“Nobyembre 18–24. Santiago: ‘Maging Tagatupad Kayo ng Salita, at Huwag Tagapakinig Lamang’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Nobyembre 18–24. Santiago,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Nobyembre 18–24
Santiago
“Maging Tagatupad Kayo ng Salita, at Huwag Tagapakinig Lamang”
Bago basahin ang outline na ito, basahin ang Sulat ni Santiago at magtuon ng pansin sa mga paramdam na natatanggap mo. Anong mga alituntunin ang matatagpuan mo na magpapala at magpapasigla sa mga miyembro ng klase mo? Sumangguni sa outline na ito para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Magpabahagi sa mga miyembro ng klase ng mga talata mula sa Santiago na nakahikayat sa kanila na maging “tagatupad ng salita” (Santiago 1:22). Kung di-gaanong personal, maaari din nilang ibahagi kung ano sa pakiramdam nila ang kailangan nilang gawin, bilang indibiduwal o bilang pamilya.
Ituro ang Doktrina
Kapag humingi tayo nang may pananampalataya, nagbibigay ang Diyos nang sagana.
-
Ang mga alituntuning itinuro sa Santiago 1:5–6 ay umakay kay Joseph Smith sa isang espirituwal na karanasang nagpabago sa kanyang buhay, at mapagpapala nito ang bawat isa sa atin sa ilang paraan. Marahil ay maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na kagaya ng mga sumusunod at hilingin sa mga miyembro ng klase na tahimik na pagnilayan ang mga ito: Ano ang naging impluwensya ng Santiago 1:5–6 sa buhay ninyo? Ano ang naituro sa inyo ng karanasan ni Joseph Smith sa mga talatang ito tungkol sa paghahangad ng karunungan tungkol sa sarili ninyong mga tanong? (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–17). Anong mga karanasan ang nakapagturo sa inyo na “tama ang patotoo ni Santiago”? (Joseph Smith—Kasaysayan 1:26). Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga ideya nila matapos pagnilayan ang mga tanong na ito.
-
Marahil ay maaaring sabihin ng mga miyembro ng klase ang Santiago 1:5–6 sa sarili nilang mga salita. Paano nito mas ipinauunawa sa kanila ang mga talatang ito?
-
Para matulungan ang miyembro ng klase na alalahanin na nangako ang Diyos na magbibigay nang sagana sa Kanyang mga anak kapag lumapit sila sa Kanya sa panalangin, magpabahagi sa mga miyembro ng klase ng mga karanasan na natupad ang pangako sa Santiago 1:5–6 sa kanilang buhay. Ano ang natutuhan nila nang hilingin nila sa Ama sa Langit na pagtibayin ang sarili nilang mga tanong tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo?
Ang matiyagang pagtitiis ay humahantong sa pagiging perpekto sa huli.
-
Para makapagsimula ng talakayan sa mga turo ni Santiago tungkol sa pagtitiis sa mga talatang ito, maaari kang magpabahagi sa mga miyembro ng klase ng mga karanasan kung kailan kinailangan nilang magtiyaga at kung ano ang natutuhan nila sa karanasang iyon. Pagkatapos ay maaari nilang saliksikin ang Santiago 1:2–4; 5:7–11 para sa mga alituntuning maiaangkop nila sa kanilang mga karanasan. Maaari din silang makakita ng angkop na mga alituntunin sa mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Patuloy na Magtiyaga” (Ensign o Liahona, Mayo 2010, 56–59). Bakit kailangang magtiyaga habang nagsisikap tayong maging perpekto? Ano ang nakatulong sa mga miyembro ng klase na magkaroon ng pagtitiyaga sa kanilang buhay?
Santiago 1:3–8, 21–25; 2:14–26
“Ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.”
-
Ang isang paraan para matalakay ang mga turo ni Santiago tungkol sa pananampalataya at mga gawa ay hatiin ang klase sa dalawang grupo—ang isa para tuklasin kung bakit kailangan ng pagkilos ang pananampalataya at ang isa pa kung bakit kailangan ng pananampalataya ang ating mga kilos. Para magawa ito, maaari nilang basahin ang Mateo 7:21–23; Santiago 1:6–8, 21–25; 2:14–26; at Joseph Smith—Kasaysayan 1:19. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng bawat grupo ang natagpuan nila at talakayin kung bakit parehong kailangan ang pananampalataya at mga gawa.
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan nang mas malalim ang di-malilimutang pariralang “Ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay” (Santiago 2:26), maaari mong isulat ang sumusunod na pangungusap sa pisara: Ang pananampalataya na walang mga gawa ay parang na walang . Magpaisip sa mga miyembro ng klase ng malikhaing mga paraan para makumpleto ang pangungusap, at hayaan silang isulat ang kanilang mga ideya sa pisara. Maaari din silang makinabang sa paggawa ng aktibidad na ito nang magkakapares o sa maliliit na grupo. Maaaring makaragdag ang kuwentong inilahad ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa “Karagdagang Resources” sa kanilang pagkaunawa sa alituntuning ito. Ano ang magagawa natin para patuloy na kumilos ayon sa ating pananampalataya kay Jesucristo?
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat nating mahalin ang lahat ng tao, anuman ang kanilang sitwasyon.
-
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na magpakita ng pagmamahal na katulad ni Cristo sa lahat ng tao anuman ang sitwasyon o panlabas na anyo ng iba, maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na maghalinhinan sa pagbabasa ng mga talata mula sa Santiago 1:9–11; 2:1–10; 5:1–6. Talakayin ang mga tanong na kagaya ng mga sumusunod: Ano ang kahulugan ng “nagtatangi ng mga tao”? (Santiago 2:9). Bakit kung minsa’y iba ang trato natin sa mga taong may pera, katanyagan, o kapangyarihan kaysa mga taong wala nito? Paano natin maiiwasang maiba ang trato natin sa iba batay sa kanilang sitwasyon? Sa paanong paraan talagang pinakamayaman sa lahat ang matatapat na alagad ng Tagapagligtas? (tingnan sa Santiago 2:5).
Ang mga salitang ginagamit natin ay may kakayahang saktan o pagpalain ang iba.
-
Ang magagandang imaheng ginamit ni Santiago ay makakatulong na magpaalala at magganyak na gumamit ng mga salita—kapwa binigkas at isinulat—na magpapasigla sa iba. Isiping ipasuri sa mga miyembro ng klase ang Santiago 3 na naghahanap ng mga imaheng naglalarawan kung paano ginagamit ang pananalita para saktan o pagpalain ang iba; maaaring matuwa ang ilang miyembro ng klase na idrowing ang mga ito. Paano inilalarawan ng mga drowing na ito ang mga tagubilin ni Santiago sa kabanatang ito? Halimbawa, paano nagiging parang apoy ang ating mga salita? Anong mga imahe ang maiisip ng mga miyembro ng klase para ipakita ang positibong kapangyarihang maaaring nasa pananalitang iyon? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan kung paano nila masusunod ang payo ni Santiago.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang I at II Ni Pedro, ipahanap sa kanila ang mga turo ng doktrina sa mga sulat na ito na mas nauunawaan dahil sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Paano pinatototohanan ng mga turong ito ang misyon ni Joseph Smith bilang propeta?
Karagdagang Resources
Pananampalataya at pagkilos.
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:
“May isang lumang kuwento ng mga Judio tungkol sa isang tagagawa ng sabon na hindi naniniwala sa Diyos. Isang araw habang naglalakad sila ng isang rabbi, sabi niya, ‘Mayroon akong hindi maintindihan. Libu-libong taon na tayong may relihiyon. Ngunit saan ka man tumingin ay may kasamaan, katiwalian, pandaraya, kawalan ng katarungan, sakit, gutom, at karahasan. Mukhang ni hindi naman nakabuti ang relihiyon sa mundo. Kaya’t tatanungin kita, ano ang pakinabang nito?’
“Hindi sumagot ang rabbi ngunit patuloy na lumakad na kasabay ng tagagawa ng sabon. Kalaunan napalapit sila sa isang playground kung saan may mga batang puno ng alikabok na naglalaro sa lupa.
“‘Mayroon akong hindi maintindihan,’ sabi ng rabbi. ‘Tingnan mo ang mga batang iyon. Libu-libong taon na tayong may sabon, pero marurungis ang mga batang iyon. Ano ang pakinabang ng sabon?’
“Sumagot ang tagagawa ng sabon, ‘Pero rabbi, hindi makatwirang isisi sa sabon ang marurungis na batang ito. Kailangang gamitin ang sabon bago maisakatuparan ang layunin nito.’
“Ngumiti ang rabbi at nagsabing, ‘Tumpak’” (“Ang Matwid ay Mabubuhay sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Abr. 2017, 4).