Doktrina at mga Tipan 2021
Mayo 24–30. Doktrina at mga Tipan 58–59: “Sabik sa Paggawa ng Mabuting Bagay”


“Mayo 24–30. Doktrina at mga Tipan 58–59: ‘Sabik sa Paggawa ng Mabuting Bagay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Mayo 24–30. Doktrina at mga Tipan 58–59,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School

kalye sa Independence Missouri

Independence, Missouri, ni Al Rounds

Mayo 24–30

Doktrina at mga Tipan 58–59

“Sabik sa Paggawa ng Mabuting Bagay”

Matapos basahin ang Doktrina at mga Tipan 58–59, isipin ang sumusunod na mga tanong: Ano ang nahihikayat kang ibahagi sa klase mo? Ano ang inaasam mong matuklasan nila? Paano mo sila tutulungang matuklasan ang mga bagay na ito?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, maaari mong isulat ang sumusunod na mga tanong sa pisara: Ano ang natutuhan natin? Paano natin ipamumuhay ang natutuhan natin? Maaaring ilista ng mga miyembro ng klase sa ilalim ng unang tanong ang mga katotohanang natagpuan nila sa Doktrina at mga Tipan 58–59. Pagkatapos ay maaari silang gumugol ng ilang minuto sa pagtalakay sa mga ideya sa pamumuhay ng mga katotohanang iyon at isulat ang kanilang mga ideya sa ilalim ng pangalawang tanong.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Doktrina at mga Tipan 58:1–5, 26–33

Dumarating ang mga pagpapala ayon sa takdang panahon ng Diyos at sa ating pagsisikap.

  • Ang Doktrina at mga Tipan 58 ay nagtuturo ng mga katotohanang naghahatid ng kapayapaan sa mga oras ng pagsubok. Maaaring natuklasan ng mga miyembro ng klase ang ilan sa mga katotohanang ito sa kanilang pag-aaral ng bahaging ito; anyayahan silang ibahagi ang natagpuan nila. O maaari nilang saliksikin ang mga talata 1–5, 26–33 sa klase, nang isa-isa o sa mga grupo, para sa isang bagay na maaaring makatulong sa isang taong nahihirapan o naghihintay sa isang ipinangakong pagpapala. Matapos ibahagi ang natagpuan nila, marahil ay maaaring magbahagi ang ilang miyembro ng klase ng mga karanasan o iba pang mga talata na nagpatunay sa mga katotohanang nasa mga talatang ito.

  • Bilang bahagi ng inyong talakayan tungkol sa alituntuning ito, pag-usapan ang maaari nating gawin upang matulungan ang mga dumaranas ng paghihirap. Ang pahayag ni Sister Linda S. Reeves sa “Karagdagang Resources” ay maaari ding makatulong sa inyong talakayan. Paano naaapektuhan ng mga salita ni Sister Reeves ang pananaw natin sa ating mga pagsubok?

    3:31

Doktrina at mga Tipan 58:26–29

Maaari nating “isakatuparan ang maraming kabutihan” ayon sa ating “sariling kalooban.”

  • Ano ang natutuhan ng mga miyembro ng klase sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 58:26–29 sa linggong ito? Marahil ay maaari mong hatiin ang klase sa mga grupo at anyayahan ang mga miyembro ng klase na talakayin sa kanilang grupo ang mga pariralang natagpuan nilang makabuluhan sa mga talatang ito. Paano tayo nahihikayat ng mga talatang ito na “isakatuparan ang maraming kabutihan”? (talata 27). Bakit nais ng Panginoon na hindi tayo “[mapilitan] sa lahat ng bagay”? (talata 26). Ano ang iminumungkahi ng mga talatang ito sa kung ano ang hangad ng Panginoon na kahinatnan natin?

Doktrina at mga Tipan 59:9–19

Ang Sabbath ang araw ng Panginoon.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na siyasatin ang itinuro ng Panginoon sa naunang mga Banal sa Missouri tungkol sa Sabbath, maaari mo silang anyayahang saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 59:9–19 at ilista sa pisara kung ano ang itinuturo sa atin ng bawat talata tungkol sa Sabbath. Maaari ding ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano lumago ang kanilang patotoo tungkol sa araw ng Sabbath nang mapanatili nilang banal ang araw ng Sabbath. #&1/60#&1/60

  • Sa Doktrina at mga Tipan 59, nagturo ang Panginoon tungkol sa araw ng Sabbath gamit ang mga salitang tulad ng “kagalakan,” “maligaya,” at “masaya” (mga talata 14–15). Maaaring maghanap ang mga miyembro ng klase ng mga salitang tulad nito sa mga talata 9–19. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang ginagawa nila para maging masaya ang Sabbath. Paano natin maaaring gamitin ang mga talatang ito para ituro sa iba kung bakit natin iginagalang ang araw ng Sabbath?

  • Maaari ding maging pagkakataon ang talakayang ito para magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga ideya kung paano ginagamit ng kanilang pamilya ang Sabbath para gawing sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang kanilang tahanan. Anyayahan silang ibahagi kung paano nakakatulong ang kanilang mga pagsisikap na manatiling “lalo pa[ng] … walang bahid-dungis mula sa sanlibutan” (talata 9).

    tinapay at mga sacrament cup

    Ang sakramento ay isang mahalagang bahagi ng paggalang sa Sabbath.

icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Magagabayan tayo ng ating mga pagdurusa tungo sa Tagapagligtas.

Itinuro ni Linda S. Reeves, dating miyembro ng Relief Society General Presidency:

“Tinutulutan ng Panginoon na masubukan at mapatunayan tayo, kung minsan hanggang sa masagad ang ating kakayahan. Nakita na nating nasira ang buhay ng ating mga minamahal—at marahil ang buhay natin—hanggang sa mawasak ito at nagtaka tayo kung bakit hahayaan ng mapagmahal na Ama sa Langit na mangyari ang gayong mga bagay. Ngunit hindi Niya tayo iniiwang mag-isa; nakabukas ang Kanyang mga bisig, at sabik tayong inaanyayahang lumapit sa Kanya. …

“… Sabik Siyang tulungan tayo, aliwin tayo, at pawiin ang ating pasakit kapag umaasa tayo sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala at iginalang natin ang ating mga tipan. Ang mga pagsubok at paghihirap na dinaranas natin ay maaaring siya mismong mga bagay na gumagabay sa atin na lumapit sa Kanya at kumapit sa ating mga tipan upang makabalik tayo sa Kanyang kinaroroonan at matanggap natin ang lahat ng mayroon ang Ama” (“Kamtin ang mga Pagpapala ng Inyong mga Tipan,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 119–20).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tiyakin na totoong doktrina ang itinuturo mo. “Patuloy na itanong sa iyong sarili, ‘Paano matutulungan ng mga itinuturo ko ang mga miyembro ng klase ko na mapatatag ang kanilang pananampalataya kay Cristo, magsisi, gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos, at matanggap ang Espiritu Santo?’” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 20).