“Hunyo 7–13. Doktrina at mga Tipan 63: ‘Yaong Nagmumula sa Kaitaasan ay Banal,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Hunyo 7–13. Doktrina at mga Tipan 63,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Hunyo 7–13
Doktrina at mga Tipan 63
“Yaong Nagmumula sa Kaitaasan ay Banal”
Itala ang mga impresyong natatanggap mo habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 63. Ang isang impresyon ay maaaring mukhang maliit, ngunit katulad ng isang binhi, maaari itong maging isang bagay na makabuluhan at mabunga habang patuloy kang naghahanap at nagninilay-nilay.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para maituon ang inyong talakayan sa mga talatang pinakamakabuluhan sa mga miyembro ng klase, maaari mo silang anyayahang isulat sa mga piraso ng papel ang ilang talata mula sa bahagi 63 na gusto nilang talakayin. Pagkatapos ay maaari mong kolektahin ang mga papel at simulang talakayin ang mga talatang iminungkahi ng iba’t ibang miyembro ng klase. Hilingin sa kanila na ibahagi kung bakit nila pinili ang mga talatang iyon.
Ituro ang Doktrina
Ang mga tanda ay dumarating sa pamamagitan ng pananampalataya at ayon sa kalooban ng Diyos.
-
Para makapagsimula ng talakayan tungkol sa mga alituntuning itinuro sa Doktrina at mga Tipan 63:7–12, maaaring makatulong na rebyuhin ang ilang halimbawa ng mga tao sa mga banal na kasulatan na nakasaksi sa mga tanda o himala. Marahil ay maaaring mag-isip ang mga miyembro ng klase ng mga halimbawa ng mga tao na ang pananampalataya ay pinalakas ng isang tanda (tingnan, halimbawa, sa Lucas 1:5–20, 59–64) o ng mga taong nag-alinlangan kahit matapos masaksihan ang isang tanda (tingnan, halimbawa, sa 1 Nephi 3:27–31; Alma 30:43–56). Pagkatapos ay maaaring gamitin ng mga miyembro ng klase ang natutuhan nila sa Doktrina at mga Tipan 63:7–12 para ipaliwanag ang iba’t ibang reaksyong ito sa mga tanda. O maaari ninyong rebyuhin ang iba pang mga talata tungkol sa mga tanda, tulad ng mga nakalista sa ilalim ng “Palatandaan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Paano tayo makatitiyak na hindi tayo naghahanap ng o umaasa sa mga tanda bilang pundasyon ng ating pananampalataya?
Doktrina at mga Tipan 63:13–16
Ang ibig sabihin ng kalinisang-puri ay panatilihing dalisay ang ating mga iniisip at kilos.
-
Bagama’t malaking bahagi ng Doktrina at mga Tipan 63:13–16 ang tumatalakay lalo na sa pangangalunya, ang mga alituntuning itinuturo ay maaaring nauugnay sa anumang paglabag sa batas ng kalinisang-puri. Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na tukuyin ang mga naging bunga na inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 63:13–16. Maaari pa silang gumawa ng mga karatulang “mag-ingat” (talata 15) o mga tanda na mag-ingat na ibinababala ang mga bungang ito. Maaari din nilang talakayin kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng mga bungang ito. Halimbawa, bakit hahantong ang paglabag sa batas ng kalinisang-puri sa paghatol na darating sa isang tao “gaya ng isang patibong” (talata 15)? Bakit tayo pinapayuhan ng Panginoon na “magsisi agad” (talata 15) sa kasalanang seksuwal? (tingnan sa pahayag ni Sister Linda S. Reeves sa “Karagdagang Resources”).
-
Ang pagbasa sa Doktrina at mga Tipan 63:16 ay maaaring humantong sa isang talakayan tungkol sa laganap na impluwensya ng pornograpiya sa ating lipunan. Paano nauugnay ang mga babala sa talata 16 sa problemang ito? (Kahit partikular na tinutukoy ng paghahayag na ito ang mga lalaking nagnanasa sa mga babae, angkop ang mga babalang ito sa lahat.) Ano ang magagawa natin para protektahan ang ating sarili at ang ating mga mahal sa buhay laban sa pornograpiya? Maaaring handa ang mga miyembro ng klase na magbigay ng payo sa isa’t isa. Tulungan at bigyan ng pag-asa ang sinumang maaaring may problema sa pornograpiya.
Doktrina at mga Tipan 63:58–64
Ang mga banal na bagay ay dapat pagpitaganan.
-
Maaari ninyong talakayin ng klase mo ang Doktrina at mga Tipan 63:58–64 bilang babala sa paggamit ng pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan, at ang ilan sa mga talata sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan na may pamagat na “Pagkawalang-galang” (topics.ChurchofJesusChrist.org) ay maaaring makaganda sa isang talakayan. Maaari mo ring tulungan ang mga miyembro ng klase na maipamuhay ang mga talatang ito nang mas malawakan. Halimbawa, maaari ninyong talakayin kung ano ang idinaragdag ng pariralang “na walang karapatan” (talata 62) sa ating pag-unawa sa talata. Maaari ding ilista ng mga miyembro ng klase ang iba pang mga sagradong bagay na nagmumula “sa kaitaasan,” o mula sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng sambitin ang mga bagay na ito “nang may pag-iingat”? (talata 64).
Karagdagang Resources
Ang kalinisang-puri ay nagpapagindapat sa atin sa patnubay ng Espiritu Santo.
Itinuro ni Sister Linda S. Reeves, dating miyembro ng Relief Society General Presidency:
“Alam ko na walang higit na tutulong sa atin na maging karapat-dapat na makasamang palagi ang Espiritu Santo kundi ang kalinisang-puri. …
“Kapag tayo ay nanonood, nagbabasa, o gumagawa ng anumang bagay na mababa sa mga pamantayan ng ating Ama sa Langit, pinahihina tayo nito. Anuman ang ating edad, kung ang ating nakikita, nababasa, napapakinggan, o napipiling gawin ay hindi akma sa mga pamantayan ng Panginoon na nakasaad sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, isara ito, punitin ito, itapon ito, at huwag pansinin. …
“… Naniniwala ako na kung araw-araw nating aalalahanin at kikilalanin ang lalim ng pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas para sa atin, magiging handa tayong gawin ang lahat para makabalik sa Kanilang piling, napaliligiran ng walang-hanggan Nilang pagmamahal” (“Karapat-dapat sa mga Pagpapalang Ipinangako sa Atin,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 10–11).