“Hunyo 14–20. Doktrina at mga Tipan 64–66: ‘Hinihingi ng Panginoon ang Puso at May Pagkukusang Isipan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Hunyo 14–20. Doktrina at mga Tipan 64–66,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Hunyo 14–20
Doktrina at mga Tipan 64–66
“Hinihingi ng Panginoon ang Puso at May Pagkukusang Isipan”
Sa pag-aaral mo sa linggong ito, mapanalanging isipin kung anong mga alituntunin mula sa Doktrina at mga Tipan 64–66 ang magpapaibayo sa pananampalataya at kaalaman ng mga miyembro ng iyong klase.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na naging makabuluhan sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa linggong ito, maaari mong hilingin sa kanila na pagnilayan ang mga hamong kinakaharap natin ngayon. Pagkatapos ay anyayahan silang magbahagi ng isang talata mula sa Doktrina at mga Tipan 64–66 na sa tingin nila ay maaaring makatulong sa isa sa mga hamong iyon.
Ituro ang Doktrina
Inuutusan tayong patawarin ang lahat.
-
Makikinabang siguro ang mga miyembro ng klase sa pagtalakay kung bakit maaaring napakahirap patawarin ang iba—at kung paano nila nadaig ang mga paghihirap na iyon. Maaari nilang saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 64:1–11 para sa mga alituntunin at katotohanang naghihikayat sa kanila na maging mas mapagpatawad. Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito? Para mailarawan ang mga pagpapalang dulot ng pagpapatawad, maaari mong ibahagi ang kuwento ni Morrell Bowen mula sa mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo” (Ensign o Liahona, Nob. 2018, 77–79). O maaaring may isang miyembro ng klase na handang magbahagi ng personal na kuwento tungkol sa pagkakaloob o pagtanggap ng kapatawaran. Paano pinagpala ng kapangyarihan ng pagpapatawad ang mga tao sa mga halimbawang ito?
Doktrina at mga Tipan 64:31–34
Hinihiling ng Panginoon ang ating “puso at may pagkukusang isipan.”
-
Ayaw ng Panginoon na “mapagod” tayo; gayunman, natural sa mga taong nagsisikap—kabilang na, marahil, ang ilan sa klase mo—na “mapagod sa paggawa ng mabuti.” Bakit nangyayari ang kapagurang ito? Anong payo ang matatagpuan natin sa Doktrina at mga Tipan 64:31–34 na maaaring makatulong sa atin kapag nahihirapan tayo sa gayong damdamin?
-
Para mapagyaman ang inyong talakayan, maaari kang magpakita ng mga larawan ng isang bagay na malaki at kahanga-hanga na matagal na itinayo mula sa “maliliit na bagay”—tulad ng isang mosaic o brick building. Ano ang ilang halimbawa ng “dakilang gawain” na ibinigay sa atin ng Panginoon? Anong maliliit na bagay ang magagawa natin ngayon upang ilatag ang pundasyon para sa gawaing iyon?
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pag-isipan nang mas malalim ang Doktrina at mga Tipan 64:34, maaari mong isulat ang Puso at May Pagkukusang Isipan sa pisara. Maaaring ilista ng mga miyembro ng klase sa ilalim ng mga heading na ito ang ipinapalagay nilang ibig sabihin ng ibigay ang ating puso at may pagkukusang isipan sa Panginoon. Para sa paliwanag tungkol sa mga katagang ito, tingnan sa mga salita ni Elder Donald L. Hallstrom sa “Karagdagang Resources.” Ang mga talatang tulad ng mga sumusunod ay maaari ding magbigay ng ilang kabatiran: Mosias 7:33; Eter 4:15; Doktrina at mga Tipan 43:34; Moises 7:18; Joseph Smith—Kasaysayan 1:19.
Inihahanda ng kaharian ng Diyos sa lupa ang mundo para sa pagbalik ng Tagapagligtas.
-
Ang Doktrina at mga Tipan 65 ay nagbibigay ng nakasisiglang paglalarawan ng misyon ng Simbahan ng Panginoon sa mga huling araw. Para maipakita sa mga miyembro ng klase ang kanilang bahagi sa misyong ito, maaari mo silang anyayahang saliksikin ang bahagi 65 na hinahanap ang mga sagot sa mga tanong na tulad nito: Ano ang nais ng Panginoon na isakatuparan ng Kanyang kaharian sa lupa? Ano ang nais Niyang gawin ko para makatulong? Maaari ka ring sumangguni sa mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks sa “Karagdagang Resources.” Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nila sasagutin ang mga tanong ni Pangulong Oaks.
Karagdagang Resources
“Ang puso at may pagkukusang isipan.”
Iminungkahi ni Elder Donald L. Hallstrom ang posibleng kahulugang ito ng pariralang “puso at may pagkukusang isipan”:
“Ang puso ay simbolo ng pagmamahal at katapatan. Nagsasakripisyo tayo at nagdadala ng mga pasanin para sa mga mahal natin sa buhay na hindi natin titiisin sa iba pang kadahilanan. Kung walang pagmamahal, nababawasan ang ating katapatan. …
“Ang pagkakaroon ng ‘may pagkukusang isipan’ ay nagpapahiwatig na ginagawa natin ang lahat at iniisip natin ang pinakamaganda at hinahangad natin ang karunungan ng Diyos. Nagpapahiwatig ito na ang dapat nating pag-aralan nang husto habambuhay ay ang mga bagay na pangwalang-hanggan. Ibig sabihin ay kailangang may di-mapaghihiwalay na kaugnayan sa pagitan ng pakikinig sa salita ng Diyos at pagsunod dito” (“The Heart and a Willing Mind,” Ensign, Hunyo 2011, 31–32).
Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito.
“Paano kung bukas na ang pagdating [ni Jesucristo]? Kung alam nating haharap tayo sa Panginoon bukas—sa pamamagitan ng maagang pagkamatay natin o sa di-inaasahang pagdating Niya—ano ang gagawin natin ngayon? Ano ang mga ipagtatapat natin? Anong mga gawi ang ititigil natin? Anong mga pagkukulang ang pagbabayaran natin? Ano ang mga patatawarin natin? Anong mga patotoo ang ibibigay natin?” (Dallin H. Oaks, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 9).