Doktrina at mga Tipan 2021
Oktubre 4–10. Doktrina at mga Tipan 111–114: “Aking Isasaayos ang Lahat ng Bagay para sa Inyong Kabutihan”


“Oktubre 4–10. Doktrina at mga Tipan 111–114: ‘Aking Isasaayos ang Lahat ng Bagay para sa Inyong Kabutihan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Oktubre 4–10. Doktrina at mga Tipan 111–114,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021

si Joseph Smith na nangangaral

Oktubre 4–10

Doktrina at mga Tipan 111–114

“Aking Isasaayos ang Lahat ng Bagay para sa Inyong Kabutihan”

Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 111–14, isipin ang mga espirituwal na katotohanan na nais ng Panginoon na maunawaan ng mga miyembro ng iyong klase. Gagabayan ka ng Espiritu Santo na malaman kung anong mga alituntunin ang dapat mong pagtuunan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isiping magdrowing ng isang baul ng kayamanan sa pisara. Maaaring isulat sa pisara ng mga miyembro ng klase ang mga talata mula sa mga bahagi 111–14 kung saan may natagpuan sila na itinuturing nilang “maraming kayamanan” (Doktrina at mga Tipan 111:2). Hilingin sa ilang miyembro na ibahagi ang nakita nilang mahahalagang bagay sa mga talatang iyon.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Doktrina at mga Tipan 111

Ang Panginoon ay “isasaayos ang lahat ng bagay para sa [ating] kabutihan.”

  • Ang payo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 111 ay makakatulong sa mga miyembro ng klase mo kapag nag-aalala sila tungkol sa temporal o espirituwal na problema, tulad noong makatulong ito kay Joseph Smith sa kanyang mga problema tungkol sa Sion. Maaari kang magsimula ng isang talakayan tungkol sa bahaging ito sa pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na ilista sa pisara ang mga bagay na ipinag-aalala nila o ng mga taong kilala nila. Pagkatapos, habang iniisip ang mga problemang iyon, maaari nilang saliksikin ang bahagi 111 para sa payo at aliw na ibinibigay ng Panginoon para tulungan tayo. Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano sila natulungan ng Tagapagligtas nang sumampalataya sila sa Kanya.

  • Maaaring nagkaroon na ng mga karanasan ang mga miyembro ng klase mo na katulad ng kay Joseph—nang madama nila na tinanggap sila ng Panginoon sa kabila ng kanilang “mga kahangalan” (Doktrina at mga Tipan 111:1). Paano inihahalimbawa ng kanilang mga karanasan ang mga katotohanang itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 111? Halimbawa, kailan nila nadama na ang Panginoon ay “[isinaayos] ang lahat ng bagay para sa [kanilang] kabutihan”? (talata 11). Ano ang itinuturo ng mga karanasang ito sa kanila tungkol sa Tagapagligtas at tungkol sa kanilang sarili?

Doktrina at mga Tipan 112:3–15, 22

Gagabayan ng Panginoon ang mga mapagpakumbabang naghahangad ng Kanyang kalooban.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na talakayin kung ano ang itinuturo ng bahagi 112 tungkol sa pagpapakumbaba, isiping hatiin ang klase sa tatlong grupo. Bigyan ang bawat grupo ng isa sa sumusunod na mga tanong na pagninilayan habang nirerebyu nila ang mga talata 3–15 at 22: Ano ang pagpapakumbaba? Paano tayo magiging mas mapagpakumbaba? Anong mga pagpapala ang ipinangako sa mga mapagpakumbaba? Bigyan ng oras ang klase na ibahagi ang kanilang mga sagot. Maaaring makakuha ang mga grupo ng karagdagang mga ideya sa pagbabasa ng pahayag ni Elder Quentin L. Cook sa “Karagdagang Resources” o sa bahaging may pamagat na “Pagpapakumbaba” sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 138). Bakit mahalaga ang pagpapakumbaba sa paggawa ng gawain ng Panginoon?

    dalawang taong nagdarasal

    Kung tayo ay mapagpakumbaba, gagabayan tayo ng Panginoon at sasagutin ang ating mga dalangin.

Doktrina at mga Tipan 112:12–26

Yaong mga tunay na nagbalik-loob ay nakikilala si Jesucristo.

  • Ang katotohanan na tinalikuran ng ilang Apostol ang Propeta noong 1837 ay isang magandang paalala na anuman ang tungkulin natin o gaano man karami ang alam natin tungkol sa ebanghelyo, kailangang tiyakin ng bawat isa sa atin na tunay tayong nagbalik-loob. Ang pagbasa sa payo ng Panginoon kay Thomas B. Marsh para tulungan siyang pagkaisahin ang Korum ng Labindalawa ay makapagbibigay ng mga ideya sa klase mo kung ano ang kahulugan ng pagbabalik-loob. Marahil ay maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Doktrina at mga Tipan 112:12–26 habang iniisip ang isang kapamilya o kaibigan—isang taong maaaring nahihirapang manampalataya. Anong mga katotohanan sa mga talatang ito ang bibigyang-diin ng mga miyembro ng klase para tulungan ang taong iyon na mas lubos na magbalik-loob? Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung ano ang magagawa nila para mapalakas ang sarili nilang pagbabalik-loob sa Panginoon.

icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Ang katangiang katulad ni Cristo na pagpapakumbaba.

Itinuro ni Elder Quentin L. Cook:

“Nakalulungkot na sa ating panahon sa halos bawat yugto ng lipunan, napapansin natin na ipinangangalandakan ang pagpapahalaga sa sarili at pagyayabang samantalang ang kababaang-loob at pananagutan sa Diyos ay minamaliit. Malaking bahagi ng lipunan ang nawalan na ng tamang asal at hindi nauunawaan kung bakit narito tayo sa lupa. Ang tunay na pagpapakumbaba, na kailangan upang makamit ang layon ng Panginoon para sa atin, ay bihirang makita.

Mahalagang maunawaan ang tindi ng pagpapakumbaba, pagkamatuwid, pag-uugali, at katalinuhan ni Cristo, gaya ng makikita sa mga banal na kasulatan. Kahangalan ang maliitin ang kahalagahan ng patuloy na pagsisikap para sa mga katangiang ito ni Cristo sa araw-araw, lalo na ang kababaang-loob. …

“Noong Hulyo 23, 1837, si Propetang Joseph ay nakipagkita kay Elder Thomas B. Marsh, na Pangulo ng Korum ng Labindalawa. Si Elder Marsh ay halatang nadismaya na tinawag ng Propeta ang dalawang miyembro ng kanyang korum para magpunta sa England nang hindi sumasangguni sa kanya. Nang kausap na ni Joseph si Elder Marsh, ang anumang pagdaramdam ay isinantabi, at ang Propeta ay nakatanggap ng pambihirang paghahayag. Ito ngayon ang ika-112 bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Ito ay nagbibigay ng pambihirang direksyon mula sa langit ukol sa pagpapakumbaba at gawaing misyonero. Sa talata 10 mababasa na, ‘Maging mapagpakumbaba; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin’ [Doktrina at mga Tipan 112:10; idinagdag ang pagbibigay-diin]” (“Ang Araw-araw na Walang-Hanggan,” Liahona, Nob. 2017, 51–52).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtuon sa mga tao. “Ang pakikitungo mo sa mga tao ay kasinghalaga ng itinuturo mo sa kanila. Kung minsan, ang kaabalahan natin sa paglalahad ng lesson ay humahadlang sa atin na pakitaan ng pagmamahal ang mga tinuturuan natin. … Isipin kung paano ka makapagtutuon ng pansin sa pinakamahalaga” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 6).