“Nobyembre 15–21. Doktrina at mga Tipan 133–134: ‘Maghanda Kayo para sa Pagparito ng Lalaking Kasintahan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Nobyembre 15–21. Doktrina at mga Tipan 133–134,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Nobyembre 15–21
Doktrina at mga Tipan 133–134
“Maghanda Kayo para sa Pagparito ng Lalaking Kasintahan”
Ano sa palagay mo ang mga katotohanan sa Doktrina at mga Tipan 133–34 na higit na makakatulong sa klase mo? Mapanalanging isipin ang kanilang mga pangangailangan habang nag-aaral ka sa linggong ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Maaari mong isulat sa pisara ang salitang makinig at anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat sa tabi nito ang mga talata mula sa Doktrina at mga Tipan 133–34 na pinaniniwalaan nilang kailangan nating pakinggan sa ating panahon. Hilingin sa kanila na ibahagi ang mga naiisip nila tungkol sa mga talatang iyon. (Tulungan ang mga miyembro ng klase na magtuon sa mga alituntunin ng doktrina sa halip na sa mga pananaw sa pulitika.)
Ituro ang Doktrina
Doktrina at mga Tipan 133:1–19; 37–39
Nais ng Panginoon na maghanda tayo para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
-
Paano mo maipauunawa sa klase mo kung bakit mahalagang pabanalin ang ating sarili para matulungan ang iba na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 133:1–19, 37–39 at gumawa ng dalawang listahan: isang listahan ng payo ng Panginoon kung paano natin pababanalin ang ating sarili at isa pa kung paano ihahanda ang mundo para sa pagbabalik ng Tagapagligtas. Ano ang kahulugan, sa espirituwal na diwa, ng “lumabas … mula sa Babilonia” (talata 5) at “magtungo sa Sion”? (talata 12). Para sa karagdagang impormasyon kung ano ang pagpapabanal, tingnan sa “Pagpapabanal” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
Doktrina at mga Tipan 133:19–53
Ang Ikalawang Pagparito ay magiging masaya para sa mabubuti.
-
Sa kanilang pag-aaral ng banal na kasulatan sa tahanan, maaaring nakakita ang mga miyembro ng klase mo ng mga makahulugang talata sa bahaging ito na naging dahilan para asamin nila ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Anyayahan silang ibahagi ang mga talatang ito. Maaari mo ring anyayahan ang klase na saliksikin ang mga talata 19–53 nang magkakapares, na hinahanap ang mga dahilan para asamin ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Kapag ibinahagi ng mga miyembro ng klase ang nakita nila, hikayatin silang ikuwento kung paanong ang Tagapagligtas ay “tinubos sila, at kanyang kinilik sila, at kinalong sila” (talata 53). Maaaring ito ay isang magandang pagkakataon para kantahin nang sabay-sabay ang isang himno tungkol sa nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas, tulad ng “Ang Pag-ibig ng Ating Tagapagligtas” (Mga Himno, blg. 64). Anong iba pang “mga Awit ng walang-hanggang kagalakan” (talata 33) ang nagpapadama sa atin ng “mapagkandiling pagmamahal ng [ating] Panginoon”? (talata 52).
“Ang mga pamahalaan ay itinatag ng Diyos para sa kapakinabangan ng tao.”
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa Doktrina at mga Tipan 134, maaari kang maglagay ng ganitong mga tanong sa isang sisidlan o sa pisara: Paano nais ng Diyos na maging kapaki-pakinabang ang mga pamahalaan sa Kanyang mga anak? Ano ang dapat nating gawin kung salungat ang mga batas ng mundo sa mga batas ng langit? Ano ang ating mga tungkulin at responsibilidad bilang mga mamamayan? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pumili ng isang tanong at gamitin ang bahagi 134 para bumuo ng isang sagot. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na iwasang magsalita tungkol sa partikular na mga isyu o pananaw sa pulitika.
-
Ang kalayaang “sumamba kung paano, kung saan, o kung ano ang ibig [natin]” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:11) ay isang pribilehiyong nais ng Panginoon na magkaroon ang lahat. Kung sa palagay mo ay makabubuti sa klase mo na pag-usapan ang alituntunin ng kalayaang pangrelihiyon, isiping sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 134:4, 7, 9. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa papel ng pamahalaan sa pagprotekta sa kalayaang pangrelihiyon? Paano natin maitataguyod ang kalayaang pangrelihiyon para sa ating sarili at sa iba? Maaaring makakita ang mga miyembro ng klase ng mga ideya na makatutulong na masagot ang tanong na ito sa “Karagdagang Resources.”
Karagdagang Resources
Mga pundasyon ng kalayaang pangrelihiyon.
Itinuro ni Elder Robert D. Hales:
“Mayroong apat na pundasyon ang kalayaan sa relihiyon na dapat nating panghawakan at protektahan bilang mga Banal sa mga Huling Araw.
“Ang una ay ang kalayaang maniwala. Walang sinumang dapat batikusin, usigin, o atakihin ng mga indibiduwal o pamahalaan anuman ang kanyang paniniwala tungkol sa Diyos. …
“Ang pangalawang pundasyon ng kalayaan sa relihiyon ay ang kalayaang ibahagi ang ating pananampalataya at mga paniniwala sa iba. … Bilang mga magulang, full-time missionary, at mga miyembrong-missionary, pinanghahawakan natin ang kalayaang ito sa relihiyon para maituro ang doktrina ng Panginoon sa ating mga pamilya at sa buong mundo.
“Ang pangatlong pundasyon ng kalayaan sa relihiyon ay ang kalayaang bumuo ng organisasyong pangrelihiyon at sumamba nang matiwasay kasama ang iba. Sinasabi ng ikalabing-isang saligan ng pananampalataya, ‘Inaangkin natin ang natatanging karapatang sambahin ang Pinakamakapangyarihang Diyos alinsunod sa mga atas ng ating sariling budhi, at pinahihintulutan ang lahat ng tao ng gayon ding karapatan, hayaan silang sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila.’ …
“Ang pang-apat na pundasyon ng kalayaan sa relihiyon ay ang kalayaang ipamuhay ang ating pananampalataya—ang malayang paggamit ng pananampalataya hindi lamang sa tahanan at chapel kundi sa mga pampublikong lugar din” (“Pangangalaga sa Kalayaan, Pagprotekta sa Kalayaang Pangrelihiyon,” Liahona, Mayo 2015, 112).