“Nobyembre 4–10. Mga Hebreo 1–6: ‘Jesucristo, ‘ang Gumawa ng Walang Hanggang Kaligtasan’’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Nobyembre 4–10. Mga Hebreo 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Nobyembre 4–10
Mga Hebreo 1–6
Jesucristo, “ang Gumawa ng Walang Hanggang Kaligtasan”
Isiping ibahagi sa miyembro ng klase mo ang ilan sa mga impresyong natatanggap mo mula sa Espiritu Santo tungkol sa Mga Hebreo 1–6. Ang paggawa nito ay maaaring makahikayat sa kanila na maghangad ng sarili nilang mga impresyon habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ang ilang miyembro ng klase na hindi madalas magbahagi sa klase ay maaaring kailangan lang anyayahan at bigyan ng kaunting panahon para makapaghanda. Maaari mong kontakin ang ilan sa kanila isa o dalawang araw bago magklase at hilingan silang pumasok na handang magbahagi ng isang talata mula sa Mga Hebreo 1–6 na makahulugan sa kanila.
Ituro ang Doktrina
Si Jesucristo “ang gumawa ng walang hanggang kaligtasan.”
-
Paano mo mahihikayat ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng makabuluhang mga talata tungkol kay Jesucristo na natagpuan nila sa kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya sa linggong ito? Isiping gumawa ng limang hanay sa pisara na kakatawan sa unang limang kabanata ng Mga Hebreo. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat sa angkop na hanay ang mga parirala mula sa mga kabanatang ito na nagturo sa kanila tungkol kay Jesucristo at ang numero ng talata kung saan matatagpuan ang mga ito. Paano naaapektuhan ng pagkaalam sa mga bagay na ito tungkol sa Tagapagligtas ang pananampalataya at kahandaan nating sumunod sa Kanya?
-
Ang Mga Hebreo 1–5 ay gumagamit ng iba’t ibang imahe para ilarawan ang Tagapagligtas. Magagamit mo siguro ang mga imaheng ito para mapalalim ng mga miyembro ng klase ang kanilang pagkaunawa sa Kanyang misyon. Halimbawa, maaari mong kontakin ang ilang miyembro ng klase ilang araw bago magklase at pagdalahin sila sa klase ng isang bagay na kumakatawan sa isa sa mga paglalarawang ito kay Jesucristo o sa Kanyang misyon mula sa Mga Hebreo 1–5 (tingnan lalo na sa Mga Hebreo 1:3; 2:10; 3:1, 6; 5:9). Maaari nilang ipaliwanag sa klase ang itinuturo ng mga bagay na dala nila tungkol kay Jesucristo at basahin ang kaugnay na talata mula sa Mga Hebreo. Paano iniimpluwensyahan ng pagkaalam sa mga katotohanang ito tungkol sa Tagapagligtas ang ating buhay?
Mga Hebreo 2:9–18; 4:12–16; 5:7–8
Pinagdusahan ni Jesucristo ang lahat ng bagay para maunawaan at matulungan Niya ang mga nagdurusa.
-
Maaaring may mga miyembro ng klase mo na dumaranas ng mga pagsubok at kung minsa’y nadarama na sila ay pinabayaan at wala nang pag-asa. Marahil ay mapapatatag ng isang talakayan tungkol sa Mga Hebreo 2:9–18; 4:12–16; 5:7–8 ang kanilang pananampalataya na makakahingi sila ng tulong sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Ang isang paraan para masimulan ang gayong talakayan ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na mag-isip ng isang taong kilala nila na nagdurusa at maaaring nawawalan ng pag-asa. Anong mga katotohanan ang nakikita nila sa mga talatang ito na maaari nilang ibahagi sa taong iyon? Maaari ding ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano sila inalo at sinuportahan ng Tagapagligtas. Isiping ibahagi ang pahayag ni Pangulong John Taylor sa “Karagdagang Resources” bilang bahagi ng talakayan.
-
Ang Mga Hebreo 2:9–18; 4:12–16 ay makakatulong din sa mga tao na nakikita ang pagdurusa sa mundo at iniisip kung nakikita o nakakabalisa iyon ng Diyos. Marahil ay maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang ito para mahanap ang mga katotohanang makakatulong sa gayong mga tanong. Ano ang itinuturo dito kung paano tumutugon ang Tagapagligtas sa pagdurusa ng sangkatauhan? Maaari ding makatulong na anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan kung saan pinalakas ni Jesucristo ang mga tao sa kanilang mga pagdurusa (tingnan sa “Karagdagang Resources”). Sama-samang talakayin ang natututuhan natin kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas kapag naharap tayo sa mahihirap na hamon.
Ang mga pagpapala ng Diyos ay para sa mga taong “[hindi pinatitigas] ang [kanilang] mga puso.”
-
May pakiusap sa Mga Hebreo 3 at 4 sa mga Banal na huwag patigasin ang kanilang puso at sa gayo’y hindi matanggap ang mga pagpapalang gustong ibigay sa kanila ng Diyos. Habang binabasa ninyo sa klase ang Mga Hebreo 3:7–4:2, talakayin ang mga paraan na naaangkop ang mga karanasan ng mga sinaunang Israelita sa atin ngayon, tulad noong umangkop ito sa mga Hebreo sa sinaunang Simbahan (isiping sumangguni sa materyal sa pag-aaral tungkol sa mga talatang ito sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Ano ang nagpapatigas sa puso ng mga tao sa ating panahon? Ano ang magagawa natin para manatiling malambot at tumutugon ang ating puso sa kalooban ng Panginoon? (tingnan sa Eter 4:15; Alma 5:14–15).
Ang mga naglilingkod sa kaharian ng Diyos ay kailangang tinawag ng Diyos.
-
Hindi lahat ng miyembro ng klase mo ay mga priesthood holder, ngunit ang mensahe mula sa Mga Hebreo 5 tungkol sa mga priesthood holder na tinawag ng Diyos ay angkop sa lahat ng tumatanggap ng mga calling sa Simbahan. Para matutuhan ng klase mo ang kahulugan ng “tawagin siya ng Diyos, na gaya ni Aaron,” isiping anyayahan sila na rebyuhin ang salaysay tungkol sa pagtanggap ni Aaron sa kanyang tungkulin sa Exodo 4:10–16, 27–31; 28:1. Anong mga kabatiran mula sa salaysay na ito ang nagpapaunawa sa atin sa Mga Hebreo 5:1–5? Kailan nakatanggap ng pagpapatibay ang mga miyembro ng klase, kabilang na ang mga lider ng ward, na ang isang tao ay tinawag ng Diyos na gampanan ang isang partikular na calling? Paano nakatulong ang pagpapatibay na ito na mas sang-ayunan nila ang isang tao sa kanyang calling? (Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na huwag magbunyag ng sensitibong mga detalye.) Maaaring mayroon ding mga miyembro ng klase na maaaring magpatotoo na binigyang-inspirasyon sila ng Diyos nang gampanan nila ang sarili nilang calling.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Nadama na ba ng mga miyembro ng klase mo na sila ay “mga taga ibang bayan (estranghero) at manglalakbay sa ibabaw ng lupa” (Mga Hebreo 11:13) dahil iba ang kanilang mga paniniwala sa mga tao sa paligid nila? Sabihin sa kanila na habang binabasa nila ang Mga Hebreo 7–13, makikita nila ang mga halimbawa ng mga taong tapat na tumanggap at yumakap sa mga pangako ng Diyos kahit walang pananampalataya ang marami sa kanila.
Karagdagang Resources
Alam ni Jesucristo kung ano ang pakiramdam ng magdusa.
Itinuro ni Pangulong John Taylor: “Kinakailangan na habang nasa mundo ang Tagapagligtas, na siya ay ‘[tuksuhin] sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin,’ at ‘mahabag sa ating kahinaan,’ [tingnan sa Mga Hebreo 4:15] upang maunawaan ang kahinaan at lakas; ang kaganapan at di kaganapan ng kaawa-awang pagkahulog ng buong sangkatauhan; at matapos gawin ang mga bagay na dapat niyang gawin sa mundo, at matapos makipaglaban sa pakunwaring kabanalan, kasamaan, kahinaan, at kamangmangan ng tao—matapos niyang mapagdaanan ang tukso at pagsubok sa lahat ng anyo nito, at naging matagumpay, siya ay naging ‘Isang dakilang saserdoteng … tapat’ [tingnan sa Mga Hebreo 2:17] upang mamagitan para sa atin sa walang katapusang kaharian ng kanyang Ama. Alam niya kung paano tumantiya, at magpahalaga nang wasto sa kalikasan ng tao, dahil dinanas niya ang kalagayan natin. Batid niya kung paano kukunin ang ating mga sakit, at magdala ng ating mga karamdaman. Ganap na nauunawaan niya ang lalim, kapangyarihan, at lakas ng mga hirap at pagsubok na pinapasan ng mga tao dito sa mundo, kaya nga dahil sa kaalamang ito at sa kanyang karanasan, mababata niya ito bilang ama at nakatatandang kapatid” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor [2002], 244–45).
Mga halimbawa sa banal na kasulatan ng mga taong inalo ni Jesucristo.
-
Juan 8:1–11: Inalo ng Panginoon ang babaeng nahuli sa pangangalunya.
-
Juan 11:1–46: Inalo ng Panginoon sina Maria at Marta nang mamatay ang kapatid nilang si Lazaro.
-
Enos 1:4–6: Pinatawad ng Panginoon ang mga kasalanan ni Enos at inalis ang kanyang pagkakasala.
-
Mosias 21:5–15: Pinalambot ng Panginoon ang puso ng mga Lamanita kaya pinagaan nila ang mga pasanin ng mga tao ni Limhi.
-
Mosias 24:14–15: Pinagaan ng Panginoon ang mga pasanin ng mga tao ni Alma.
-
Eter 12:23–29: Inalo ng mga salita ng Panginoon si Moroni.
-
3 Nephi 17:6–7: Pinagaling ng Tagapagligtas ang mga Nephita sa kanilang mga kahinaan.
-
Doktrina at mga Tipan 121:7–10: Inalo ng Panginoon si Joseph Smith (tingnan din sa DT 123:17).