“Mayo 10–16. Doktrina at mga Tipan 49–50: ‘Yaong sa Diyos ay Liwanag,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Mayo 10–16. Doktrina at mga Tipan 49–50,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Mayo 10–16
Doktrina at mga Tipan 49–50
“Yaong sa Diyos ay Liwanag”
Para “mangaral ng salita ng katotohanan sa pamamagitan ng Mang-aaliw” (Doktrina at mga Tipan 50:17), maghangad ng banal na inspirasyon habang pinagninilayan mo ang Doktrina at mga Tipan 49–50. Pagkatapos ay maging bukas sa patnubay ng Diyos habang nagtuturo ka.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Bukod pa sa pagbabahagi ng mga pananaw na natanggap nila habang pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan, maaaring makinabang ang mga miyembro ng klase sa pagtalakay kung paano dumarating ang mga pananaw na iyon. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga pananaw sa isa’t isa tungkol sa isang talata sa Doktrina at mga Tipan 49–50 at talakayin kung ano ang nag-akay sa kanila sa mga pananaw na iyon.
Ituro ang Doktrina
Doktrina at mga Tipan 49; 50:1–36
Matutulungan ako ng mga katotohanan ng ebanghelyo na kilalanin ang mga maling turo.
-
Ang bahagi 49 ay ibinigay upang pagtibayin ang totoong doktrina na nagtuwid sa itinuturo ng iba (tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para sa ilang impormasyon sa likod ng kasaysayan). Para matulungan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang bahaging ito, maaari mong hatiin ang mga miyembro ng klase sa mga grupo at atasan ang bawat grupo ng isa sa sakop na mga paksa ng doktrina (ayon sa nakalista sa section heading para sa bahagi 49). Maaaring talakayin ng grupo ang sumusunod na mga tanong: Anong mga katotohanan ang itinuro ng Panginoon tungkol sa paksang ito sa bahagi 49? Ano ang pinaniniwalaan ng mga tao tungkol sa paksang ito ngayon? Anong iba pang mga katotohanan ang naituro ng Panginoon tungkol dito sa pamamagitan ng ating mga propeta sa mga huling araw? Bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang pasasalamat sa mga katotohanang inihayag sa ating panahon.
-
Gaya ng mga elder sa Kirtland na “hindi makaunawa sa mga pagpapakita ng mga iba’t ibang espiritu” (Doktrina at mga Tipan 50, section heading), kung minsa’y iniisip natin kung ang nadarama o nakikita natin ay nagmumula sa Espiritu o sa iba pang impluwensya. Ano ang matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 50:1–36 na makakatulong sa atin na kilalanin ang impluwensya ng Espiritu? Maaari mong papiliin ang bawat miyembro ng klase ng isang grupo ng mga talatang pag-aaralan at pagkatapos ay hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang matagpuan nila.
Doktrina at mga Tipan 49:15–17
Ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay mahalaga sa plano ng Diyos.
-
Dahil mahalaga ang kasal sa plano ng Ama sa Langit, masugid si Satanas na lumikha ng kalituhan tungkol dito. Maaaring makinabang ang klase mo sa paglista sa pisara ng mga katotohanang naihayag ng Panginoon tungkol sa kasal. Halimbawa, anong mga katotohanan tungkol sa kasal ang matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 49:15–17? Kabilang sa iba pang makakatulong na mga talata ang Genesis 2:20–24; I Mga Taga Corinto 11:11; o iba pa na matatagpuan sa “Kasal, Pagpapakasal” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Maaari ding makakita ng mga katotohanan ang mga miyembro ng klase sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Batay sa natututuhan natin mula sa resources na ito, bakit mahalaga ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae sa plano ng Diyos? (tingnan sa “Karagdagang Resources”).
Doktrina at mga Tipan 50:13–22
Ang mga guro at mga mag-aaral ay magkakasamang pinalalakas ng Espiritu.
-
Ang tagubilin ng Panginoon tungkol sa pangangaral at pagtanggap ng katotohanan ay maaaring magbigay ng magandang pagkakataong talakayin ang magkaparehong papel o tungkulin mo bilang guro at ng mga miyembro ng klase sa pagpapabuti ng pag-aaral ng ebanghelyo. Isiping hilingin sa mga miyembro ng klase na rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 50:13–22 nang magkakapares at talakayin ang mga tungkulin ng Espiritu, mga guro, at mga mag-aaral. Ang ilang magkakapartner ay maaaring magbahagi sa klase ng natutuhan nila. Ano ang “ibang [mga] pamamaraan” na sinusubukan natin kung minsan na ituro o matutuhan ang ebanghelyo? (talata 17). Paano tayo magiging mas mahusay sa pagtanggap sa pamamagitan ng Espiritu? Ano ang nahihikayat tayong gawin sa ating tahanan at sa simbahan para mas maituro at matutuhan ang ebanghelyo?
Karagdagang Resources
Mahalaga ang kasal sa plano ng Ama sa Langit.
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar kung bakit mahalaga ang kasal sa plano ng kaligtasan ng Diyos:
“Sa banal na plano, ang mga lalaki’t babae ay nilayong umunlad na magkasama tungo sa kaganapan at puspos na kaluwalhatian. Dahil sa magkaiba nilang mga pag-uugali at kakayahan, hatid ng mga lalaki’t babae sa pagsasama nila ang mga natatanging pananaw at karanasan. Magkaiba ngunit magkapantay ang ambag ng lalaki at babae tungo sa pagkakaisa na hindi makakamit sa ibang paraan. Ang lalaki ay kinukumpleto at ginagawang ganap ang babae at ang babae ay kinukumpleto at ginagawang ganap ang lalaki habang natututo sila sa isa’t isa at parehong napapalakas at napagpapala ang bawat isa. …
“Ang tahanang may mapagmahal at tapat na mag-asawa ang pinakamainam na lugar kung saan mapapalaki ang mga anak sa pagmamahal at kabutihan at kung saan matutugunan ang espirituwal at pisikal na pangangailangan ng mga bata. Tulad ng mga magkakaibang katangian ng mga lalaki at babae na nakatutulong sa pagiging kumpleto ng pagsasama ng mag-asawa, ang mga katangian ding iyon ay mahalaga sa pagpapalaki, pangangalaga, at pagtuturo ng mga anak” (“Mahalaga ang Kasal sa Kanyang Walang Hanggang Plano,” Liahona, Hunyo 2006, 83–84).