Doktrina at mga Tipan 2021
Mayo 17–23. Doktrina at mga Tipan 51–57: “Isang Matapat, Makatarungan, at Matalinong Katiwala”


“Mayo 17–23. Doktrina at mga Tipan 51-57: ‘Isang Matapat, Makatarungan, at Matalinong Katiwala,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Mayo 17–23. Doktrina at mga Tipan 51–57,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School

magsasakang may kasamang baka

Unang Kanal, ni James Taylor Harwood

Mayo 17–23

Doktrina at mga Tipan 51–57

“Isang Matapat, Makatarungan, at Matalinong Katiwala”

Kung minsan ay maaaring dumating ang inspirasyon kung ano ang ituturo habang tinatalakay mo ang mga banal na kasulatan sa isang kapamilya o kaibigan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isiping ibahagi ang mga salitang ito mula kay Elder Quentin L. Cook: “Inaasam ko na pag-iisipang muli ng bawat isa sa atin at bilang pamilya ang mga pangangasiwa na may responsibilidad tayo at pananagutan” (“Pangangasiwa—Isang Sagradong Pagtitiwala,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 94). Pagkatapos ay maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase kung ano ang natutuhan nila mula sa mga bahagi 51–57 tungkol sa kanilang mga pangangasiwa.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Doktrina at mga Tipan 51:9, 15–20

Nais ng Panginoon na tayo ay maging matapat, makatarungan, at matalinong katiwala.

  • Paano mo tutulungan ang mga miyembro ng klase na isipin kung paano naaangkop ang mga salita ng Panginoon sa bahagi 51 sa kanila? Maaari mong isulat sa pisara ang Ano ang naipagkatiwala ng Panginoon sa akin? at anyayahan ang mga miyembro ng klase na ilista ang kanilang mga sagot (tingnan ang “Karagdagang Resources” para sa mga ideya). Pagkatapos ay maaari nilang saliksikin ang mga alituntunin sa mga talata 9, 15–20 na nagtuturo sa kanila kung paano maging mas mabubuting katiwala sa mga bagay na nasa kanilang listahan. O maaari kang magtuon sa mga salitang “matapat,” “makatarungan,” at “matatalino” sa talata 19, na tinatalakay kung paano tayo magagabayan ng bawat isa sa mga salitang ito sa pagtupad sa ating mga pangangasiwa. Kung kinakailangan, sama-samang rebyuhin ang kahulugan ng “Katiwala, Ipinagkatiwala” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

luntiang bukid

Ang mga miyembro na sumusunod sa batas ng lubos na paglalaan ay ibinigay ang lahat ng mayroon sila sa Simbahan.

Doktrina at mga Tipan 52:10; 53:3; 55:1–3

Ang kaloob na Espiritu Santo ay tinatanggap sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.

  • Binabanggit sa maraming talata sa mga paghahayag na ito ang pagtanggap ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Kung magiging mahalaga ang isang talakayan tungkol sa paksang ito sa klase mo, maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase kung ano ang natututuhan nila mula sa Doktrina at mga Tipan 52:10; 53:3; 55:1–3 tungkol sa kaloob na Espiritu Santo. Para sa iba pa tungkol sa paksang ito, tingnan sa Mga Gawa 8:14–17; 19:1–6. Marahil ay maaaring ikuwento ng mga miyembro ng klase ang kanilang karanasan sa pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo o kung ano ang magagawa nila para patuloy na matanggap ang Kanyang impluwensya sa kanilang buhay.

Doktrina at mga Tipan 52:9–11, 22–27

Maibabahagi natin ang ebanghelyo saanman tayo naroon.

  • Nang isugo ng Panginoon ang ilang pinuno ng Simbahan sa Missouri, sinabi Niya sa kanila na gamitin ang oras na ginugugol sa paglalakbay at “mangaral sa daan” (mga talata 25–27). Ang pagbasa sa Doktrina at mga Tipan 52:9–11, 22–27 ay maaaring humantong sa pag-uusap kung paano natin maibabahagi ang ebanghelyo “sa daan,” o sa panahon na normal ang takbo ng ating buhay. Maaaring ikuwento ng mga miyembro ng klase kung paano nila ginagawang likas na bahagi ng kanilang buhay ang pagbabahagi ng ebanghelyo.

Doktrina at mga Tipan 52:14–19

Nagbigay ang Diyos ng isang huwaran sa pag-iwas sa panlilinlang.

  • Para maipaalam ang huwarang inihayag ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 52:14–19, maaari kang magbahagi ng mga halimbawa ng iba pang mga huwaran na maaaring pamilyar sa mga miyembro ng klase, tulad ng mga huwaran sa pagbuo ng mga bagay-bagay o sa pag-uugali. Maaaring may maibabahaging sariling mga halimbawa ang mga miyembro ng klase. Bakit mahalaga ang mga huwaran? Paano natin maiaangkop ang huwaran sa mga talata 14–19 para maiwasan ang panlilinlang na nakikita natin sa mundo ngayon?

Doktrina at mga Tipan 54

Makakabaling ako sa Panginoon kapag nasasaktan ako dahil sa mga pagpili ng iba.

  • Marami sa atin ang nakaranas ng pagkasiphayo nang hindi tumupad sa kanyang mga pangako ang isang taong inasahan natin. Nangyari ito sa mga Banal mula sa Colesville, New York, na umasang manirahan sa lupain ni Leman Copley sa Ohio. Para matuto mula sa karanasang ito, maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang heading sa bahagi 54 (tingnan din sa Mga Banal, 1:143–47; “Isang Bishop sa Simbahan,” Revelations in Context, 78–79). Maaari nilang isipin na kunwari’y may kaibigan sila sa mga Banal sa Colesville at pagkatapos ay hanapin ang payo sa bahagi 54 na maaari nilang ibahagi sa kanilang kaibigan. O maaari nilang saliksikin ang paghahayag para sa isang bagay na maaaring makatulong sa isang tao na nahihirapan dahil sa mga pagpapasiya ng ibang tao. (Maaari mong banggitin ang pangako sa talata 6 sa mga tumutupad sa kanilang mga tipan.)

  • Ang Doktrina at mga Tipan 54:10 ay may ilang pariralang maaaring makabuluhan sa mga miyembro ng klase mo, tulad ng “mapagtiis sa pagdurusa,” “naghanap sa akin nang maaga,” at “kapahingahan sa kanilang mga kaluluwa.” Maaaring pumili ng isang parirala ang mga miyembro ng klase para pagnilayan at pag-aralan, gamit ang mga footnote o iba pang resources sa pagsisiyasat sa kaugnay na mga talata. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi ang kanilang mga naiisip.

icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Ang ating mga pangangasiwa.

Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Sa Simbahan ang pangangasiwa ay isang sagradong espirituwal o temporal na pagtitiwala na may kaakibat na pananagutan. Dahil lahat ng bagay ay pag-aari ng Panginoon, tayo ay mga katiwala sa ating katawan, isipan, pamilya, at ari-arian. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 104:11–15.) Ang isang matapat na katiwala ay isang taong gumagamit ng matwid na pamamahala, nangangalaga sa sarili niyang ari-arian, at nagmamalasakit sa maralita at nangangailangan” (“Welfare Services: The Gospel in Action,” Ensign, Nob. 1977, 78).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga mag-aaral na suportahan ang isa’t isa. Lumikha ng isang kapaligiran sa klase kung saan sinusuportahan at hinihikayat ng mga mag-aaral ang isa’t isa. Anyayahan silang magbahagi ng mga ideya at estratehiya na makakaganda sa kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral ng kanilang pamilya. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 36.)