“Oktubre 18–24. Doktrina at mga Tipan 121–123: ‘O Diyos, Nasaan Kayo?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Oktubre 18–24. Doktrina at mga Tipan 121–123,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Oktubre 18–24
Doktrina at mga Tipan 121–123
“O Diyos, Nasaan Kayo?”
Ang pinakamainam na paraan para makapaghandang magturo ay basahin ang mga banal na kasulatan, isipin ang mga taong tinuturuan mo, at sundin ang Espiritu. Ang mga aktibidad sa outline na ito ay maaaring makaragdag sa inspirasyong natatanggap mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pumili ng isang mensahe mula sa Doktrina at mga Tipan 121–23 na nanaisin nilang ibahagi sa isang taong nagdurusa. Hayaan silang ipaliwanag ang kanilang napili.
Ituro ang Doktrina
Doktrina at mga Tipan 121:1–33; 122
Kung titiisin nating mabuti ang ating mga pagsubok, dadakilain tayo ng Diyos sa langit.
-
Maaaring may mga miyembro ng klase mo na, dahil sa mahihirap na pagsubok, ay nadama na ang katulad ng ipinahayag ni Joseph Smith sa Doktrina at mga Tipan 121:1–6. Matapos basahin nang sama-sama ang mga talatang ito, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na tukuyin at ibahagi ang mga mensahe sa mga talata 7–33 na nagbibigay sa kanila ng pag-asa at ginhawa sa kanilang mga pagsubok. Ano ang ibig sabihin ng “pagtitiisang mabuti”? (talata 8). Paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na magtiis na mabuti? Paano natin matutulungan ang isa’t isa na magtiis na mabuti?
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na isaalang-alang kung paano “magbibigay sa [atin] ng karanasan” at “para sa [ating] ikabubuti” ang mga pagsubok (Doktrina at mga Tipan 122:7), maaari mo silang bigyan ng isang papel at hilingin sa kanila na isulat ang isang pagsubok na naranasan nila. Sa kabilang panig ng papel, maaaring isulat ng mga miyembro ng klase ang mga salitang “karanasan” at “ikabubuti.” Habang sama-sama ninyong tinatalakay ang Doktrina at mga Tipan 122, hikayatin ang mga miyembro ng klase na isulat ang anumang ideya nila tungkol sa “kabilang panig” ng kanilang mga pagsubok: ang “karanasan” o “ikabubuti” na natamo nila. Maaaring komportable ang ilang miyembro ng klase na ibahagi kung paano naging para sa kanilang ikabubuti ang kanilang pagsubok. O maaari nilang basahin ang karanasan ni Elder Koichi Aoyagi sa “Maging Matatag sa Iyong Landas” (Liahona, Nob. 2015, 126–28).
Doktrina at mga Tipan 121:34–46
Kailangan tayong maging matwid para makuha ang “mga kapangyarihan ng langit.”
-
Maaaring maging kawili-wili na ikumpara kung paano pinananatili ang “kapangyarihan o impluwensya” sa mundo sa itinuro ng Panginoon kung paano dapat panatilihin ang kapangyarihan o impluwensya (tingnan sa bahagi 121). Para makatulong sa talakayang ito, maaari kang gumawa ng isang table na may dalawang column sa pisara na may nakasulat na Makamundong Kapangyarihan at Mga Kapangyarihan ng Langit. Maaaring punan ng mga miyembro ng klase ang table ng mga salita at parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 121:34–46. Paano maaaring mabago ng mga talatang ito ang tingin natin sa ating mga responsibilidad sa ating pamilya, bilang mga ministering brother at sister, o sa iba pang mga sitwasyon kung saan umaasa tayong maimpluwensyahan ang iba sa kabutihan?
-
Ang isang paraan ng pagtalakay sa payo at sa kahanga-hangang mga pagpapala sa Doktrina at mga Tipan 121:45–46 ay hatiin ang klase sa mga grupo at ipaaral at ipatalakay sa bawat grupo ang isang parirala mula sa mga talatang ito, tulad ng “puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay” o “gaya ng hamog mula sa langit.” Maaari nilang hanapin ang kahulugan ng mga salita, basahin ang kaugnay na mga talata sa banal na kasulatan sa mga talababa, at talakayin ang ibig sabihin sa kanila ng mga parirala. Maaaring magdrowing ang ilang grupo para ilarawan ang kanilang parirala. Anyayahan ang bawat grupo na ibahagi sa klase ang natutuhan nila.
Si Jesucristo ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay at pinalalakas tayo sa ating mga pagsubok.
-
Ang pag-unawa na si Jesucristo “ay nagpakababa-baba sa … lahat [ng bagay]” ay makapagbibigay ng tiwala sa mga miyembro ng klase na bumaling sa Kanya. Ang karagdagang mga talatang ito sa banal na kasulatan ay makatutulong na ipaliwanag ang kahulugan ng pariralang ito: Isaias 53:3–4; Mga Hebreo 2:17–18; 1 Nephi 11:16–33; Alma 7:11–13. Maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang ito, pati na ang Doktrina at mga Tipan 122:8, na naghahanap ng isang bagay na nagpapalakas ng kanilang pananampalataya na matutulungan sila ni Jesucristo sa kanilang mga pagsubok. Maaari rin silang makasumpong ng inspirasyon sa mga himno tungkol sa Tagapagligtas, tulad ng “Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?” (Mga Himno, blg. 74).
-
Ang pahayag sa “Karagdagang Resources” ay nagbibigay ng karagdagang kabatiran kung paano nagpakababa-baba ang Tagapagligtas sa lahat ng bagay. Maaari kang mag-isip ng isang paraan na maaari mong ipakita kung paanong ang pagiging “nasa ilalim” ng isang mabigat na bagay ay ginagawa tayong “nasa tamang-tamang lugar para iangat [ito].” Paano tayo natulungan ng pagkaalam na nagpakababa-baba ang Tagapagligtas sa lahat ng bagay sa ating mga pagsubok?
Karagdagang Resources
Si Cristo ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay.
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Milyun-milyon ang may takot sa Diyos na nagdarasal sa Diyos na maalis ang kanilang mga paghihirap. Inihayag ng ating Tagapagligtas na Siya ay ‘nagpakababa-baba sa lahat ng bagay’ (D at T 88:6). Tulad ng itinuro ni Elder Neal A. Maxwell, ‘Dahil Siya ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay,” nauunawaan Niya, nang lubos at personal, ang buong pagdurusa ng tao’ [Ensign, Nob. 1997, 23]. Masasabi natin na dahil Siya ay nagpakababa-baba sa lahat ng ito, nasa tamang-tamang lugar siya para iangat tayo at bigyan tayo ng lakas na kailangan natin para matiis ang ating mga paghihirap” (“Pinalakas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2015, 64).