“Abril 26–Mayo 2. Doktrina at mga Tipan 45: ‘Ang mga Pangako … ay Matutupad,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Abril 26–Mayo 2. Doktrina at mga Tipan 45,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Abril 26–Mayo 2
Doktrina at mga Tipan 45
“Ang mga Pangako … ay Matutupad”
Habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 45, isipin kung anong mga talata, sipi mula sa mga pinuno ng Simbahan, karanasan, tanong, at iba pang resources ang maaari mong gamitin para ituro ang doktrina. Habang nagtuturo ka, anyayahan ang mga miyembro ng klase na itala ang mga pahiwatig na natatanggap nila at planuhing kumilos ayon sa mga ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Maaaring isulat ng mga miyembro ng klase sa kapirasong papel ang numero ng isang talata mula sa Doktrina at mga Tipan 45 na nakahikayat sa kanila. Pagkatapos ay maaari mong kolektahin ang mga papel, pumili ka ng ilan dito, at anyayahan mo ang mga miyembro ng klase na nagsulat sa mga ito na basahin sa klase ang kanilang mga talata at ibahagi kung bakit pinili nila ang mga ito. Hikayatin ang iba na ibahagi rin ang kanilang mga kabatiran.
Ituro ang Doktrina
Si Jesucristo ang ating Tagapamagitan sa Ama.
-
Mailalarawan ba ng isang tao sa klase ninyo kung ano ang ginagawa ng isang tagapamagitan? Maaaring makatulong na hanapin ang kahulugan ng tagapamagitan sa diksyunaryo. Sa pagkaunawang ito, maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Doktrina at mga Tipan 45:3–5 nang magkakapares. Maaari nilang ibahagi sa isa’t isa ang anumang mga salita o parirala mula sa mga talatang ito na nagpapaunawa sa kanila sa papel na ginagampanan ni Jesucristo bilang ating Tagapamagitan sa Ama. (Tingnan din sa 2 Nephi 2:8–9; Mosias 15:7–9; Moroni 7:27–28; Doktrina at mga Tipan 29:5; 62:1.) Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang damdamin tungkol sa pagiging Tagapamagitan ng Tagapagligtas sa kanila.
Doktrina at mga Tipan 45:11–75
Hindi natin kailangang katakutan ang Ikalawang Pagparito.
-
Paano mo maipapakita sa mga miyembro ng klase kapwa ang malulungkot na babala at ang mga pangakong nagbibigay ng pag-asa sa bahagi 45? Halimbawa, maaari mong isulat sa pisara ang mga heading na Mga Propesiya at Ipinangakong mga Pagpapala, at maaaring isulat ng mga miyembro ng klase sa ilalim ng mga heading na ito ang mga turong natagpuan nila sa Doktrina at mga Tipan 45:11–75. Bakit nanaisin ng Panginoon na malaman natin ang mga bagay na ito nang maaga? Ano ang magagawa natin para matanggap ang ipinangakong mga pagpapala?
-
Marahil ay maaaring magbigay ng payo ang mga miyembro ng klase sa isa’t isa kung paano maging maganda ang pananaw at magkaroon ng pag-asa kapag nahaharap tayo sa mga kalamidad na ipinropesiya para sa ating panahon (tulad ng mga inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 45:11–75). Tulungan ang mga miyembro ng klase na asamin ang Ikalawang Pagparito nang may pananampalataya sa halip na matakot. Sa anong paraan nanlulupaypay ang mga puso ng mga tao sa ating panahon? (tingnan sa talata 26). Anong payo ang narinig o nabasa mo kamakailan mula kay Pangulong Nelson o sa mga pinuno ng Simbahan na makakatulong sa atin na harapin ang nakakatakot na mga sitwasyon nang may kapayapaan?
3:26
Doktrina at mga Tipan 45:31–32
“[Tumayo] sa mga banal na lugar,” at huwag matinag.
-
Maaaring handa ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng kanilang mga pananaw kung paano sila nagsisikap na “[tumayo] sa mga banal na lugar,” tulad ng ipinayo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 45:31–32. Paano tayo makalilikha ng mga banal na lugar sa ating buhay? Ang pahayag sa “Karagdagang Resources” ay maaaring magdagdag ng mga pananaw sa talakayang ito.
Karagdagang Resources
“Tumayo sa mga banal na lugar.”
Itinuro ni Sister Ann M. Dibb, dating miyembro ng Young Women General Presidency, na ang tagubilin na tumayo sa mga banal na lugar at huwag matinag “ay [nagpapa]liwanag … kung paano tayo makatatanggap ng proteksyon, lakas, at kapayapaan sa panahon ng kaguluhan.” Matapos pansinin na maaaring kabilang sa mga banal na lugar na ito ang ating mga templo, chapel, at tahanan, sinabi niya na “bawat isa sa atin ay makakahanap ng marami pang lugar.” Pagpapatuloy pa niya:
“Maaaring isipin muna natin ang salitang lugar bilang pisikal na kapaligiran o lugar sa mapa. Gayunman, ang isang lugar ay maaaring ‘isang malinaw na kundisyon, posisyon, o pananaw’ [Merriam-Webster.com Dictionary, “place,” merriam-webster.com]. Ibig sabihin maaari ding kabilang sa mga banal na lugar ang mga di-malilimutang sandali—mga sandali na nagpapatotoo sa atin ang Espiritu Santo, nadarama natin ang pagmamahal ng Ama sa Langit, o kapag tumatanggap tayo ng sagot sa ating mga panalangin. Higit pa rito, naniniwala ako na kapag malakas ang inyong loob na manindigan sa tama, lalo na sa mga sitwasyon kung saan walang ibang gustong gumawa nito, lumilikha kayo ng banal na lugar” (“Ang Inyong mga Banal na Lugar,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 115).