Doktrina at mga Tipan 2021
Hunyo 21–27. Doktrina at mga Tipan 67–70: “Kasing Halaga … ng Kayamanan ng Buong Mundo”


“Hunyo 21–27. Doktrina at mga Tipan 67–70: ‘Kasing Halaga … ng Kayamanan ng Buong Mundo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Hunyo 21–27. Doktrina at mga Tipan 67–70,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School

revelation manuscript book in display case

Hunyo 21–27

Doktrina at mga Tipan 67–70

“Kasing Halaga … ng Kayamanan ng Buong Mundo”

Ang paghahandang magturo ay higit pa sa pag-iisip kung ano ang sasabihin at gagawin mo bilang guro. Dapat din itong kabilangan ng pag-iisip kung ano ang magagawa ng mga mag-aaral para turuan ang isa’t isa. Paano mo aanyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan o pananaw na natamo nila sa pagbabasa ng mga talatang ito?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaari mong isulat sa pisara ang Sa linggong ito tinuruan ako ng Panginoon … at anyayahan ang mga miyembro ng klase na kumpletuhin ang pangungusap gamit ang isang bagay na natutuhan nila.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Doktrina at mga Tipan 67:1–9

Ang mga paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith ay totoo at mula sa Diyos.

  • Ang pag-unawa sa impormasyon sa likod ng kasaysayan ng Doktrina at mga Tipan 67 ay maaaring makatulong sa talakayan sa bahaging ito. Marahil ay maaaring ibuod ng isang miyembro ng klase ang mga pangyayaring humantong sa paghahayag na ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 67, section heading; Mga Banal, 1:161–64). Kung naroon tayo sa pulong kung saan pinag-usapan ang paglalathala ng mga paghahayag, anong mga dahilan ang maaari nating ibigay na pabor sa ideya? Ano ang masasabi natin sa mga taong nag-aalala tungkol sa mga depekto sa pananalita ni Joseph Smith? Ano ang itinuturo sa atin ng bahagi 67 tungkol sa mga propeta at paghahayag? Maaari ding ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nila nalaman sa kanilang sarili na ang mga paghahayag na ito ay totoo.

Doktrina at mga Tipan 68:1–6

Ang inspiradong mga salita ng mga lingkod ng Panginoon ay mga salita ng Panginoon.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na talakayin ang Doktrina at mga Tipan 68:1–6, maaari mo silang anyayahang basahin ang mga talatang ito sa maliliit na grupo at ibahagi sa isa’t isa ang mga katotohanang natutuhan nila tungkol sa mga turo ng mga lingkod ng Panginoon. Anyayahan ang mga grupo na ibahagi sa isa’t isa kung paano nila nalaman na ang mga alituntuning itinuturo sa talata 4 ay totoo. Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasan nang mangusap o magturo sila habang sila ay “pinakikilos ng Espiritu Santo” (talata 3) at kung paano sila sinamahan at pinanigan ng Panginoon (tingnan sa talata 6).

  • Kung gusto mong talakayin kung paano naaangkop ang mga talatang ito sa mga turo ng mga lingkod ng Panginoon sa pangkalahatang kumperensya, maaaring makatulong ang pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa “Karagdagang Resources.” Maaari ding magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga mensahe sa huling kumperensya na nagpatibay sa kanilang pananampalataya sa doktrinang matatagpuan sa mga talatang ito.

Doktrina at mga Tipan 68:25–31

Ang mga magulang ay may responsibilidad na turuan ang kanilang mga anak.

  • May mga magulang ba sa klase mo—o magiging mga magulang? Makikinabang siguro sila sa pag-uusap tungkol sa payo ng Panginoon sa mga magulang sa bahagi 68. Halimbawa, marahil ay maaaring pumili ang ilang magulang sa klase ng isang alituntunin mula sa mga talata 25–28 at pag-usapan kung paano nila sinisikap na ituro ang mga bagay na ito sa kanilang mga anak (ang mga talata 29–31 ay mayroon ding ilang mahahalagang alituntunin). O maaaring pag-usapan ng mga miyembro ng klase kung paano naituro sa kanila ng kanilang mga magulang ang mga alituntunin ng ebanghelyo.

    Bakit ang tahanan ang pinakamainam na lugar para matutuhan ng mga bata ang ebanghelyo? Ano ang sasabihin natin sa mga magulang na nakararamdam ng kakulangan o panghihina dahil sa tungkuling turuan ang kanilang mga anak?

    pamilyang nag-aaral

    Ibinigay ng Panginoon sa mga magulang ang responsibilidad na turuan ang kanilang mga anak.

Doktrina at mga Tipan 70:1–4

Mananagot tayo para sa mga paghahayag na ibinigay sa atin ng Panginoon.

  • Ipinagkatiwala ng Panginoon sa ilang kapatid ang pagdadala ng mga paghahayag sa Missouri at pangangasiwa sa paglalathala nito. Sa paanong paraan natin nakikita ang ating sarili bilang mga katiwala sa mga paghahayag? Anong iba pang mga turo mula sa bahaging ito tungkol sa pagiging katiwala ang maaaring umangkop sa atin?

icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Nangungusap sa atin ang Diyos ngayon.

Ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland kung paano naaangkop ang alituntuning itinuro sa Doktrina at mga Tipan 68:4 sa pangkalahatang kumperensya: “Hinihiling ko sa inyo na pag-isipan sa darating na mga araw, hindi lamang ang mga mensaheng narinig ninyo kundi maging ang natatanging diwang hatid ng pangkalahatang kumperensya—kung ano ang inaasahan nating mga Banal sa mga Huling Araw na dapat mangyari sa gayong mga kumperensya at kung ano ang nais nating iparinig at ipakita sa mundo. Pinatototohanan natin sa bawat bansa, lahi, wika, at tao na sa ating panahon ang Diyos ay hindi lamang buhay kundi Siya ay nangungusap din, na sa ating panahon ang payong inyong naririnig, sa patnubay ng Banal na Espiritu, ay ang ‘kalooban ng Panginoon, … salita ng Panginoon, … tinig ng Panginoon, at ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan’ [Doktrina at mga Tipan 68:4]” (“Isang Sagisag sa mga Bansa,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 111).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga mag-aaral na pasiglahin ang isa’t isa. “Bawat indibiduwal sa klase mo ay saganang pagmumulan ng patotoo, mga pananaw, at mga karanasan sa pamumuhay ng ebanghelyo. Anyayahan silang magbahaginan at magtulungan” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 5).