ninyo habang nagbabasa” (“Baka Iyong Malimutan,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 114).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Makahihikayat ka ng makabuluhang talakayan sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na tumugon sa isang partikular na tanong o ideya na nauugnay sa mga talatang binasa nila sa tahanan. Halimbawa, maaari mo silang anyayahang magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila sa linggong ito tungkol sa Ama sa Langit o kay Jesucristo.
Ituro ang Doktrina
Doktrina at mga Tipan 60:2–3, 7, 13–14; 62:3, 9
Nasisiyahan ang Panginoon kapag nagbubuka tayo ng bibig upang ibahagi ang ebanghelyo.
-
Bilang mga miyembro ng Simbahan, alam natin na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay isang malaking kayamanan na nagpapala sa buhay ng mga anak ng Diyos. Kaya bakit kung minsan ay atubili tayong ibahagi ang ating patotoo sa iba? Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na ilista sa pisara ang ilang dahilan kung bakit maaaring hindi natin ibinubuka ang ating bibig para ibahagi ang ebanghelyo. Pagkatapos ay maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Doktrina at mga Tipan 60:2–3, 7, 13–14; 62:3, 9, na naghahanap ng mga salita o parirala na naghihikayat sa kanila na ibahagi ang ebanghelyo. Maaari nilang ilista sa pisara ang natuklasan nila. Marahil ay maaaring magbahagi ang ilang miyembro ng klase ng isang karanasan na nadaig nila ang kanilang takot at ibinahagi ang ebanghelyo sa isang tao.
-
Sa buong Doktrina at mga Tipan 60–62, may mga turo, kapwa nakasaad at nakapahiwatig, tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na tuklasin ang mga turong ito, maaari mong hilingin sa bawat tao na rebyuhin ang isa sa mga bahaging ito at ibahagi ang anumang matagpuan nila na nagtuturo sa kanila tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Maaaring makaganda sa talakayan ang magbasa tungkol sa ulirang mga missionary saanman sa mga banal na kasulatan (tingnan, halimbawa, sa Mga Gawa 8:27–40; Alma 19:16–17) at talakayin kung ano ang matututuhan natin mula rito. Anong mga halimbawa ang maibabahagi natin mula sa sarili nating buhay? Maaari bang ibahagi ng sinumang miyembro ng klase kung paano nila nalaman ang tungkol sa ebanghelyo at kung ano ang nadama nila tungkol sa mga taong nagturo sa kanila? Maaaring makinabang ang klase mo sa pagsasadula ng mga paraan na maaari nating “buksan ang [ating] mga bibig” at ibahagi ang ebanghelyo.
Doktrina at mga Tipan 60:2–4; 61:1–2, 20, 36–38; 62:1, 6
Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan ang tungkol kay Jesucristo.
-
Anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat sa pisara ang anumang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas sa linggong ito mula sa pag-aaral ng mga bahagi 60–62, pati na ang kaugnay na mga talata. O maaari silang magsaliksik sa Doktrina at mga Tipan 60:2–4; 61:1–2, 20, 36–38; 62:1, 6 para makita ang mga bagay na itinuro tungkol sa Tagapagligtas. Anong mga kuwento mula sa mga banal na kasulatan o sa sarili nating buhay ang naglalarawan sa mga tungkulin at katangian ng Tagapagligtas na natutuhan natin? (halimbawa, sa Juan 8:1–11; Eter 2:14–15). Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo o pagbulayan sa kanilang sarili ang kahalagahan Niya sa kanila.
Doktrina at mga Tipan 60:5; 61:22; 62:5–8
Nais ng Panginoon na gumawa tayo ng ilang desisyon na “inaakala [nating] makabubuti.”
-
Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Doktrina at mga Tipan 60:5; 61:22; 62:5–8 nang magkakapares o sa maliliit na grupo at ibahagi kung ano sa pakiramdam nila ang mensahe ng Panginoon sa atin. Kailan nila nadama na dapat nilang gamitin ang sarili nilang pagpapasiya sa paggawa ng isang desisyon? Isiping ibahagi ang pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa “Karagdagang Resources” bilang bahagi ng inyong talakayan. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na matutuhan ang mahalagang alituntuning ito?
Karagdagang Resources
Pagkilos ayon sa ating matalinong pagpapasiya.
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks:
“Ang naising maakay ng Panginoon ay isang kalakasan, ngunit kailangan itong samahan ng pagkaunawa na tayo ang pinagdedesisyon ng ating Ama sa Langit sa maraming pagkakataon sa ating mga personal na pagpili. Ang personal na pagdedesisyon ay isa sa mga pinagmumulan ng paglago na dapat nating maranasan sa mortalidad. Ang mga taong sinusubukang ipasa ang lahat ng desisyon sa Panginoon at humihingi ng paghahayag sa bawat pagpili ay mararanasan kalaunan na kapag humingi sila ng patnubay ay hindi nila matatanggap ito. Halimbawa, malamang na mangyari ito sa napakaraming sitwasyon na magaan lang naman ang pagpapasiyahan o parehong katanggap-tanggap ang pagpipilian.
“Dapat nating pag-aralan ang mga bagay sa ating isipan, gamit ang katalinuhang ibinigay sa atin ng Tagapaglikha. Pagkatapos manalangin tayo na magabayan at kumilos ayon sa natanggap natin. Kung hindi tayo makatanggap ng patnubay, dapat tayong kumilos ayon sa ating matalinong pagpapasiya” (“Our Strengths Can Become Our Downfall,” Ensign, Okt. 1994, 13–14).