Doktrina at mga Tipan 2021
Mayo 3–9. Doktrina at mga Tipan 46–48: “Masigasig Ninyong Hanapin ang mga Pinakamahusay na Kaloob”


“Mayo 3–9. Doktrina at mga Tipan 46–48: ‘Masigasig Ninyong Hanapin ang mga Pinakamahusay na Kaloob,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Mayo 3–9. Doktrina at mga Tipan 46–48,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021

mga taong nagpupulong sa may lawa

Ang Pulong sa Kampo, ni Worthington Whittredge

Mayo 3–9

Doktrina at mga Tipan 46–48

“Masigasig Ninyong Hanapin ang mga Pinakamahusay na Kaloob”

Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 46–48, maaaring magpatotoo sa iyo ang Espiritu Santo tungkol sa mga katotohanan sa mga bahaging ito. Matutulungan ka ng pagtatala at pagrerebyu ng mga impresyon na makahanap ng mga paraan para matulungan ang mga miyembro ng klase na tuklasin ang mga katotohanan ding ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na ibahagi, paminsan-minsan, kung ano na ang lagay ng kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral ng kanilang pamilya ng mga banal na kasulatan. Halimbawa, kapag nagbabahagi ng pananaw ang mga miyembro ng klase tungkol sa isang bagay na natuklasan nila o ng isang kapamilya sa linggong ito, maaari mo silang tanungin kung ano ang ginagawa nila habang nag-aaral sila na naghikayat sa mga pananaw na iyon.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Doktrina at mga Tipan 46:1–7

Dapat nating malugod na tanggapin ang lahat sa Simbahan ni Jesucristo.

  • Para sa marami, ang pakiramdam at nadarama nila sa mga miting ng Simbahan ay maaaring makaimpluwensya nang malaki sa pagiging aktibo nila sa Simbahan. Ang mga tagubilin ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 46:1–7 ay makakatulong upang maging mas malugod ang pagtanggap ng mga miyembro sa inyong ward, at mas makabuluhan ang mga karanasan sa pagsamba para sa isa’t isa at sa mga bisita. Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang ito, na naghahanap ng mga alituntuning may kaugnayan sa mga miting ng Simbahan at ilista sa pisara ang natagpuan nila. Sa bawat item sa listahan, maaaring talakayin ng klase ang ilang halimbawa na nagpapamalas ng alituntuning iyon.

  • Paano matutulungan ng mga tagubilin ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 46 ang mga miyembro ng klase na ituring ang mga miting ng Simbahan na isang pagkakataon para madama ang Espiritu Santo? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 46:2 at talakayin kung kailan nila nakita ang mga lider at guro na nangasiwa sa mga miting sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ano ang papel o tungkulin ng mga dumadalo sa mga miting? Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga pagkakataon na nadama nila na pinatnubayan at ginabayan ng Espiritu Santo ang isang miting.

  • Marahil ay maaari mong anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga karanasan nang una silang dumalo sa isang miting ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ano ang nakatulong sa kanila na madama na tanggap sila? Anong payo ang ibibigay nila sa iba pang mga miyembro para maging mas malugod ang pagtanggap sa mga miting ng ating Simbahan? Paano natin maisasabuhay ang payo ng Panginoon na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 46:1–7? Sabihin sa mga miyembro ng klase na magsanay ng sasabihin nila kung makakita sila ng isang estranghero na papasok sa chapel sa unang pagkakataon.

  • Maaari ding makatulong ang isang himnong tulad ng “Awit ang Papuri sa Pag-ibig” (Mga Himno, blg. 105) para isipin at talakayin ng mga miyembro ng klase kung paano gawing mas malugod ang pagtanggap at nagpapasigla ang mga miting natin sa Simbahan. Maaari sigurong sama-samang kantahin ng mga miyembro ng klase ang himno at magbahagi sila ng mga ideya mula sa mga titik kung paano tulungan ang iba na madama ang pag-ibig ng Diyos sa simbahan.

    mga miyembro sa simbahan

    Itinuro ng Panginoon na lahat ay malugod na tatanggapin sa Kanyang Simbahan.

Doktrina at mga Tipan 46:7–33

Ang Ama sa Langit ay nagbibigay ng mga espirituwal na kaloob para sa kapakinabangan ng Kanyang mga anak.

  • Matatag na naniwala ang mga naunang Banal sa mga pagpapahayag ng Espiritu Santo. Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase mo na lumakas ang kanilang pananampalataya na ang mga kaloob na ito ay maaaring makita sa ating buhay ngayon? Maaari kang magsimula sa pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na basahin ang Doktrina at mga Tipan 46:7–33 nang magkakapares o sa maliliit na grupo. Hilingin sa kanila na maghanap ng kahit limang espirituwal na kaloob lamang at talakayin kung paano nila nakita ang mga kaloob na iyon sa kanilang buhay o sa buhay ng isang taong kilala nila—kabilang na ang mga tao sa klase. Ano ang nakita nila na maaari nilang ibahagi sa klase upang palakasin ang kanilang pananampalataya sa mga kaloob na ito?

  • Ipinahayag ng Panginoon na ang mga kaloob ng Espiritu ay para sa kapakinabangan ng matatapat at “hindi [bilang] tanda” (talata 9). Marahil ay maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase kung paano nakikinabang ang matatapat sa mga espirituwal na kaloob. Paano makakatulong ang mga kaloob na ito sa mga nagnanais na magkaroon o magpalakas ng kanilang patotoo tungkol sa ebanghelyo?

  • May ilang taong nagmamahal sa Diyos at nagsisikap na sundin ang Kanyang mga utos ngunit hindi nadarama na nakaranas na sila ng anumang mga kaloob ng Espiritu. Paano maaaring makatulong ang payo sa Doktrina at mga Tipan 46:7–33?

Doktrina at mga Tipan 47

Mapapatnubayan tayo ng Espiritu Santo kapag ginagampanan natin ang ating mga tungkulin.

  • Maraming taong makakaugnay sa nadama ni John Whitmer nang naisin niyang tiyaking muli na ang kanyang tungkulin ay nagmula sa Diyos. Maaari sigurong magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasan nila na katulad nito. Ano ang nakikita natin sa Doktrina at mga Tipan 47 na maaaring nagbigay ng tiwala kay John Whitmer sa kanyang tungkulin?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ang tungkulin mo bilang guro. Ang pagtuturo ay higit pa sa paglalahad lamang ng impormasyong naihanda mo. Bukod sa iba pa, kabilang dito ang paglikha ng isang kapaligiran kung saan matututuhan at matutuklasan ng mga miyembro ng klase ang mga katotohanan para sa kanilang sarili at maibabahagi sa iba ang natutuhan nila. Halimbawa, sa buong lesson, tanungin ang mga miyembro ng klase tungkol sa kanilang mga karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa tahanan.