“Disyembre 16–22. Pasko: ‘Mabubuting Balita ng Malaking Kagalakan’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Disyembre 16–22. Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Disyembre 16–22
Pasko
“Mabubuting Balita ng Malaking Kagalakan”
Nakaaantig sa espiritu ang mga talakayan tungkol sa ebanghelyo kapag nakasentro ang mga ito kay Jesucristo. Habang pinag-aaralan mo ang pagsilang at misyon ni Jesucristo ngayong linggo, hangarin ang inspirasyon mula sa Espiritu Santo na malaman kung paano mo mas maitutuon sa Tagapagligtas ang talakayan sa klase mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang ginagawa o nagawa nila noong araw bilang mga indibiduwal o pamilya para ipagdiwang ang pagsilang ng Tagapagligtas sa mga paraan na mas naglalapit sa kanila sa Kanya.
Ituro ang Doktrina
Mateo 1:18–25; Lucas 1:26–38; 2:1–20
Nagpakababa si Jesucristo na maisilang sa mundo.
-
Ang kahulugan ng magpakababa ay kusang bumaba mula sa isang ranggo o karangalan (tingnan sa 1 Nephi 11:14–26). Ang Pasko ay isang magandang panahon para pagnilayan at ipagdiwang ang pagpapakababa ni Cristo—ang Kanyang kahandaang iwan ang “mga hukuman ng kanyang Ama sa langit, upang mamuhay sa piling ng tao, upang mamatay para sa tao” (“Again We Meet around the Board,” Hymns, blg. 186). Para makahikayat ng talakayan tungkol sa paksang ito, maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase kung ano ang natutuhan nila sa personal na pag-aaral nila o ng pamilya sa linggong ito kung sino si Jesucristo bago Siya isinilang (tingnan sa Juan 17:5; Mosias 7:27; DT 76:12–14, 20–24; Moises 4:2). Pagkatapos ay maaari mong idispley ang imahe sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya habang nagbabasa ang mga miyembro ng klase tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 1:18–25; Lucas 1:26–38; 2:1–20). Ano ang mga iniisip at nadarama nila nang ikumpara nila ang premortal na kaluwalhatian ng Tagapagligtas sa Kanyang abang pagsilang?
-
Ang isang tanong na tulad ng itinanong ng anghel kay Nephi sa 1 Nephi 11:16 ay maaaring magandang paraan para magpasimula ng talakayan sa klase, bagama’t maaari mong baguhin ang mga salita. Siguro’y maaari mong isulat sa pisara ang Ano ang pagpapakababa ng Diyos? at hilingin sa mga miyembro ng klase na pagnilayan ang tanong na ito habang binabasa nila ang 1 Nephi 11:17–33. Magpabahagi sa kanila ng anumang mga kaisipan tungkol sa Tagapagligtas na binibigyang-inspirasyon ng mga talatang ito. Anong mga larawan ang maipapakita mo sa klase na nagpapamalas ng mga tagpo sa buhay ng Tagapagligtas na inilarawan ni Nephi?
-
Ang musika ay isang napakagandang paraan para maanyayahan ang Espiritu sa klase mo. Isiping anyayahan ang isang tao na kumanta ng isang awiting Pamasko, o sama-samang basahin o kantahin ang ilang himno bilang isang klase (tingnan sa Mga Himno, blg. 121–131). Maaaring maghanap ang mga miyembro ng klase ng mga parirala sa mga himnong ito at sa mga talatang nakalista sa mga himno na nagpapaibayo sa kanilang pasasalamat para sa Tagapagligtas at sa kahandaan Niyang pumarito sa lupa.
Tinupad ni Jesucristo ang Kanyang misyon, na ginawang posible para sa atin na magmana ng buhay na walang hanggan.
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na talakayin ang mga dahilan kaya isinilang si Jesucristo, maaari mong ipahanap at ipabahagi sa kanila ang mga talata sa banal na kasulatan na nagbubuod sa Kanyang misyon (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para sa ilang halimbawa). Marahil ay maaaring maghanap at magbasa ng mga talata ang mga miyembro ng klase nang magkakapares o sa maliliit na grupo. Ano ang natutuhan nila tungkol sa misyon ni Cristo mula sa mga talatang natagpuan nila? Ano ang natutuhan natin tungkol sa Kanyang misyon mula sa ilan sa mga titulong itinawag sa Kanya sa mga banal na kasulatan? (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Jesucristo”).
-
Maaaring matuto ang mga miyembro ng klase tungkol sa misyon ng Tagapagligtas sa pagbasa sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (Ensign o Liahona, Mayo 2017, loob na pabalat sa harap) at pagbabahagi ng matatagpuan nila na nagpapaliwanag kung bakit Siya naparito sa lupa. O maaari nilang rebyuhin ang mensahe ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa “Karagdagang Resources” at talakayin kung ano ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas. Paano tayo magbibigay ng panahon sa Kapaskuhang ito para “tahimik na makapagnilay at makapagmuni-muni” tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon?
-
Bigyan ng panahon ang mga miyembro ng klase na mapagmuni-muni ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang misyon. Maaari ba silang magbahagi ng personal na mga karanasan o kuwento mula sa buhay ng Tagapagligtas na nagpaibayo sa kanilang pananampalataya o pagmamahal sa Kanya? Paano nakatulong ang pag-aaral ng Bagong tipan sa taong ito para maging mas makabuluhan ang Kapaskuhang ito?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Ipahiwatig sa mga miyembro ng klase mo na ang pag-aaral ng Apocalipsis 12–22 ngayong linggo ay magpapalalim sa pagpapahalaga nila sa papel na ginagampanan ng Tagapagligtas sa plano ng kaligtasan at magdaragdag ng kahulugan sa kanilang pagdiriwang ng Pasko.
Karagdagang Resources
Pasko
Ang tunay na diwa ng Pasko.
Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Kapag ang lahat ng bagay ay nagawa na, … walang kasing kahanga-hanga, kasing rangal, kasing bigat sa gawaing ito ng pagpapala nang ang Anak ng Makapangyarihang Diyos, … Siya na nagpakababa sa pagpunta sa lupa bilang isang sanggol na isinilang sa Betlehem, ay ibinigay ang Kanyang buhay sa kadustaan at paghihirap upang ang lahat ng anak na lalaki at babae ng Diyos sa lahat ng [henerasyon] ng panahon, na mamamatay bawat isa, ay muling makalakad at mabubuhay nang walang hanggan. Ginawa Niya para sa atin ang hindi magagawa ng sinuman para sa atin. …
“Ito ang kahanga-hanga at tunay na kuwento ng Pasko. Ang kapanganakan ni Jesus sa Betlehem ng Judea ang paunang salita. Ang tatlong-taong ministeryo ng Panginoon ang pambungad. Ang dakilang diwa ng kanyang kuwento ay ang Kanyang sakripisyo, ang tunay na di-makasariling pagkamatay sa krus ng Calvario upang pagbayaran ang mga kasalanan nating lahat.
“Ang pangwakas ay ang himala ng Pagkabuhay na Mag-uli, na nagdala ng katiyakan na ‘kung paanong kay Adan ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin’ (I Cor. 15:22).
“Hindi magkakaroon ng Pasko kung walang Pasko ng Pagkabuhay. Ang sanggol na si Jesus ng Betlehem ay magiging isang pangkaraniwang sanggol kung wala ang pagtubos ni Cristo sa Getsemani at sa Calvario, at ang matagumpay na katunayan ng Pagkabuhay na Mag-uli.
“Naniniwala ako sa Panginoong Jesucristo, ang Anak ng Walang Hanggan at Buhay na Diyos. Walang sinumang kasingdakila ang lumakad sa lupa. Walang sinuman ang nakagawa ng maihahambing na sakripisyo o nagkaloob ng maihahambing na biyaya. Siya ang Tagapagligtas at Manunubos ng mundo. Naniniwala ako sa Kanya. Ipinahahayag ko ang Kanyang pagka-Diyos nang tahasan o walang pag-aalinlangan. Minamahal ko Siya. Binibigkas ko ang Kanyang pangalan nang may pagpipitagan at paghanga. …
“Para sa inyong lahat, maging maligaya nawa ang Paskong ito. Ngunit higit na mahalaga, hinihiling ko sa inyo ang isang panahon, maaaring isang oras, na gugulin sa matahimik na pagmumuni-muni at pagbubulay-bulay sa kadakilaan at dangal nito, ang Anak ng Diyos. Nagagalak tayo sa panahong ito dahil pumarito Siya sa mundo. Ang kapayapaang nagmumula sa Kanya, ang Kanyang walang-hanggang pag-ibig na madama nawa ng bawat isa sa atin, at ang nag-uumapaw na damdamin ng pasasalamat sa bagay na malaya Niyang ibinigay sa atin sa kabila ng napakalaking kapalit nito sa Kanyang sarili—ang mga ito ang tunay na diwa ng Pasko” (“Ang Kahanga-hanga at Tunay na Kuwento ng Pasko,” Liahona, Dis. 2000, 4–5).