“Nobyembre 1–7. Doktrina at mga Tipan 125–128: ‘Isang Tinig ng Kagalakan para sa mga Buhay at sa mga Patay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Nobyembre 1–7. Doktrina at mga Tipan 125–128,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Nobyembre 1–7
Doktrina at mga Tipan 125–128
“Isang Tinig ng Kagalakan para sa mga Buhay at sa mga Patay”
Pagnilayan ang mga salitang ito ni Elder Ulisses Soares: “Ang pinakamagaling na guro ay isang magandang halimbawa. Ang pagtuturo ng isang bagay na talagang isinasabuhay natin ay makakagawa ng kaibhan sa puso ng ating mga tinuturuan” (“Paano Ako Makauunawa?” Liahona, Mayo 2019, 7).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Maaaring isulat ng mga miyembro ng klase sa pisara ang mga parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 125–28 na natatak sa isipan nila. Ipabahagi sa kanila ang kanilang mga iniisip tungkol sa mga pariralang iyon. Paano nakaimpluwensya ang pag-aaral nila ng mga katotohanang ito sa mga kilos nila sa linggong ito?
Ituro ang Doktrina
“Bigyan ng natatanging kalinga ang iyong mag-anak.”
-
Sa mga tawag na natanggap ni Brigham Young na maglingkod sa Simbahan, kinailangan niya at ng kanyang pamilya na gumawa ng malalaking sakripisyo; ang mga salita ng Panginoon kay Brigham sa bahagi 126 ay maaaring makahikayat ng isang talakayan sa klase kung bakit hinihiling ng Panginoon kung minsan na magsakripisyo tayo sa ating paglilingkod. Paano tayo natulungan ng Panginoon na tuparin ang ating mga responsibilidad sa bahay, sa mga tungkulin sa Simbahan, at sa iba pang mga aspeto ng buhay?
Makakaasa tayo sa Panginoon sa mga panahon ng paghihirap.
-
Paano maaaring ipadama ng Doktrina at mga Tipan 127:2–4 sa mga miyembro ng klase na, tulad ni Joseph Smith, sila ay lumalangoy sa “malalim na tubig”? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga talatang ito at ibahagi kung paano nila ibubuod ang saloobin ni Joseph sa kanyang mga hamon. Anong mga parirala mula sa mga talatang ito ang tutulong sa isang taong nahihirapan? Paano umasa si Joseph sa Panginoon sa oras ng kanyang mga pagsubok? Paano natin masusundan ang kanyang halimbawa?
Doktrina at mga Tipan 128
Ang kaligtasan ng ating mga ninuno ay mahalaga sa ating kaligtasan.
-
Isipin kung paano mo maaaring hikayatin ang mga miyembro ng klase na makibahagi sa gawain sa templo at family history. Maaaring ipadama sa kanila ng Doktrina at mga Tipan 128:15–18 ang kahalagahan ng gawaing ito; maaari mo silang anyayahang saliksikin ang mga talatang ito para sa isang bagay na nagpapaibayo sa hangarin nilang magsagawa ng mga binyag para sa mga yumao nilang ninuno. Ang mga tanong na katulad nito ay maaaring makatulong sa kanila na pagnilayan ang mga talatang ito: Bakit “tayo kung wala ang ating mga patay ay hindi magagawang ganap”? (talata 15). Bakit tinatawag ni Joseph Smith ang binyag para sa mga patay na “pinakamaluwalhati sa lahat ng paksang nabibilang sa walang hanggang ebanghelyo”? (talata 17; tingnan din sa sipi sa “Karagdagang Resources”). Sa paanong paraan maaaring isumpa ang lupa kung walang “pag-uugnay … sa pagitan ng mga ama at ng mga anak”? (talata 18). Kung kailangan ng tulong ng mga miyembro ng klase sa pagsisimula ng gawain sa family history, maaari mong anyayahan ang ward temple and family history leader na turuan silang gumamit ng FamilySearch.org.
Maaari mo rin silang bigyan ng inspirasyon sa mga talatang ito na nagpapahayag ng kagalakan ng gawain sa templo at family history, tulad ng Doktrina at mga Tipan 128:19–23. Maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang ito at hanapin ang mga katagang nagpapakita kung ano ang nadama ni Joseph Smith tungkol sa kaligtasan ng mga patay. Pagkatapos ay maaari mong hilingin sa kanila na magbahagi ng mga karanasan na nadama rin nila ang gayong damdamin tungkol sa gawaing ito. Ang pagpapalabas ng isa sa mga video sa “Karagdagang Resources” ay maaari ring makahikayat sa kanila.
-
Dahil sa itinuturo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaligtasan para sa mga patay, maaari tayong magkaroon ng mga pagkakataong ipaliwanag ang doktrinang ito sa mga taong hindi pa nakarinig nito. Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Doktrina at mga Tipan 128 para sa isang bagay na maaari nilang ibahagi sa pakikipag-usap sa isang taong nagtatanong tungkol sa binyag para sa mga patay. Ano ang itinuturo sa atin ng doktrinang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Hayaang praktisin ng mga miyembro ng klase ang sasabihin nila.
Karagdagang Resources
Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Ang Pagbabayad-sala ni Jesus para sa lahat ay kumakatawan sa isang dakila at nakapagliligtas na sakripisyo. Nagpakita Siya ng huwaran kung saan kinatawan Niya ang buong sangkatauhan. Ang huwarang ito ng pagkatawan ng isang tao para sa iba ay isinasagawa sa mga ordenansa sa bahay ng Panginoon. Dito’y naglilingkod tayo alang-alang sa mga namatay na walang kaalaman sa ebanghelyo. Nasa kanila na kung tatanggapin nila o hindi ang isinagawang ordenansa. Pareho ang katayuan nila sa mga buhay dito sa lupa. Pareho ang oportunidad ng mga patay at mga buhay. Muli, kayluwalhati at kayganda ng kundisyong ginawa ng Maykapal sa pamamagitan ng paghahayag Niya sa Kanyang propeta” (“Mga Dakilang Bagay na Inihayag ng Diyos,” Liahona, Mayo 2005, 82–83).