“Disyembre 2–8. I–III Ni Juan; Judas: ‘Ang Dios ay Pagibig’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Disyembre 2–8. I–III Ni Juan; Judas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2019
Disyembre 2–8
I–III Ni Juan; Judas
“Ang Dios ay Pagibig”
Anong mga tema at huwaran ang namumukod-tangi sa iyo habang binabasa mo ang I–III Ni Juan at Judas? Paano mo magagamit ang mga ito para tulungan ang mga miyembro ng klase mo?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na magbahagi ng mga tema o partikular na mga katotohanan na namukod-tangi sa kanila nang pag-aralan nila ang mga Sulat ni Juan at Judas. Anong mga mensahe mula sa mga sulat na ito ang may pinakamalaking kaugnayan sa kanila at sa kanilang pamilya?
Ituro ang Doktrina
I Ni Juan 1:5–10; 2:3–11; 3:1–3; 4:7–21; 5:1–3
Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay mga perpektong halimbawa ng liwanag at pagmamahal.
-
Paano mo matutulungan ang mga tinuturuan mo na makita ang liwanag at pagmamahal ng Ama sa Langit sa kanilang buhay? Maaari kang magsimula sa pagsulat ng mga salitang liwanag at pagmamahal sa pisara. Ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang mga unang salitang naiisip nila kapag iniisip nila ang dalawang salitang ito. Maaari mong hatiin ang klase sa mga grupo at atasan ang bawat grupo ng isa sa sumusunod na mga talata: I Ni Juan 1:5–10; 2:3–11; 3:1–3; 4:7–12; 4:16–21; 5:1–3. Maaaring saliksikin ng mga grupo sa mga talatang ito ang mga katibayan ng liwanag at pagmamahal ng Diyos at ang mga bagay na magagawa natin para ipakita ang ating pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng bawat grupo sa klase ang kanilang natuklasan. Maaari ka ring magpabahagi sa mga miyembro ng klase ng mga karanasan na nadama nila ang liwanag at pagmamahal ng Ama sa Langit.
-
Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang espirituwal na liwanag sa kanilang buhay? Maaari mong patingalain ang mga miyembro ng klase sa isang ilaw sa kisame o sa liwanag na nagmumula sa bintana at ipabahagi ang nalalaman nila tungkol sa pisikal na liwanag. Paano naging katulad ng pisikal na liwanag ang espirituwal na liwanag? Marahil ay maaari mong saliksikin ang Awit 27:1; Juan 1:4–5; I Ni Juan 1:5–7; 3 Nephi 11:11; Doktrina at mga Tipan 88:6–13 at hanapin ang iba pang mga kabatiran kung paano nagbibigay ng liwanag ang Diyos at ang Kanyang Anak sa ating buhay. Maaari ding magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng klase kung kailan humingi at tumanggap sila ng espirituwal na liwanag sa kanilang buhay.
-
Maaaring matuwa ang mga miyembro ng klase sa sama-samang pagkanta o pakikinig sa isang awitin tungkol sa liwanag, tulad ng “Tanglaw Ko ang Diyos” (Mga Himno, blg. 49). Ano ang itinuturo ng awiting ito kung paano naging katulad ng liwanag ang Panginoon? Ang pahayag ni Elder Robert D. Hales sa “Karagdagang Resources” ay maaaring magbigay ng iba pang mga kabatiran kung paano magtamo ng higit na liwanag sa ating buhay.
I Ni Juan 2:18–23, 26–28; 4:3; II Ni Juan 1:7–11; III Ni Juan 1:9–11; Judas
Kailangan nating patibayin ang ating sarili laban sa mga maling turo.
-
Maaaring nahihirapan ang ilan sa mga miyembro ng klase mo o ang kanilang mga mahal sa buhay na harapin ang mga maling turong nagpapahina sa kanilang pananampalataya. Maaaring makatulong sa kanila na malaman ang itinuro nina Juan at Judas tungkol sa apostasiya. Isiping ipahanap sa kalahati ng klase ang mga paglalarawan ng mga maling turo o apostasiya sa I Ni Juan 2:18–23, 26–28; 4:3; II Ni Juan 1:7–11; III Ni Juan 1:9–11 at sa natitirang kalahati ang gayon ding mga paglalarawan sa Judas. O maaari silang maghanap ng mga sagot sa mga tanong na tulad nito: Paano inilalarawan nina Juan at Judas ang isang anticristo? (tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Anti-Cristo,” scriptures.lds.org). Mayroon bang anuman sa mga talatang ito na tila angkop na angkop sa mga hamong kinakaharap natin ngayon? Paano natin mapapatibay ang ating sarili laban sa mga maling turo?
-
Gumamit si Judas ng nakakaaliw na mga imahe para ilarawan ang mga bulaang guro, o mga “nangalipusta sa anomang bagay na hindi nila nalalaman” (Judas 1:10). Maaari mong ipadrowing sa ilang miyembro ng klase sa pisara ang ilan sa mga imaheng inilarawan sa Judas 1:12–13 samantalang huhulaan naman ng iba pang mga miyembro ng klase kung aling parirala ang idinodrowing ng taong iyon. Paano kumakatawan ang mga imaheng ito sa mga bulaang guro at anticristo? Halimbawa, paano lumilikha ng “mga [batik] sa [ating] piging ng pagiibigan” ang masasamang gawi? Ano ang magagawa natin para mapatibay ang ating sarili laban sa “mga manunuya”? (tingnan sa Judas 1:18–21). Bakit kaya iminungkahi ni Judas na “kahabagan” natin (Judas 1:22) ang mga nangungutya sa ebanghelyo?
Kapag sumampalataya tayo kay Cristo at isinilang sa Diyos, madaraig natin ang mundo.
-
Iminumungkahi sa isa sa mga aktibidad para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na saliksikin ang I Ni Juan 5 para matuklasan kung paano natin madaraig ang mundo. Marahil ay maaari mong ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang kanilang nakita at ipasulat ito sa pisara. (Maaari mo silang bigyan ng kaunting panahon sa klase para rebyuhin nang bahagya ang kabanata.) O maaari mong ipabasa sa klase ang ilang bahagi ng mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Pagdaig sa Sanlibutan” (Ensign o Liahona, Mayo 2017, 58–62) at ipabahagi ang natutuhan nila. Halimbawa, anong mga kabatiran ang natamo nila mula sa mga ikinuwento ni Elder Andersen tungkol kina Pangulong David O. McKay at Elder Bruce D. Porter? Siguro’y maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang sarili nilang mga halimbawa ng mga taong sa pakiramdam nila ay nagsikap na madaig ang sanlibutan.
Nagagalak tayo kapag tinulungan natin ang iba na “[lumakad] sa katotohanan.”
-
Malamang ay may mga tao sa klase mo na makakaugnay sa nadama ni Juan nang sabihin niya na siya ay “wala nang dakilang kagalakan” kaysa marinig na si Gayo (isa sa kanyang mga “anak”) ay lumalakad sa katotohanan. Maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na makinig sa mga karanasan ng isa’t isa. Siguro’y maaari kang magsimula sa sama-samang pagbasa sa III Ni Juan 1:1–4 at sa mga talata sa “Karagdagang Resources.” Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa pinagmumulan ng tunay na kagalakan? Maaaring pag-usapan ng mga miyembro ng klase kung ano ang nadama nila bilang mga magulang, missionary, lider ng Simbahan, o guro nang malaman nila na ang mga taong tinuruan nila ay lumalakad sa katotohanan. Maaari mong kontakin ang ilang miyembro ng klase bago magklase at pagdalahin sila ng mga larawan ng mga tao na tinulungan nilang lumapit kay Cristo at ipakuwento ang kanilang mga karanasan.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Paano tayo matuturuan ng mga simbolong tulad ng mga dragon, mga hayop na may pakpak, at pinatay na mga kordero tungkol sa plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pag-isipan ang tanong na ito habang pinag-aaralan nila ang Apocalipsis sa susunod na ilang linggo.
Karagdagang Resources
Pinapawi ng liwanag ang kadiliman.
Itinuro ni Elder Robert D. Hales kung paano natin mapapawi ang kadiliman sa ating buhay at paano tayo lalakad sa liwanag:
“Noong bata pa ako, palagi akong nagbibisikleta pauwi mula sa ensayo ng basketball sa gabi. Magkakabit ako ng maliit na hugis-peras na generator sa gulong ng bisikleta ko. Tapos, habang pumapadyak ako, paiikutin ng gulong ang isang maliit na rotor, na lumilikha ng elektrisidad at nagpapasindi sa sinag ng ilaw na kailangan ko. Iyo’y simple ngunit mabisang mekanismo. Ngunit kailangan kong pumadyak para gumana ito! Madali kong natutuhan na kapag tumigil ako sa pagpadyak sa aking bisikleta, mamamatay ang ilaw. Nalaman ko rin na kapag ako’y ‘sabik sa paggawa’ [DT 58:27] o sa pagpadyak, ang ilaw ay lalong magliliwanag at ang kadiliman sa harap ko’y mawawala.
“Ang henerasyon ng espirituwal na liwanag ay nagmumula sa araw-araw na espirituwal na pagpadyak. Nagmumula ito sa pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pag-aayuno, at paglilingkod—sa pamumuhay ng ebanghelyo at pagsunod sa mga utos” (“Mula sa Kadiliman tungo sa Kanyang Kagila-gilalas na Kaliwanagan,” Ensign, Mayo 2002, 71).