Doktrina at mga Tipan 2021
Oktubre 25–31. Doktrina at mga Tipan 124: “Isang Bahay sa Aking Pangalan”


“Oktubre 25–31. Doktrina at mga Tipan 124: ‘Isang Bahay sa Aking Pangalan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Oktubre 25–31. Doktrina at mga Tipan 124,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021

Nauvoo

Ang Magandang Nauvoo, ni Larry Winborg

Oktubre 25–31

Doktrina at mga Tipan 124

“Isang Bahay sa Aking Pangalan”

Para maipaalala sa atin ng Espiritu ang mga alituntunin habang nagtuturo tayo (tingnan sa Juan 14:26), kailangan muna nating masigasig na pag-aralan at pagnilayan ang mga alituntuning iyon.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na natagpuan nila sa Doktrina at mga Tipan 124 na naging dahilan para isipin nila ang isang alituntunin ng ebanghelyo sa isang bagong paraan. Ano ang nabasa nila—nang mag-isa o bilang mga pamilya—na nagpabago ng kanilang damdamin, isipan, o buhay?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Doktrina at mga Tipan 124:15, 20

Natutuwa ang Panginoon sa integridad.

  • Sa bahagi 124, pinuri ng Panginoon sina Hyrum Smith at George Miller sa kanilang integridad. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang katangiang ito nang mas malalim, maaari mo silang anyayahang basahin ang Doktrina at mga Tipan 124:15, 20 at pagnilayan ang natutuhan nila tungkol sa integridad sa mga talatang ito. Ano pa ang matututuhan natin mula sa mga banal na kasulatan na nakalista sa ilalim ng “Karangalan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org) o sa mensahe ni Elder Richard J. Maynes na “Makamtan ang Tiwala ng Panginoon at ng Inyong Pamilya”? (Ensign o Liahona, Nob. 2017, 75–77). Marahil maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga halimbawa ng mga taong kilala nila na may integridad. Bakit napakahalagang katangian ang integridad?

Doktrina at mga Tipan 124:22–24, 60–61

Nais ng Panginoon na malugod nating tanggapin ang iba.

  • Maaaring may matutuhan ang mga miyembro ng klase mo mula sa paglalarawan ng Panginoon sa Nauvoo House na makatutulong sa kanila sa kanilang mga pakikihalubilo sa mga taong hindi Banal sa mga Huling Araw o lumayo na sa Simbahan. Maaari kang magdrowing ng isang bahay sa pisara at anyayahan mo ang mga miyembro ng klase na maghanap sa Doktrina at mga Tipan 124:22–24, 60–61 ng mga salitang ginamit ng Panginoon para ilarawan ang mga layunin ng Nauvoo House. Pagkatapos ay maaari nilang isulat ang mga salita sa paligid ng bahay. Paano rin maiaangkop ang mga katagang ito sa Simbahan ni Jesucristo? Ano ang magagawa natin upang makalikha ng ganitong kultura ng malugod na pagtanggap sa ating ward at sa ating tahanan?

Doktrina at mga Tipan 124:25–45, 55

Inuutusan tayo ng Panginoon na magtayo ng mga templo para matanggap natin ang mga sagradong ordenansa.

  • Marahil ay maaaring isipin ng mga miyembro ng klase na kunwari ay nakatira sila sa Nauvoo noong 1841 at nagtatrabaho sa Nauvoo Temple nang magtanong ang isang kaibigan ng, “Bakit ba patuloy tayong nagtatayo ng mga templong ito?” Ano ang sasabihin natin sa kaibigang ito? Maaari ring maghanap ang mga miyembro ng klase ng mga ideya sa Doktrina at mga Tipan 124:28–30, 37–42, 55. Kung hindi pamilyar ang ilang miyembro ng klase sa mga ordenansang binanggit sa mga talatang ito, isiping ilarawan ang mga layunin at pagpapala ng mga ordenansang ito. Pumunta sa temples.ChurchofJesusChrist.org para sa patnubay kung ano ang angkop na talakayin sa labas ng templo at para sa mga larawan ng templo na maaari mong ipakita sa klase.

    si Joseph Smith kasama ang mga lalaking nagtatayo ng Nauvoo Temple

    Si Joseph Smith sa Nauvoo Temple, ni Gary E. Smith

Doktrina at mga Tipan 124:45–55

Pagpapalain ng Panginoon ang mga taong nagsisikap na sundin ang Kanyang mga utos.

  • Inutusan ang mga Banal na magtayo ng isang templo sa Jackson County ngunit “hinadlangan [sila] ng kanilang mga kaaway” (Doktrina at mga Tipan 124:51). Sa mga talata 49–55, kung saan tinalakay ng Panginoon ang sitwasyong ito, maaaring may nakapapanatag na mensahe para sa mga taong nais sundin ang mga utos ng Diyos ngunit hindi iyon magawa dahil sa sitwasyon ng pamilya o ng iba pa. Maaari mong basahin ang mga talatang ito sa mga miyembro ng klase at hilingan silang mag-isip ng mga sitwasyon kung saan maaaring hindi matupad ng mga tao ang kanilang mabubuting hangarin dahil sa mga sitwasyong hindi nila makontrol. Anong payo ang makikita natin sa mga talatang ito na maaaring makatulong sa isang tao sa gayong sitwasyon? Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa pagsunod?

Doktrina at mga Tipan 124:91–92

Maaari tayong gabayan ng Panginoon sa pamamagitan ng ating mga patriarchal blessing.

  • Makikinabang ba ang mga miyembro ng klase mo sa isang talakayan tungkol sa mga patriarch at patriarchal blessing? Maaari kang magsimula sa pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na basahin ang Doktrina at mga Tipan 124:91–92, at hanapin kung ano ang ipinagawa kay Hyrum Smith. Pagkatapos ay maaari mong isulat sa pisara ang Ano at Bakit at anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang “Mga Patriarchal Blessing” (Tapat sa Pananampalataya, 91–93) para malaman kung ano ang mga patriarchal blessing at kung bakit ito mahalaga. Paano makapaghahanda ang isang tao na tumanggap ng patriarchal blessing? Isiping anyayahan ang ilang tao na nakatanggap na ng kanilang patriarchal blessing na ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat para dito. (Ipaalala sa kanila na huwag magbahagi ng anumang napakapersonal o napakasagrado mula sa kanilang blessing.) Paano natin maipapakita na pinahahalagahan natin ang ating patriarchal blessing?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ipagdasal ang mga miyembro ng klase mo. Isa-isang ipagdasal ang mga tinuturuan mo. Maaari mong ipagdasal na maunawaan mo ang kanilang mga pangangailangan at malaman kung ano ang ituturo para matugunan ang mga pangangailangang iyon. Maaari mo ring hilingin sa Ama sa Langit na “ihanda ang kanilang mga puso” (Alma 16:16) na tanggapin ang mga katotohanang ituturo mo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 6.)