“Disyembre 23–29. Apocalipsis 12–22: ‘Ang Magtagumpay ay Magmamana ng mga Bagay na Ito’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Disyembre 23–29. Apocalipsis 12–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Disyembre 23–29
Apocalipsis 12–22
“Ang Magtagumpay ay Magmamana ng mga Bagay na Ito”
Ano ang itinuturo sa iyo ng digmaan sa pagitan ng mabuti at masama na inilarawan sa Apocalipsis tungkol sa kahalagahan ng pagsunod kay Cristo dito sa lupa? Matapos pagnilayan ang alituntuning ito, isipin ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase mo. Anong mga katotohanan mula sa Apocalipsis ang makakatulong sa kanila na gumawa ng mga tamang pasiya?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Habang papatapos na ang mga miyembro ng klase sa pag-aaral nila ng Bagong Tipan, hikayatin silang ibahagi ang kanilang mga kaisipan tungkol sa Bagong Tipan. Paano napalakas ng pag-aaral nila ng banal na kasulatan ang kanilang patotoo?
Ituro ang Doktrina
Nadaig natin si Satanas “dahil sa dugo ng Cordero, at dahil sa salita ng [ating] patotoo.”
-
Ang pag-aaral tungkol sa Digmaan sa Langit ay mas magpapaunawa sa atin sa buhay sa lupa. Maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:7–11 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) at tukuyin kung paano natin nadaig si Satanas at ang kanyang mga hukbo sa Digmaan sa Langit. Anong iba pang mga kabatiran ang natamo natin mula sa mga entry tungkol sa Digmaan sa Langit sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan? Ano ang natututuhan natin na makakatulong sa atin na madaig ang kaaway habang nabubuhay tayo sa mundo?
-
Ano ang kahulugan ng ang Cordero ay “pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan”? (Apocalipsis 13:8; tingnan din sa Apocalipsis 5:6). Isiping tulungan ang mga miyembro ng klase mo na maghanap ng mga sagot sa tanong na ito sa pagbasa sa Mosias 3:13 at Moises 7:47 bilang isang klase. Ano ang kahulugan ng madaig si Satanas “dahil sa dugo ng Cordero”? (Apocalipsis 12:11).
Kailangan nating ihiwalay ang ating sarili sa kasamaan ng mundo.
-
Hindi kalugud-lugod na mabasa lalo na ang tungkol sa kasamaan ng Babilonia at pagguho nito sa Apocalipsis 17–18, ngunit may aral dito dahil ang Babilonia ay maaaring maging simbolo ng masamang mundong ginagalawan natin ngayon. Siguro’y maaari mong hatiin ang mga kabanatang ito sa maliliit na grupo ng mga miyembro ng klase at ipahanap sa kanila ang mga sagot sa mga tanong na katulad nito: Bakit naaakit ang mga tao sa Babilonia, o kamunduhan? Bakit mapanganib ang Babilonia? Ano ang mangyayari sa Babilonia? Anong mga babala ang ibinigay ni Juan para tulungan tayong maiwasan ang sinapit ng Babilonia?
-
Matapos basahin ang Apocalipsis 18:4, maaaring gusto ng mga miyembro ng klase na talakayin kung paano sila maaaring “mangagsilabas” ng Babilonia at “huwag … mangaramay sa kaniyang mga kasalanan.” Halimbawa, anong mga talata o mensahe mula sa mga pinuno ng Simbahan ang nakatulong sa atin na labanan ang mga tukso ng Babilonia, o ng mundo? Isiping basahin ang pahayag ni Elder Quentin L. Cook sa “Karagdagang Resources.” Anong mga ideya ang maibabahagi ng mga miyembro ng klase kung paano maisasabuhay ang dalawang alituntuning binanggit ni Elder Cook? Sa anong paraan tayo “[n]angag[si]silabas” ng Babilonia? (tingnan, halimbawa, sa DT 133:12–14). Ano ang magagawa natin para mahikayat ang iba na gawin din iyon?
Makapaghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon at sa Araw ng Paghuhukom.
-
Ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ay madalas tawaging “ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon” (Joel 2:31), at ayon sa Apocalipsis 19–20, mukhang magandang paglalarawan iyan. Isiping isulat sa pisara ang ilan sa mga kaganapang inilarawan sa Apocalipsis 19:5–20:15. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na hanapin ang mga talatang naglalarawan sa mga kaganapang ito. Bakit tinawag na dakila at kakila-kilabot ang mga kaganapang ito? Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas at sa mga sumusunod sa Kanya? Ano ang magagawa natin ngayon para makasama ang mga taong magsasaya sa oras ng Kanyang pagparito?
-
Para makahikayat ng talakayan tungkol sa aklat ng buhay, maaari kang magpagawa sa mga miyembro ng klase ng simpleng aklat sa pamamagitan ng pagtutupi ng isang piraso ng papel sa apat na bahagi. Pagkatapos ay maaari nilang basahin ang Apocalipsis 20:12–15, pagnilayan kung ano ang gusto nilang maisulat tungkol sa kanila sa aklat ng buhay, at isulat ang mga bagay na iyon sa kanilang aklat. (Ang mga kahulugan ng “aklat ng buhay” ay matatagpuan sa “Karagdagang Resources.”) Ano ang madarama natin kung tinawag tayo sa harapan ng luklukan ng Diyos ngayon? Isiping gamitin ang mensahe ni Elder Jörg Klebingat na “Paglapit sa Luklukan ng Diyos nang May Tiwala” (Ensign o Liahona, Nob. 2014, 34–37) bilang bahagi ng talakayan. Maaari mo ring rebyuhin ang mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Kayo Nga‘y Mangagpakasakdal—sa Wakas” (Ensign o Liahona, Nob. 2017, 40–42). Ano ang naitutulong ng mga mensaheng ito sa talakayang ito tungkol sa paghahanda para sa Araw ng Paghuhukom?
Kung tayo ay tapat, bibiyayaan tayo ng kaluwalhatiang selestiyal.
-
Kahit ipinropesiya na ang mga huling araw ay mapupuno ng kasamaan at panganib, ang gantimpalang nakita ni Juan para sa matatapat ay higit pa sa paghihirap na nauna rito. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na tuklasin ang magandang konklusyong ito sa Apocalipsis, maaari mong iparebyu sa kanila ang Apocalipsis 21:1–22:5, na naghahanap ng mga pariralang naghihikayat sa kanila na magsumikap para sa kaluwalhatiang selestiyal. Ano ang mga pangako sa matatapat? Paano tayo natutulungan ng paglalarawang ito kapag nahaharap tayo sa ating kasalukuyang mga hamon at pagsubok?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang Aklat ni Mormon sa susunod na taon—nang mag-isa at kasama ang kanilang pamilya—ibahagi ang ilan sa mga pangakong ito ng mga propeta.
Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Walang alinlangan kong ipinangangako sa inyo na kung susundin ng bawat isa sa inyo ang simpleng programang ito, kahit ilang beses na ninyong nabasa ang Aklat ni Mormon, darating sa inyo at sa inyong tahanan ang Espiritu ng Panginoon, na lalong magpapalakas sa paninindigan ninyong sundin ang Kanyang mga utos, at lalong magpapatatag sa patotoo na tunay na buhay ang Anak ng Diyos” (“Isang Patotoong Buhay na Buhay at Tapat” Liahona, Ago. 2005, 6).
Pangulong Thomas S. Monson: “Hinihikayat ko ang bawat isa sa atin na pag-aralan at pagnilayan nang may panalangin ang Aklat ni Mormon araw-araw. Kapag ginawa natin ito, maririnig natin ang tinig ng Espiritu, mapaglalabanan ang tukso, madaraig ang pag-aalinlangan at pangamba, at tatanggap ng tulong ng langit sa ating buhay” (“Ang Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 87).
Karagdagang Resources
Pagpili sa kabutihan kaysa sa kasamaan ng Babilonia.
Itinuro ni Elder Quentin L. Cook:
“Hindi natin maiiwasan ang daigdig. Hindi sagot ang paglalayo ng ating sarili sa iba. Sa positibong pananaw, ang kontribusyon natin sa mundo ay bahagi ng hamon sa atin at kailangan ito kung gusto nating pagbutihin ang ating mga talento. … Kailangang makisalamuha sa mundo ang mga miyembro ng Simbahan sa magandang paraan. Kung gayon paano natin mababalanse ang pangangailangang makapag-ambag nang maganda sa mundo at huwag padaig sa mga kasalanan ng mundo? (Tingnan sa DT 25:10; DT 59:9.) Dalawang alituntunin ang makakagawa ng malaking kaibhan.
“1. Ipaalam sa mga tao na kayo ay tapat na Banal sa mga Huling Araw. …
“2. Magtiwala at ipamuhay ang inyong mga pinaniniwalaan” (“Mga Aral mula sa Lumang Tipan: Nasa Mundo Ngunit Hindi Makamundo,” Liahona, Peb. 2006, 39–41).
Ang aklat ng buhay.
Mga Taga Filipos 4:3; Apocalipsis 3:5; 17:8; 2 Nephi 29:11; Alma 5:58; Doktrina at mga Tipan 127:6–7, 9; 128:6–7.
“Sa isang banda, ang aklat ng buhay ang kabuuan ng mga iniisip at gawa ng isang tao—ang talaan ng kanyang buhay. Gayunman, itinuturo ng mga banal na kasulatan na isang makalangit na talaan ang iniingatan tungkol sa matatapat, naglalaman ng kanilang mga pangalan at ulat ng kanilang mabubuting gawa” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Aklat ng Buhay”).