“Setyembre 27–Oktubre 3. Doktrina at mga Tipan 109–110: ‘Ito ay Inyong Bahay, Isang Pook ng Inyong Kabanalan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Setyembre 27–Oktubre 3. Doktrina at mga Tipan 109–110,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Setyembre 27–Oktubre 3
Doktrina at mga Tipan 109–110
“Ito ay Inyong Bahay, Isang Pook ng Inyong Kabanalan”
Inilalarawan sa mga bahagi 109 at 110 ang ilan sa pinakasagradong mga kaganapan ng Pagpapanumbalik. Tiyakin na hayaang ibahagi ng mga miyembro ng klase ang kanilang naisip at nadama nang pag-aralan nila ang mga kaganapang ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ipinahayag ng Panginoon na “ang katanyagan ng bahay na ito [ang Kirtland Temple] ay lalaganap sa mga ibang lupain” (Doktrina at mga Tipan 110:10). Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na nakita nila sa kanilang pag-aaral na sa tingin nila ay dapat ipalaganap sa mga tao sa buong mundo.
Ituro ang Doktrina
Doktrina at mga Tipan 109; 110:1–10
Nais ng Panginoon na pagpalain tayo sa Kanyang banal na bahay.
-
Ang pag-aaral ng bahagi 109 ay isang napakagandang pagkakataon para tulungan ang mga miyembro ng klase na palakasin ang hangarin nilang sumamba sa templo. Maaari mong isulat sa pisara ang mga numero ng ilang talatang bumabanggit sa mga pagpapala ng templo—tulad ng mga talata 12–13, 22–23, 24–28, 29–32. Maaaring piliin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang babasahin at pagnilayan ang mga ito, nang mag-isa o grupu-grupo, at pagkatapos ay ibuod para sa klase ang pagpapalang inilalarawan sa mga talatang iyon. Maaaring ibahagi ng mga miyembrong nakapunta na sa templo kung paano nila naranasan ang mga pagpapalang ito sa kanilang buhay.
Maaari rin ninyong sama-samang basahin o kantahin ang “Espiritu ng Diyos” (Mga Himno, blg. 2), na kinanta sa paglalaan ng Kirtland Temple. Maaaring ituro ng mga miyembro ng klase ang mga pagpapala ng templo na inilarawan sa himno at ibahagi ang anumang kaugnay na mga karanasan nila, kung naaangkop.
-
Ang pagtanggap ng mga pagpapala ng templo ay nangangailangan ng sakripisyo. Ano ang itinuturo ng Doktrina at mga Tipan 109:5 tungkol sa mga sakripisyong ginawa ng naunang mga Banal para maitayo ang Kirtland Temple? Maaari sigurong may isang maghandang magbahagi tungkol sa mga sakripisyong ito (tingnan sa “A House for Our God,” Revelations in Context, 169–71). Anong mga sakripisyo ang ginagawa natin para matanggap ang mga pagpapala ng templo ngayon? Marahil ay handang magbahagi ang mga miyembro ng klase ng kanilang mga karanasan. Ang ilang makabagong halimbawa ay matatagpuan sa mga video na “Sealed Together: The Manaus Temple Caravan” at “Temples Are a Beacon” (ChurchofJesusChrist.org).
-
Ang pag-aaral ng paglalarawan ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan 110:1–10 ay isang magandang paraan para patatagin ang ating pananampalataya kay Jesucristo. Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na pansinin ang paglalarawan sa mga talatang ito at isipin kung ano ang itinuturo sa atin ng mga larawang ito tungkol kay Jesucristo. Ano kaya ang isinasagisag ng “gawa na nalalatagan ng lantay na ginto”? o ng tinig na “gaya ng lagaslas ng malalawak na tubig”?
Doktrina at mga Tipan 110:11–16
Ang mga susi ng priesthood na kailangan para maisakatuparan ang gawain ng Diyos ay nasa Simbahan ngayon.
-
Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang mga susi ng priesthood na ipinagkatiwala nina Moises, Elias, at Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple, maaari mo silang anyayahang basahin at talakayin ang pahayag sa “Karagdagang Resources,” nang mag-isa o grupu-grupo. Bakit mahalaga ang mga susing ito sa ating buhay ngayon? Maaari mo ring hilingin sa bawat miyembro ng klase na pumili ng isa sa mga propeta na pinagkatiwalaan ng mga susing iyon—Moises, Elias, at Elijah—at matuto tungkol sa kanya mula sa Bible Dictionary o Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Ano ang itinuturo sa atin ng buhay ng mga propetang ito tungkol sa mga susing ipinagkatiwala sa kanila? Maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa inaasahan ng Panginoon na gawin natin ngayong nasa mundo na ang mga susing ito.
Karagdagang Resources
Ang mga susi ay nagbibigay ng kapangyarihan at awtoridad para sa gawain ng Diyos.
Ipinaliwanag ni Elder Quentin L. Cook:
“Ang Kirtland Temple, kapwa sa lugar at laki nito, ay di kapansin-pansin. Ngunit pagdating sa napakalaking kahalagahan nito sa sangkatauhan, ang epekto nito ay walang-hanggan. Ipinanumbalik ng mga sinaunang propeta ang mga susi ng priesthood para sa mga nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo para sa kawalang-hanggan. Dahil dito napuno ng kagalakan ang matatapat na miyembro.
“Ang mga susing ito ay nagbibigay ng ‘kapangyarihan mula sa kaitaasan’ [Doktrina at mga Tipan 38:38] para sa mga itinalaga ng Diyos na tungkulin, na bumubuo sa pangunahing layunin ng Simbahan. Sa maluwalhating Pasko ng Pagkabuhay na iyon sa loob ng Kirtland Temple, tatlong susi ang naipanumbalik:
“Una, nagpakita si Moises at ibinigay ang mga susi ng pagtitipon ng Israel mula sa apat na sulok ng mundo, at ito ay ang gawaing misyonero.
“Pangalawa, nagpakita si Elias at ibinigay ang mga susi ng dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham, na kinabibilangan ng pagpapanumbalik ng tipan ni Abraham [tingnan sa Abraham 2:8–11]. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang layunin ng mga susi ng tipan ay upang ihanda ang mga miyembro para sa kaharian ng Diyos [tingnan sa “Mga Tipan,” Liahona, Nob. 2011, 88.]. …
“Pangatlo, nagpakita si Elijah at ibinigay ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod sa dispensasyong ito, at ito ay ang gawain sa family history at paggawa ng mga ordenansa sa templo para sa kaligtasan ng mga buhay at mga patay” (“Maghandang Humarap sa Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 114–15).