“Nobyembre 25–Disyembre 1. I at II Ni Pedro: ‘Nangagagalak na Totoo na May Galak na Di Masayod at Puspos ng Kaluwalhatian’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Nobyembre 25–Disyembre 1. I at II Ni Pedro,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Nobyembre 25–Disyembre 1
I at II Ni Pedro
“Nangagagalak na Totoo na May Galak na Di Masayod at Puspos ng Kaluwalhatian”
Alalahanin na ang layunin mo ay turuan ang mga tao, hindi lang basta maglahad ng lesson. Habang binabasa mo ang mga Sulat ni Pedro, isipin ang bawat miyembro ng klase. Anong mga alituntunin ang makakatulong sa kanila na mapalakas ang kanilang pananampalataya?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Isulat ang mga heading na I Ni Pedro at II Ni Pedro sa pisara. Bigyan ng panahon ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang mga kabanatang ito, at ipasulat sa kanila sa ilalim ng mga heading na ito ang mga salita o parirala mula sa mga kabanata na makabuluhan sa kanila. Pagkatapos ay gamitin ang mga listahan para anyayahan ang mga tao na ibahagi ang kanilang mga kabatiran.
Ituro ang Doktrina
I Ni Pedro 1:3–9; 2:19–24; 3:14–17; 4:12–19
Makasusumpong ako ng galak sa mga oras ng pagsubok at pagdurusa.
-
Para mas maunawaan at masunod ng mga tinuturuan mo ang payo ni Pedro tungkol sa pagkakaroon ng kagalakan sa mahihirap na sitwasyon, maaari mong bigyan ng mga piraso ng papel ang mga miyembro ng klase at ipasulat sa kanila ang isang parirala mula sa I Ni Pedro 1:3–9; 2:19–24; 3:14–17; 4:12–19 na maaaring makatulong sa kanila sa oras ng pagsubok o paghihirap. Sa kabilang panig ng papel, maaari nilang isulat ang isang pagsubok kung kailan nakadama sila ng kapayapaan o kagalakan. Maaaring ibahagi ng ilang boluntaryo ang kanilang parirala at karanasan, at pagkatapos ay maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase ang natutuhan nila.
-
Ang isa pang paraan para marebyu ang payo ni Pedro sa I Ni Pedro 1:3–9; 2:19–24; 3:14–17; 4:12–19 ay magpaisip sa mga miyembro ng klase ng isang taong kilala nila na dumaranas ng pagsubok. Bigyan sila ng panahon sa klase na sumulat sa taong iyon, kasama ang mga katotohanan mula sa mga talatang magpapalakas ng loob ng taong iyon (tingnan din sa DT 121:1–8; 123:17). Pagkatapos ay maaaring magsalita ang mga miyembro ng klase tungkol sa mga katotohanang pinili nila.
Tinawag tayo upang maging “[mga tao] ng Dios.”
-
Bilang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, tinawag tayo upang sundan si Jesucristo. Ibig sabihin, ang ating mga pagpili ay madalas na maiiba sa pagpili ng ibang tao. Paano makakatulong ang mga turo ni Pedro sa I Ni Pedro 1:13–20; 2:1–12 sa mga tinuturuan mo na mas maunawaan ang misyon ng Tagapagligtas at naising maging higit na katulad Niya? Marahil ay maaari mong ipasaliksik sa mga miyembro ng klase ang mga talatang ito na hinahanap ang mga paglalarawan ng kahulugan ng maging “[mga tao] ng Dios” (I Ni Pedro 2:10) at pagkatapos ay talakayin kung ano ang natagpuan nila. Maaari mong ipaliwanag na ang kahulugan ng mga salitang “kakaiba” sa I Ni Pedro 2:9 ay “binili” o “iningatan.” Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa damdamin ng Diyos tungkol sa atin at kung paano Niya tayo gustong mamuhay?
Ang ebanghelyo ay ipinangaral sa mga patay para maging makatarungan ang paghatol sa kanila.
-
Ang Unang Sulat ni Pedro ay naglalaman ng isa sa ilang reperensya sa Biblia tungkol sa pagbisita ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu nang mamatay Siya–isang kaganapang mas lubos na naipauunawa sa atin ng makabagong paghahayag. Para mas mapalalim ang pag-unawa ng mga miyembro ng klase sa daigdig ng mga espiritu, maaari mong ipabasa sa kanila ang sumusunod na mga talata at isulat ang matutuhan nila sa pisara: Juan 5:25; I Ni Pedro 3:18–20; 4:6; Alma 40:7–14, 21; Doktrina at mga Tipan 138:11–32.
Ang mga pahayag na nasa “Karagdagang Resources” ay nagpapakita na ang pagbisita ni Cristo sa daigdig ng mga espiritu ay naunawaan at itinuro hindi lamang ng Kanyang mga Apostol kundi maging ng mga naunang gurong Kristiyano. Ang pag-unawa na nawala ang kaalamang ito nang magkaroon ng Malawakang Apostasiya at ipinanumbalik sa ating panahon ay magpapalakas sa patotoo ng mga miyembro ng klase kay Joseph Smith at sa Panunumbalik ng ebanghelyo.
-
Ang pagtalakay sa I Ni Pedro 3:18–20; 4:6 ay makakahikayat sa mga miyembro ng klase na mas lubos na makibahagi sa family history at gawain sa templo. Para magawa ito, maaari mong hatiin ang klase sa tatlong grupo at bigyan ang bawat grupo ng isa sa sumusunod na mga tanong tungkol sa pagtubos sa mga patay: Ano ang papel na ginagampanan ng Tagapagligtas sa pagtubos sa mga patay? Ano ang papel na ginagampanan ng mga pumanaw na—kapwa ang matatapat at ang mga namatay na walang alam tungkol sa ebanghelyo? Ano ang papel na ating ginagampanan? Iparebyu sa bawat grupo ang I Ni Pedro 3:18–20; 4:6; Doktrina at mga Tipan 128:17–18; 138:11–32, 57–59, na naghahanap ng mga sagot sa kanilang tanong. Ipabahagi sa bawat grupo ang natutuhan nila, at isiping ibahagi ang pahayag ni Elder D. Todd Christofferson o ang isa sa mga video na matatagpuan sa “Karagdagang Resources.” Anong mga pagpapala ang nasaksihan natin nang makibahagi tayo sa pagliligtas sa pumanaw nating mga ninuno?
Sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo, malilinang natin ang ating likas na kabanalan.
-
Para mahikayat ang mga tinuturuan mo sa kanilang mga pagsisikap na maging higit na katulad ni Jesucristo, maaari mong ipatukoy sa kanila ang mga katangiang katulad ni Cristo na inilarawan sa II Ni Pedro 1:1–11. Isiping isulat ang mga katangiang ito sa pisara at hilingin sa mga miyembro ng klase na ipaliwanag ang mga ito. Pagkatapos ay maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase kung paano humahantong ang pagkakaroon ng mga ito sa pagkakaroon ng iba pang mga katangian. Bigyan sila ng panahong pagnilayan kung aling katangian ang gusto nilang taglayin nang mas lubusan (tingnan din sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 144).
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Maaari mong ipaliwanag na pag-aaralan ng mga miyembro ng klase ang mga Sulat ni Juan sa susunod na linggo. Ang mga sulat na ito ay tumutulong na iwasto ang mga maling turo tungkol kay Jesucristo at magpapalakas sa ating patotoo na tunay na buhay ang Tagapagligtas.
Karagdagang Resources
I at II Ni Pedro
Ang gawain ng pagtubos sa mga patay ay nagpapatotoo sa misyon ni Cristo.
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson:
“Matagal nang pinag-iisipan ng mga Kristiyanong nag-aaral sa relihiyon ang tanong na, Ano ang maaaring maging tadhana ng bilyun-bilyong nabuhay at namatay nang walang alam tungkol kay Jesus? Kaakibat ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ay dumating ang pang-unawa sa kung paano natutubos ang mga patay na hindi nabinyagan at paanong ang Diyos ay “isang ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos” [Alma 42:15].
“Noong nabubuhay pa sa lupa, nagpropesiya si Jesus na mangangaral din Siya sa mga patay [tingnan sa Juan 5:25]. Ayon kay Pedro nangyari ito sa pagitan ng Pagkakapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas [tingnan sa I Ni Pedro 3:18–19]. Nasaksihan ni Pangulong Joseph F. Smith ang pangitain na dinalaw ng Tagapagligtas ang daigdig ng mga espiritu [tingnan sa DT 138:30, 33]. …
“Ang kagustuhan nating tubusin ang patay at ang oras at salapi na ginugugol natin sa gawaing iyan, higit sa lahat, ay pagpapahiwatig ng ating patotoo kay Jesucristo. Taglay nito ang makapangyarihang pahayag na maaari nating magawa hinggil sa Kanyang banal na pagkatao at misyon. Una ay pinatototohanan nito ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo; ikalawa, ang walang hanggang impluwensya ng Kanyang Pagbabayad-sala; ikatlo, na Siya ang tanging pinagmumulan ng kaligtasan; ikaapat, na itinatag Niya ang mga kundisyon para sa kaligtasan; at, ikalima, na Siya ay paparitong muli” (“Ang Pagtubos sa mga Patay at ang Patotoo ni Jesus,” Ensign o Liahona, Ene. 2001, 9–10).
Mga isinulat ng mga naunang gurong Kristiyano (una hanggang ikatlong siglo) tungkol sa pangangaral sa mga patay.
Origen: “Nang [si Jesus] ay naging isang kaluluwa [isang espiritu], na walang katawan, nakasama Niya ang mga kaluluwang walang katawan, at pinagbalik-loob sa Kanya yaong mga handang sumampalataya” (sa The Ante-Nicene Fathers, inedit nina Alexander Roberts at James Donaldson [1907], 4:448).
Hermas: “Ang mga apostol at ang mga guro na nangaral sa pangalan ng Anak ng Diyos, matapos silang pumanaw sa kapangyarihan at pananampalataya sa Anak ng Diyos, ay nangaral din sa mga pumanaw nang mas maaga kaysa kanila” (sa The Apostolic Fathers, trans. J. B. Lightfoot [1898], 472).