Doktrina at mga Tipan 2021
Oktubre 11–17. Doktrina at mga Tipan 115–120: “Ang Kanyang Hain ay Mas Banal sa Akin Kaysa sa Kanyang Yaman”


“Oktubre 11–17. Doktrina at mga Tipan 115–120: ‘Ang Kanyang Hain ay Mas Banal sa Akin Kaysa sa Kanyang Yaman,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Oktubre 11–17. Doktrina at mga Tipan 115–120,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021

Far West

Far West, ni Al Rounds

Oktubre 11–17

Doktrina at mga Tipan 115–120

“Ang Kanyang Hain ay Mas Banal sa Akin Kaysa sa Kanyang Yaman”

Habang naghahanda kang magturo, tandaan na ang iyong pangunahing layunin ay tulungan ang iba na mapalakas ang pananampalataya kay Jesucristo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Bago mo banggitin ang mga alituntunin mula sa mga bahagi 115–20 na naging makabuluhan sa iyo, hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi kung ano ang naging makabuluhan sa kanila. Halimbawa, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na kumpletuhin ang pangungusap na ito: “Nagpapasalamat akong mabasa ang mga bahagi 115–20. dahil …”

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Doktrina at mga Tipan 115:4–6

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang tanggulan at isang kanlungan.

  • Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan” (Liahona, Nob. 2018, 87–90) para sa mga ideyang tutulong sa kanila na maunawaan ang mga talata 4–6. Bakit mahalagang gamitin ang tamang pangalan ng Simbahan?

  • Matapos basahin nang sama-sama ang Doktrina at mga Tipan 115:4–6, maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase kung paanong katulad ng liwanag o sagisag ang Simbahan at mga miyembro nito. Maaari kang magpakita ng larawan ng isang parolang binabagyo at itanong sa mga miyembro ng klase kung paano ito nauugnay sa mensahe ng mga talata 5–6. Paano nakapagbigay sa iyo ng “kanlungan mula sa bagyo” ang pagtitipon sa “Sion, at … sa kanyang mga istaka”? (talata 6).

    parola

    Maaari tayong magliwanag na tulad ng mga ilaw para tulungan ang iba na makatagpo ng kanlungan sa Simbahan.

Doktrina at mga Tipan 117

Ang ating hain ay banal sa Panginoon.

  • Anyayahan ang mga miyembro ng klase na isipin na kunwari ay sila si Newel K. Whitney o ang kanyang asawang si Elizabeth, na may-ari ng matagumpay na tindahan sa Kirtland ngunit inutusan ng Panginoon na lisanin ang kanilang ari-arian at lumipat sa Missouri. Pagkatapos ay maaari nilang basahin ang mga talata 1–11 at ibahagi ang isang bagay na sinabi ng Panginoon na tutulong sa kanila na gawin ang sakripisyong ito.

  • Maaaring makatulong ang mga visual aid para isipin ng mga miyembro ng klase ang “patak” na kung minsa’y ninanasa natin sa halip na ang “mabibigat na bagay” (talata 8). Isiping magpakita ng mga bagay na gaya ng isang patak ng tubig at isang bote ng tubig o isang chocolate chip at isang chocolate bar. Maaari sigurong makaisip ang mga miyembro ng klase ng iba pang mga halimbawa. Maaari mo ring isulat sa pisara ang patak at mabibigat na bagay at hilingin sa mga miyembro ng klase na maglista ng mga halimbawa ng mga bagay na maaaring kailangan nating “bitawan” (talata 5) para matanggap ang “kasaganaan” ng Diyos (talata 7).

  • Kung nagkaroon ng mga impresyon ang mga miyembro ng klase habang binabasa ang mga salita ng Panginoon tungkol kay Oliver Granger sa mga talata 12–15, anyayahan silang magbahagi. Bakit kaya mas banal ang ating mga hain sa Panginoon kaysa sa ating yaman?

Doktrina at mga Tipan 119–20

Sa pagbabayad ng ikapu, tinutulungan nating itayo at “gawing banal ang lupain ng Sion.”

  • Isipin ang espirituwal na lakas na maaaring magmula sa pagbabahagi ng mga miyembro ng klase sa isa’t isa ng mga pagpapalang natanggap nila mula sa pagsunod sa batas ng ikapu. Maaari rin nilang basahin ang Doktrina at mga Tipan 119:6 at talakayin kung paano kinakaya ng batas na ito na “gawing banal ang lupain ng Sion” at gawing “lupain ng Sion sa [atin]” ang ating mga ward o branch. Maaari rin nilang basahin ang Malakias 3:8–12 para matukoy ang mga pagpapalang ipinapangako ng Panginoon sa pagbabayad ng ikapu.

  • Kung may mga tanong ang mga miyembro ng klase kung paano ginagamit ang ikapu, maaari mo silang anyayahang basahin ang bahagi 120 at ang paliwanag sa “Karagdagang Resources.” (Nagbigay rin si Elder David A. Bednar ng makakatulong na paglalarawan sa “Mga Dungawan sa Langit” [Liahona, Nob. 2013, 19–20].) Paano natin matutulungan ang iba na maragdagan ang kanilang pananampalataya sa batas ng ikapu ng Panginoon?

icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Ang Konseho sa Pamamahagi ng mga Ikapu.

Sabi ni Elder Robert D. Hales:

“Gaya ng ipinahayag ng Panginoon, isang konsehong binubuo ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at Presiding Bishopric ang nagpapasiya sa paggamit ng ikapu. Partikular na ipinahayag ng Panginoon na ang gawain ng konseho ay pangangasiwaan ‘ng sarili kong tinig sa kanila’ [Doktrina at mga Tipan 120:1]. Ang konsehong ito ay tinawag na Konseho sa Pamamahagi ng mga Ikapu.

“Nakatutuwang saksihan ang pagsunod ng konsehong ito sa tinig ng Panginoon. Nakaaalam at nakikilahok ang bawat miyembro sa lahat ng pasiya ng konseho. Walang pasiyang isinagawa nang hindi nagkakaisa ang buong konseho. Ang lahat ng pondo ng ikapu ay ginugugol para sa mga layunin ng Simbahan, kabilang na ang pangkapakanan—pagkalinga sa mahihirap at nangangailangan—mga templo, gusali at paglilinis ng mga bahay-pulungan, edukasyon, kurikulum—sa madaling salita, ang gawain ng Panginoon. …

Pinatototohanan ko ang Konseho sa Pamamahagi ng mga Ikapu. Ako ay nasa konsehong ito sa loob ng 17 taon, bilang Presiding Bishop ng Simbahan at ngayon bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Nang walang ibinubukod, ang pondo ng ikapu ng Simbahang ito ay ginagamit para sa Kanyang mga layunin” (“Ikapu: Pagsubok sa Pananampalataya na may mga Walang-Hanggang Pagpapala,” Liahona, Nob. 2002, 28).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Anyayahan ang mga mag-aaral na turuan ang isa’t isa. “Maaaring angkop na anyayahan ang mga mag-aaral na magtulungan sa paghahanap ng sagot sa kanilang mga tanong. Kapag hinikayat ng Espiritu, maaari mong ipasiyang gawin ito kahit nararamdaman mong alam mo ang sagot” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 24).