“Nobyembre 8–14. Doktrina at mga Tipan 129–132: ‘Kapag Tayo ay Nagtatamo ng Anumang mga Pagpapala mula sa Diyos, Ito ay Dahil sa Pagsunod,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Nobyembre 8–14. Doktrina at mga Tipan 129–132,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Nobyembre 8–14
Doktrina at mga Tipan 129–132
“Kapag Tayo ay Nagtatamo ng Anumang mga Pagpapala mula sa Diyos, Ito ay Dahil sa Pagsunod”
Bagama’t mahalagang magkaroon ng plano sa pagtuturo, mahalaga ring maging sensitibo sa Espiritu at sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase. Alamin mula sa mga miyembro ng klase kung anong mga alituntunin sa mga bahagi 129–32 ang naging makabuluhan sa kanila.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Maaaring may natutuhan ang mga miyembro ng klase sa kanilang pag-aaral ng mga bahagi 129–32 na nauugnay sa iba’t ibang paksa ng ebanghelyo. Para mabigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang natutuhan nila, maaari mong isulat ang ilan sa mga paksang iyon sa pisara, tulad ng mga anghel, kadakilaan, pagsunod, likas na katangian ng Diyos, at walang-hanggang kasal (maaari mo ring isulat ang iba pa sa pisara para sa karagdagang mga paksa). Maaaring mag-ukol ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para maghanap ng isang talata sa mga bahaging ito na may kaugnayan sa isa sa mga paksa at isulat ang reperensya sa pisara. Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ang mga talatang ito bilang isang klase at pag-usapan kung ano ang itinuturo ng bawat isa tungkol sa paksang iyon.
Ituro ang Doktrina
Doktrina at mga Tipan 130:2, 18–23; 131:1–4; 132:20–25
Layon ng buhay na ito na makapaghanda tayo para sa kadakilaan.
-
Marami tayong hindi alam tungkol sa kadakilaan o buhay sa kahariang selestiyal—karamihan doon ay maaaring higit pa sa kaya natin ngayong maunawaan. Ngunit inihayag na ng Diyos ang ilang mahahalagang palatandaan, at marami sa mga ito ang matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 130–32. Maaaring pag-aralan ng mga miyembro ng klase ang isa o mahigit pa sa mga reperensyang nakalista sa itaas at ibahagi ang anumang mga nabatid nila tungkol sa kadakilaan o sa kahariang selestiyal. Paano pinagpapala ng pagkaalam sa impormasyong ito tungkol sa buhay na walang-hanggan ang ating buhay ngayon?
Doktrina at mga Tipan 130:20–21; 132:5
Ang mga pagpapala ay nagmumula sa pagsunod sa Diyos.
-
Itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21 at 132:5 ang magkaparehong alituntunin. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na basahin ang parehong talata at sabihin, sa sarili nilang mga salita, kung ano ang alituntuning iyon. Paano napatutunayan ang alituntuning ito sa ating buhay? Paano tayo makasusumpong ng pag-asa at katiyakan kay Cristo kapag masunurin tayo ngunit hindi dumarating kaagad ang inaasahan nating mga pagpapala? Para sa iba pang impormasyon tungkol sa paksang ito, maaari ninyong sama-samang rebyuhin ang mga kabatiran mula sa mensahe ni Elder Dale G. Renlund na “Mananagana sa Pagpapala” (Liahona, Mayo 2019, 70–73).
Doktrina at mga Tipan 131:1–4; 132:3–25
Ginawang posible ng Ama sa Langit na maging walang-hanggan ang mga pamilya.
-
Ano ang maaari nating sabihin sa isang kaibigang nagtatanong ng, “Bakit napakahalaga ng pag-aasawa at pamilya sa inyong simbahan?” Maaaring pag-isipan ng mga miyembro ng klase kung paano nila sasagutin ang tanong na iyon habang binabasa nila ang Doktrina at mga Tipan 131:1–4; 132:3–25; o ang mga salita ni Elder Dieter F. Uchtdorf sa “Karagdagang Resources.” Paano nakaaapekto ang mga katotohanang ito sa ating pamumuhay?
Doktrina at mga Tipan 132:1–2, 29–40
Ang pag-aasawa ng marami ay katanggap-tanggap lamang sa Diyos kapag iniuutos Niya ito.
-
Kung may mga tanong ang mga miyembro ng klase tungkol sa pag-aasawa ng marami, tulungan silang maunawaan na nagkaroon ng mga tanong si Joseph Smith at ang iba pang sinaunang Banal. Hikayatin silang hanapin ang itinanong ni Joseph sa Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 132:1 at ang sagot na natanggap niya sa mga talata 29–40 (tingnan din sa Jacob 2:27, 30). Upang matulungan ang mga miyembro ng klase na matutunan kung paano sila makahahanap ng mga sagot sa kanilang mga tanong, maaaring sama-samang rebyuhin ang “Answering Gospel Questions” sa topics.ChurchofJesusChrist.org. Maaari sigurong ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano sila naghangad ng mga sagot sa mga tanong tungkol sa ebanghelyo at kung paano sila nananatiling tapat kahit hindi nasasagot ang ilan sa kanilang mga tanong.
Karagdagang Resources
Ang pamilya “ang patakaran ng langit.”
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:
“Nagpapasalamat ako na kabilang ako sa isang simbahan na nagpapahalaga sa kasal at pamilya. Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kilala sa buong mundo na may ilan sa pinakamatiwasay na mga pagsasama ng mag-asawa at pamilya na inyong makikita. Naniniwala ako na bahagi ng dahilan ang mahalagang katotohanang ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith na ang pagsasama ng mga mag-asawa at pamilya ay nilayong maging walang-hanggan. Ang mga pamilya ay hindi lamang kailangang mabuhay nang mas maayos dito sa lupa at itapon pagdating natin sa langit. Bagkus, ito ang patakaran ng langit. Ito ay halimbawa ng isang selestiyal na huwaran at kahalintulad ng walang-hanggang pamilya ng Diyos.
“Ngunit ang matibay na relasyon ng mag-asawa at pamilya ay hindi nangyayari nang dahil lang sa mga miyembro tayo ng Simbahan. Kailangan dito ang patuloy at sinadyang pagsisikap. Ang doktrina ng mga walang-hanggang pamilya ay kailangang bigyan tayo ng inspirasyon na ilaan ang pinakamatitindi nating pagsisikap sa pagliligtas at pagpapayaman sa relasyon ng mag-asawa at pamilya” (“Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas,” Liahona, Mayo 2016, 77).